Halos himatayin ako sa aking kinauupuan habang pinakikinggan ko ang pag-uusap ng aking mga magulang at ng mga magulang ni Mateo. Narito kami ngayon sa sala ng tahanan ng mga Espinoza upang talakayin pa ang ibang mga detalye ng aming kasal.
Hindi na sumama pa ang aking mga kuya dahil wala rin naman silang ibang gagawin dito kundi ang maupo at manahimik sa isang sulok. Tanging ako at si ina lamang ang isinama ni Don Herman dito.
"-Siya nga pala, paano ang kagustuhan ni Jasmin na magsundalo?" Naistatwa ako nang marinig ko aking pangalan mula sa bibig ni Donya Priscilla.
"Ah, kalimutan na ninyo iyon. Marahil ay hindi totoo ang kaniyang hangarin." Tugon ni Don Herman habang nakatingin ng masama sa akin, wari ba'y sinasabi niya na huwag akong magsasalita.
"Jasmin," Nagulat ako nang tapikin ni Mateo ang braso ko. Magkatabi kami ngayon sa isang mahabang silya at kaharap naman namin sina ina at Donya Priscilla.
"Bakit?" pabulong kong tanong sa kaniya upang hindi nila kami marinig.
"Hindi ba't totoo ang iyong hangarin na maging isang sundalo? Bakit hindi ka nagsasalita?" tanong niya.
Oo nga pala, naniniwala siya na hindi isang palusot ang sinabi ko noon. Hay, nagsisisi na tuloy ako sa ginawa ko.
"A-Ah, nahihiya kasi ako. Hayaan mo na, hindi naman mahalaga iyon." wika ko at saka muling ibinaling ang tingin ko aming mga magulang, ngunit nagulat ako nang magsalita nga malakas si Mateo, "Hindi po natin dapat ipinagwawalang-bahala ang kagustuhan ni Jasmin, lalo pa't ito na ang huling kahilingan niya bago kami ikasal." Buong tapang na pagpapaliwanag niya sa kanila.
Napamasahe tuloy ako sa aking sentido, kay laki ng gulo na aking naidulot! Ipinaglalaban na ngayon ni Mateo sa aming mga magulang ang gusto ko, sa pag-aakalang sineseryoso ko ito.
Napa-tango naman si Don Venancio, "Tama ka, anak. Hindi naman siguro makaaapekto sa kasal ang kaniyang kagustuhan."
Nakita ko ang pagbabago sa ekspresyon ni Don Herman. Marahil ay ayaw niyang magkaroon ng isang anak na babae na naghahangad na maging sundalo, sapagkat sa mata ng ibang tao ay hindi naman ito akma. Iniisip niya siguro na maraming tao ang manghuhusga sa aming pamilya sa oras na malaman nila ang tungkol sa aking desisyon.
"Amigo, maaari ko namang pakiusapan si Francisco na tanggapin ang inyong anak sa pagsasanay." Wika ni Don Venancio kay Don Herman, at napa-iling naman siya,
"Hindi na, amigo. Nakatitiyak ako na ayos lang kay Jasmin kung hindi muna masusunod ang gusto niya sa ngayon. Mabait ang anak kong iyan, at batid kong kaya niyang isantabi muna ang kaniyang nais para sa ikabubuti ng ating mga pamilya." Saad ni Don Herman habang nakatingin sa akin. Batid kong pinariringgan niya ako dahil sa mga nangyari kahapon.
"Ngunit ibig ko na maging masaya ang aking inaanak, amigo. Huwag kang mag-alala, titiyakin kong ligtas siyang makapagsasanay kasama si Francisco."
Naistatwa ako, sasanayin ako ni Francisco?! Hindi maaari, hindi ko ibig na makasama ang lalaking iyon!
Hindi ba nila nababatid ang kaniyang tunay na pag-uugali?
Ah, marahil ay nabubulag din sila sa pagpapakitang-tao ni Francisco, tulad ng mga mamamayan sa bayang ito.
"Herman, hayaan na natin si Jasmin. Hindi naman siya madalas humiling sa atin." Malambing na wika ni ina habang nakatingin kay Don Herman.
Bumuntong-hininga naman siya, "Sige. Ngunit sa oras na maikasal na sila ay ititigil niya na ang pagsasanay."
Natuwa naman silang lahat at napatingin sa akin, wari ba'y hinihintay nila ang magiging reaksyon ko.
"A-Ah, s-salamat po Don Herman…?" Halos patanong pa ang pagkasabi ko doon kaya agad silang nagtaka,

BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...