"Patawad po, ngunit ibig ko pong magsilbi sa ating bayan sa paraang ipagtanggol ito mula sa banta ng mga mananakop. Ibig ko pong... magsundalo."
"Ano?!" Halos sabay sabay na nagulat sina Don Venancio, tiya Priscilla, Don Herman, at ina dahil sa magkakaibang dahilan. "Patawad po kung hindi ko ito nasabi kaagad sa inyo." Napa-yuko na lamang ako.
Wala na akong ibang maisip na palusot. Oo, batid kong isang malaking responsibilidad ang magsanay upang maging isang ganap na sundalo, at alam ko rin na hindi ito biro at kailangang tuparin ang sinumpaang tungkulin para sa bayan. Batid ko rin na kailangan kong harapin ang lahat mga magiging kahihinatnan ng aking naging desisyon.
Oo, alam kong masama ang magpadalos-dalos sa aking mga desisyon, lalo pa't nasa gitna ako ng isang seryosong sitwasyon. Ngunit ito na lang ang tanging paraan upang makatakas ako sa plano ng aking mga magulang, at ng mga magulang ni Mateo.
"Jasmin! Hindi magandang biro iyan. Masaya ka sa kasalang ito, hindi ba?" Nakakatakot ang titig sa akin ngayon ni Don Herman. Animo'y nais niyang sumang-ayon ako sa kaniyang plano at huwag na akong pumalag pa rito.
"Ng-Ngunit, hindi po ako--" Natigilan ako nang senyasan ako ni Don Herman na tumahimik.
"Hindi siya makapaghintay sa araw ng kanilang kasal. Nakakatuwa naman, hindi ba, amigo?" Wika niya kay Don Venancio. Sumang-ayon naman siya at nagtawanan na silang dalawa.
"J-Jasmin, sigurado ka ba sa iyong desisyon?" Bulong ni ina sa akin. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nais kong mangyari. Tumango lamang ako habang naka-yuko pa rin.
"Jasmin, huwag kang mag-alala, magiging marangya ang buhay mo kasama si Mateo. Huwag ka nang mag-isip ng paraan upang pigilan ang kasal na ito, anak. Pahihirapan mo lamang ang iyong sarili." Paliwanag pa ni ina sa akin.
Nang mapatingin ako kina Don Herman ay nahagip ko rin ng tingin si kuya Jose nakaupo sa tapat ko. Tila nagulat rin siya sa aking biglang pag-amin.
"Hindi ko po ibig ng marangyang buhay, ibig ko pong mamuhay nang may kalayaan na gawin ang gusto ko. At ang gusto ko po ay ang makatulong sa bayang ito." Hindi na ako nakapagtimpi pa at nagsalita na ako ng malakas sa harap nila. Mas lalong nagulat ang lahat dahil doon. Sinamaan akong muli ni Don Herman ng tingin ngunit hinayaan ko na lamang siya, dahil desidido akong itigil ang kasalang ito.
"Sandali po," Biglang nagsalita si Mateo kaya nabaling sa kaniya ang atensyon naming lahat. "Naiintindihan ko po si binibining Jasmin. Kung ibig niyang magsilbi sa bayan ay hahayaan ko siya. Maaari naman pong ituloy ang kasal kahit pa isa na siyang sundalo." Patuloy niya.
Ano? Bakit nais niyang ituloy ang kasal?
"Ng-Ngunit, maiiwan kitang mag-isa kung gayon. Mas mabuti pang huwag na lamang ituloy ang kasal sapagkat magkakalayo lang rin naman tayo." Paliwanag ko kay Mateo at sa kanilang lahat. Hindi ko pa ibig na maikasal, labing siyam na taong gulang pa lamang ako at marami pa akong dapat na matutunan sa buhay. Batid kong hindi naman mahalaga ang edad kapag ikinakasal, ngunit para sa akin ay mas maganda na magkaroon muna ng higit na karanasan ang isang tao sa buhay bago siya pumasok sa buhay may-asawa. Mas madali niyang mahaharap ang mga suliraning masasagupa nila ng kaniyang kabiyak kung may higit na kaalaman na siya tungkol sa maraming bagay sa buhay.
"Kaya kong tiisin iyon, binibining Jasmin. Kahit gaano kalayo ka man o kahit gaano katagal ka mang mawawala, ayos lang. Ang mahalaga'y may mag-aalaga sa iyo sa tuwing uuwi ka mula sa mga pagsasanay o mga digmaan." Tugon ni Mateo na siyang ikinagulat ko. Bakit ba gustong-gusto niyang matuloy ang kasal? Hindi ba niya iniisip na halos isang linggo pa lamang naming nakikilala ang isa't isa?
Natuwa naman sina Don Venancio sa mga sinabi niya, at tila kinilig pa nga sila dahil doon. "Nalulugod ako dahil tanggap mo ang kagustuhan ni Jasmin, hijo." Saad ni ina habang nakangiti sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...