"S-Sino ka?" Tanong ko ngunit hindi ko pa siya nilingon. Naninigurado lamang ako, baka kasi bigla niya nalang akong paslangin kapag hinarap ko siya. "Ako ang magliligtas sa iyo, kamahalan. Ihahatid kita pabalik sa iyong kaharian." Wika niya.
Aba, nakikipagbiruan ba ito?
Dahil sa inis ko ay hinarap ko na lamang siya, "Hindi ako nagbibiro! Sino ka ba--" Nagulat ako nang makita ang isang lalaking naka-amerikana at nakasuot ng itim na maskara. Nakatapat sa kaniya ang sinag ng buwan ngayon, animo'y ipinapakilala siya nito sa akin. "Huwag kang matakot, binibini. Hindi kita sasaktan." Tugon niya, kasabay ng biglang pagtugtog ng isang mabagal na tugtugin ng mga musikero. Hindi ito gaanong malakas dahil malayo kami ngayon sa silid na kinaroroonan ko kanina.
"Ah, kay ganda naman ng tugtugin. Maaari ba kitang isayaw, binibini?" Inilahad niya bigla ang kaniyang palad sa tapat ko. Nagtaka naman ako. Nakikipagbiruan pa rin ba siya? Aba't- kung ihampas ko kaya sa kaniya ang malaking litrato na nasa dulo ng pasilyong ito? Tignan natin kung magawa pa niyang magbiro.
"Nasisiraan ka na ba? Bakit mo naman ako--" Nagulat ako nang matawa siya ng mahina saka itinapat sa aking mga labi ang hintuturo niya, "Shh. Huwag kang maingay, binibini. Hindi natin maririnig ang tugtugin." Base sa tunog ng boses niya ay nakangiti siya ngayon. Nakalahad pa rin sa tapat ko ang palad niya. Hindi siguro ako tatantanan ng lalaking ito kung hindi ko siya isasayaw. Hay nako.
Napa-irap nalang ako at ipinatong ang kamay ko sa kamay niya, at agad namang humigpit ng kaunti ang pagkakahawak niya roon. Inilagay niya ang kamay niya sa aking baywang at ako nama'y humawak sa balikat niya. Nagsimula na kaming magsayaw.
Hindi ko lubos akalain na may makakasayaw akong estranghero sa gabing ito. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Sino ka ba?" Tanong ko muli, at naaninag ko naman ang ngisi sa mga labi niya, "Hindi ko maaaring sabihin, binibini. Bakit ako magsusuot ng maskara kung magpapakilala lang pala ako sa ibang tao?" Wika niya. Napansin kong nadala na kami ng aming pagsasayaw sa parte ng pasilyo na may liwanag. Tila papalapit kami ng papalapit sa silid na pinanggalingan ko kanina.
"Tinanong mo ako kanina kung naliligaw ba ako, ngunit hindi ba't parang ikaw ang siyang naliligaw? Nasa maling pagdiriwang ka ata, ginoo. Wala namang sinabi ang pamilya Espinoza na magsuot ng maskara ang mga dadalo." Saad ko sa kaniya. Natawa naman siya habang nakatingin lang sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero tila pamilyar ang lalaking ito. Hindi ko nga lang maisip ng maigi kung sino siya dahil sa maskarang suot niya.
"Batid kong hindi ako naliligaw dahil narito ka." Wika niya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko.
Mahilig ata siyang tumingin sa mga mata, kung tanggalin ko nalang kaya ang sa akin at ibigay iyon sa kaniya nang makaalis na ako rito?
"Talaga? Kilala mo ba ako?" Tanong ko. Tumango naman siya, "Oo, binibining Jasmin." wika niya. Nanlaki ang mga mata ko, bakit kilala niya ako? Bakit ba napakaraming tao ang nakakakilala sa akin? "Baka naman may masama kang balak sa akin, ginoo." Saad ko. Muli na naman siyang natawa. "Wala, binibini. Ang ibig ko lamang mangyari ngayong gabi ay ang maisayaw kita."
Hindi kaya isa siyang akyat bahay? Baka naman pumasok siya mula sa isa sa mga bintana kanina upang magnakaw? Hindi ba't nagtatakip ng mukha ang mga magnanakaw upang hindi sila makilala?
"Alam mo, unti-unti na akong nakukumbinsi na isa kang masamang loob o kaya'y magnanakaw." Saad ko habang patuloy pa rin sa pag-isip kung sino ba talaga ang ginoong ito. Nakatago man ang kalahati ng kaniyang mukha ay nakita ko pa rin ang maliit na ngisi sa mga labi niya.
"Magnanakaw? Ako, magnanakaw? Ni hindi ko nga magawang nakawin ang iyong puso, ang mga alahas at kagamitan mo pa kaya?" Sabi niya sabay tingin muli ng diretso sa aking mga mata. Nagulat ako sa sinabi niya, bakit ibig niyang 'nakawin' ang puso ko?
BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...
