NATAPOS na nga ang panahon ng taglagas at pumasok na ang panahon ng taglamig. Unang gabi na pumatak ang niyebe sa buong bansa ng Alemeth. Nagsimula na ang mga tao na magsuot ng makakapal na damit pangontra sa lamig. Nakasindi na rin ang painitan ng bawat kabahayan sa iba't ibang bayan. Sumapit ang unang araw sa buwan ng Disyembre sa kalendaryo ng Sallaria. Sa ganitong buwan, may malaking pagdiriwang na ginaganap sa Alemeth. Isa itong malaking pista na ginaganap tuwing ikalabingsiyam ng Disyembre. Ito ang pasasalamat sa masaganang pagtatapos ng taon.
Abala ang mga tao sa palasyo lalo na ang mga katulong na siyang nag-aayos ng dekorasyon upang mapaganda ang hitsura nito. iba't ibang ilaw ang ikinakabit nila sa bawat sulok ng palasyo. May mga istatwa rin silang gawa sa bato na pinalibutan ng samu't-saring ilaw. Magiging maliwanag ang buong palasyo sa araw ng pagdiriwang.
Habang abala ang lahat, si Azurine nama'y patuloy sa pagkatok sa sekretong silid ni Seiffer. Matapos maipainom ni Azurine ang memory potion kay Prinsipe Eldrich, muling nanumbalik ang alaala nito sa dalaga.
Kinuha ni Eldrich ang pangangalaga sa dalawa. Ngayon, nasa ilalim na ni Eldrich sina Azurine at Octavio. Sa kanya na naglilingkod ngayon ang dalawa bilang personal na katulong. Pero para kay Eldrich, isa lamang iyong paraan upang maprotektahan ang lihim ng prinsesang sirena.
Sa ngayon, nag-aalala si Azurine kay Seiffer. No'ng araw na nagpaalam siya sa binata na lilipat sa silid na inilaan ni Eldrich para sa kanila ni Octavio, masayang tumawa lang si Seiffer. Parang balewala lang sa wizard na iyon ang isang buwang pinagsamahan nila ni Azurine. Para kay Azurine, hindi siya mapakali hangga't hindi niya nakakausap nang maayos si Seiffer.
"Ginoo! Ginoong Seiffer! Alam kong nariyan ka, kausapin mo naman ako!" Makailang ulit nang kumatok si Azurine, ngunit bigo siya. "Nag-aalala na kasi ako sa 'yo! Pakiusap, Ginoong Seiffer!" Kakatok pa sana si Azurine nang biglang bumukas ang pinto.
Pumasok siya sa loob at kusang sumara ang pinto ng sekretong silid. Bumaba siya at tinungo si Seiffer sa loob. Nagulat si Azurine nang makita ang sitwasyon sa silid. Nawasak na ang ibang kagamitan ni Seiffer dahil sa hindi mapigil na paglaki ni Seiffy. Nakapulupot na nga ang buntot nito at nakatiklop ang pakpak. Pilit ipinagkakasya ang sarili sa maliit na silid.
"G-Ginoong Seiffer!" Tumakbo si Azurine para puntahan si Seiffer na nakasandal sa katawan ng dragon. "A-Ano'ng nangyari?" nag-aalala niyang tanong.
"Ugh! A-Azurine, paano ka nakapasok?" pilit na nagtanong si Seiffer. Pumipikit-pikit ang mga mata ni Seiffer, tila nanghihina ito.
"Kusang bumukas ang pinto, hindi ba ikaw ang gumawa no'n?"
"Hindi, wala akong kakayahang gumamit ng magic spell ngayon. Siguro si Seiffy ang nagbukas ng pinto gamit ang mana niya."
Niyakap ni Azurine si Seiffer, isinandal niya sa kanyang matambok na dibdib ang ulo ng binata. Ibinaling ng dalaga ang paningin sa lumaking dragon. Wasak na buong kagamitan ni Seiffer sa loob. Maging ang mga bote ng potion ay nagkalat sa sahig, basag na rin ang iba nito.
"Si Seiffy ba ang may gawa nito?" hinala ni Azurine.
"Ang mana potion na ipinapakain ko sa kanya na nasa tinapay at keso ay hindi na sumasapat. Hindi ko akalaing pati ang sarili kong mana ay kakainin din niya. kinu-consume niya ang mana sa katawan ko hanggang sa manghina ako. Kaya mabilis siyang lumaki," paliwanag ni Seiffer.
"M-May magagawa ba ako? Handa akong tumulong, Ginoo."
Pinilit ni Seiffer imulat ang mga mata niya't tinitigan si Azurine nang malalim. "K-Kung magkakaroon lang ako ng sapat na mana ngayon, magagawa kong gamitin muli ang teleportation magic para mailipat si Seiffy sa ibang lugar. Ang kaso, sa sitwasyon kong ito hindi ko na magawang makapag mana regeneration. Patuloy lang na hinihigop ni Seiffy ang mana ko."
BINABASA MO ANG
The Mermaid, the Prince and the Wizard
FantasyA trilogy fantasy novel. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tang...