"Ikaw?!"
"Magkakilala kayo?" Tanong ni ina, ngunit hindi ako makasagot dahil sa gulat. Aba, may lakas pa siya ng loob na magtungo rito sa aming tahanan?
"Opo. Matagal ko na pong kilala ang anak ninyo, sa katunayan nga'y hangang-hanga ako sa kabutihan niya." Tugon ng lalaki, at napapikit naman ako dahil sa inis.
Kay lakas talaga ng loob niya na sabihin ang gayon!
"Jasmin anak, bakit ka nakatayo riyan? Halika, maupo ka rito at ipagkukuha kita ng makakain." Wika ni ina at itinuro ang upuan sa tabi ng lalaki.
Nang makaupo na ako roon ay umalis muna saglit si ina upang magtungo sa kusina. Hindi nga pala ako nananghalian kanina dahil nagkulong lamang ako sa aking silid.
"Kamusta, ka--"
"Aba'y huwag mo akong kausapin, manlilinlang ka. Akala mo ba'y hindi ko pa nalilimutan ang ginawa mo sa akin, ha?" galit kong pinutol ang sasabihin niya. Hindi ako nakatingin sa kaniya, ngunit ramdam ko ang titig niya sa akin.
"Hindi kita nilinlang, binibini. Hinayaan mong malinlang ka ng iyong isip." tugon niya.
Hindi na ako nakatiis at nilingon ko na siya, ngunit bigla akong naumid at napatulala dahil sa porma niya ngayon. Nakasuot siya ng isang kulay puting camisa de tsino na may mahabang manggas na nakatupi hanggang sa kaniyang siko. Medyo maluwag ito sa kaniya ngunit gayon pa man ay bagay na bagay pa rin ito sa hubog ng katawan niya.
"Ah, binibini? Bakit ka na naman nakatitig sa akin ng ganiyan?" wika niya, dahilan upang matauhan ako.
Bakit nga ba ako nakatitig sa kaniya?
"Hm. Marahil ay naga-guwapuhan ka na sa akin." Wika niya sabay sandal sa kaniyang silya saka humalukipkip at ngumiti ng malaki.
Hindi maitatatwa na maganda ang ngiti niya, lalo pa't mapuputi at maayos ang pagkakatubo ng kaniyang mga ngipin. Kapag ngumingiti siya ay naniningkit ang kaniyang mga mata at tumataas ang kaniyang mga kilay. Wari ba'y masaya talaga siya at totoo ang ngiti niyang iyon.
Hindi ko alam kung bakit ngunit sa tuwing nakikita ko ang lalaking ito ay napapatitig na lang ako sa kaniya. Kakaiba kasi ang kaniyang hitsura, at detalyadong-detalyado ang kaniyang mukha.
"Heto. Uminom ka muna ng tubig, masyadong mainit ang ulo mo." wika niya habang nagsasalin ng tubig sa isang baso.
"Bakit mo ako pinagsasalin ng tubig? Bahay ko ito. Ikaw ang bisita rito." Wika ko, at nagulat naman ako nang tumawa siya ng mahina,
"Ibig kong bumawi sa sinasabi mong 'panlilinlang' na nagawa ko sa iyo noong nakaraan." Saad niya ngunit hindi siya sa akin nakatingin, kundi sa pitsel at sa baso na kaniyang sinasalinan.
Nang mapuno na ang baso ay inilapit niya na ito sa akin.
"Salamat." Wika ko saka kinuha ang baso at uminom mula rito.
"Jasmin! Narito, kumain ka na. Batid kong gutom ka dahil hindi ka nananghalian kanina." Bumalik na si ina dala ang isang plato na may iba't ibang klase ng kakanin.
Ngumiti naman ako sa kaniya, "Salamat po, ina." saad ko saka kumuha ng isang hiwa ng biko at nilantakan ito.
Kanina pa talaga ako nagugutom.
"Hijo, marunong ka bang magmaneho ng kalesa?" Tanong ni ina na pumili na rin ng isang kakanin mula sa plato. Sinenyasan niya naman ang lalaki na kumuha rin mula doon.
"Opo, senyora. Bago maging isang magsasaka ay dati pong nagmamaneho ng kalesa ang aking ama, kaya naturuan niya rin ako noon." Tugon niya.
"Ganoon ba? Nasaan ngayon ang iyong ama?" Tanong pa ni ina.
BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...