Naalimpungatan ako sa malakas na pagtilaok ng manok. Nang iminulat ko ang aking mga mata ay tumambad sa akin ang napakalaking bintana na siyang tinatagusan ng maliwanag at mainit na sinag ng araw mula sa labas.
Tila hindi ito ang aking silid.
Nang naging lubos na malinaw na ang aking paningin ay agad kong inilibot ang aking mata sa paligid. Maliit at gawa lamang sa kahoy ang silid na kinaroroonan ko ngayon. Tumatagos pa sa bubungan ang sinag ng araw dahil may mga mumunting butas ang mga ito. Napansin ko na may mga arinola, balde, palanggana at kung ano-ano pa na nagkalat sa sahig, marahil ay ginamit ito kahapon upang saluhin ang tubig ulan na umaangi sa mga butas sa kisame. Nagkalat din sa buong silid ang mga libro, damit, at kung ano-ano pang gamit na tila pagmamay-ari ng isang lalaki. Kapansin-pansin din ang isang lumang gitara na nakasandal sa isang sulok.
Napabangon ako mula sa aking higaan, at bigla akong nakaramdam ng pananakit ng likod.
"Aray ko," napahawak tuloy ako doon. Tila masyadong matigas ang kamang hinigaan ko kagabi, hindi kasi ako sanay na matulog sa matitigas na bagay, lalo na sa sahig.
Nang maitapak ko na sa sahig ang aking paa ay medyo kinabahan ako dahil mukhang hindi ito matibay. Tila ba'y kapag tumalon ako ngayon ay guguho na ang buong bahay na ito.
Doon ko rin napansin na isang banig lang pala na ipinatong sa isang papag na gawa sa kawayan ang hinigaan ko. May isang manipis na kumot din at dalawang unan doon na medyo luma na at sira-sira pa. Mukhang hindi pa nalalabhan ang mga ito, kaya naman pala nangangati ang mga binti at braso ko.
Nakita ko ang isang pares ng tsinelas sa tabi ng higaan kaya isinuot ko ito. Nasaan kaya ang mga bakya ko?
Napatingin na rin tuloy ako sa damit ko, hindi ito ang suot ko kahapon. Nakatitiyak ako na hindi ito sa akin dahil wala naman akong pag-aaring damit na ganito.
Napansin ko na may isang salamin na nakasabit sa likod ng pintuan ng silid kaya agad kong pinagmasdan ang hitsura ko.
Nagulat ako sa aking nakita. Nakalugay na ang buhok ko at magulong-magulo na ito, maiitim at namamaga pa ang ilalim ng mga mata ko, at tuyong-tuyo na rin ang mga labi ko.
Hay, mukha na pala akong isang multo.
Agad akong naghanap ng maipantatali sa buhok upang maging mas presko ang aking pakiramdam, at hindi naman ako nabigo dahil may nakita akong retaso ng puting tela sa sahig. Nang maitali ko na ang aking buhok ay tumambad sa akin ang isang mahabang kalmot sa gilid ng aking leeg. Saan ko na naman ba nakuha ito?
Agad ko itong hinawakan, at nang makaramdam ako ng sakit ay biglang may ala-ala na pumasok sa aking isipan. Animo'y nanood ako ng isang pelikula at napakabilis ng pagtakbo ng istorya nito.
Naaalala ko na ang lahat. Muli na naman akong inatake ng kakila-kilabot na nilalang at muli niya na naman akong sinaktan.
Bakit niya ba ginagawa iyon? Wala naman akong ginawang kasalanan,
At gayon din ang aking ama.
Bakit niya kami sinisingil?
Mabuti pa siguro'y huwag ko na munang isipin ang nga bagay na iyon. Ang dapat kong isipin ay kung paano ko ito mapapatigil at kung paano ko tatalunin ang nilalang na iyon.
Nakita ko ang isang puting balabal na nakasabit sa malaking bintana kaya lumapit ako roon upang kunin ito. Nang maipatong ko na ito sa aking saril ay napatulala ako sa magandang tanawin sa labas ng bintana. Tanaw na tanaw ko rito ang malawak na sakahan na sa tingin ko ay pag-aari ng mga Espinoza.
Ibig sabihin ay nakatawid ako sa ilog, ngunit paano nangyari iyon? Sa pagkakaalala ko ay sa bandang plaza ako nawalan ng malay, at isang lalaki ang lumapit sa akin doon.
BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...