Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata, ngunit napapikit akong muli nang tumambad sa akin ang nakakasilaw na sinag ng araw. "N-Nasaan ako?" Napakuskos pa ako sa aking mata dahil medyo nanlalabo pa ang mga ito.
Napagtanto kong narito pala ako sa aking silid nang umupo na ako ng maayos sa aking kama.
Sandali, anong nangyari kagabi? Bakit wala akong maalala?
Napatingin naman ako sa aking kaliwang kamay. Nagulat ako nang madatnan ko ang isang peklat na tila kakagaling lamang mula sa isang sugat. Sa palagay ko'y nakalmot ito ng isang hayop, base sa hitsura nito. Ngunit saan ko naman nakuha ang peklat na ito? Sa pagkakatanda ko, hindi naman ako nasugatan nitong mga nakaraang araw.
Nagulat ako nang biglang bumukas ang pintuan, "Jasmin, anak?-- oh, gising ka na pala." Pumasok si ina dala ang isang baso ng gatas. "Heto ang sariwang gatas. Inumin mo muna ito bago ka maligo upang mas gumaan ang pakiramdam mo."
Kinuha ko naman mula sa kaniya ang baso at uminom mula rito. "Salamat po." Tugon ko. Tumango naman si ina at nginitian ako. Sinimulan niya nang buksan ang ibang bintana sa aking silid upang mas makapasok pa ang sikat ng araw dito. Isang bintana lang kasi ang binubuksan ko sa tuwing ako'y natutulog sa gabi.
Sandali, wala naman akong nararamdamang kakaiba, bakit ako dinalhan ni ina ng gatas? "Ina," Tawag ko, at lumingon siya sa akin. "Hindi naman po mabigat ang pakiramdam ko, ano pong ibig ninyong sabihin?"
"Mataas ang lagnat mo kagabi, hindi mo ba naaalala?" Tanong niya. "Hindi po." Tugon ko at tumayo na upang kumuha ng damit mula sa aking aparador. "Nakatulog ka sa isang upuan malapit sa azotea ng bahay nina Priscilla. Gigisingin sana kita ngunit nang mahawakan kita ay halos mapaso ako kung kaya't agad ka naming dinala sa pagamutan. Naka-uwi rin naman tayo matapos ang ilang oras. Ayon sa doktor ay dahil sa labis na pagkapagod raw kaya ka inapoy ng lagnat kagabi."
Nilagnat ako? Ngunit maayos naman ang pakiramdam ko nang magtungo kami sa bahay ng gobernador, at maging sa paggising ko kanina ay ayos lang naman ang naging pakiramdam ko. "B-Bakit hindi ko matandaan?" Pilit kong inisip ang mga nangyari kagabi subalit wala talaga akong maalala.
"Hayaan mo na't huwag mo nang isipin iyon. Marahil ay masyadong mahimbing ang iyong tulog kaya hindi mo na maalala." Saad ni ina na ngayo'y nakangiti sa akin. "Tama kayo, dapat siguro ay kalimutan ko na iyon at baka mawala pa ako sa katinuan sa kakaisip." Kinuha ko ang isang asul na baro't saya at saka tinanggal mula sa sabitan nito. "Siya nga pala," Aalis na sana si ina nang may maalala siya. "Isasama raw kayo ng inyong ama sa base militar ngayon. Mag-ayos ka na upang makakain na tayo't makaalis na kayo."
"Bakit po kami magtutungo sa base militar? Hindi ba't delikado doon?" Tanong ko at natawa naman si ina. May nakakatawa ba sa aking sinabi? Hindi ba't doon nagaganap ang mga giyera? "Anak, hindi delikado doon. Kakausapin lamang ng iyong ama ang heneral dahil may nais raw iparating ang gobernador sa kaniya." Tugon ni ina at napatango naman ako sa sarili ko, wala pa naman sigurong giyera na magaganap roon.
Nang matapos akong mag-ayos ay kumain na kami kaagad. Nagluto si ina ng paborito kong Adobong manok kung kaya't medyo naparami ang kain ko. "Jasmin, aalis pa kayo. Huwag ka masyadong kumain at baka hindi ka matunawan." Paalala ni ina. Tatango sana ako sa kaniya ngunit nagulat ako nang makita kong lahat pala sila ay nakatingin sa akin. Natauhan ako bigla at naalala kong punong-puno pala ang bibig ko kung kaya't agad akong kumuha ng tubig at ininom ito kasabay ng mabilis na paglunok ko sa pagkain na laman ng aking bibig. "Hindi kaaya-aya ang kumain ng ganiyan ang isang babae, anak." Tugon ni ina, dahilan upang mapayuko nalang ako sa hiya. Nakita ko namang natawa ng mahina si kuya Jose sa gilid ng aking mata.

BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...