NAPUNTA sina Azurine, Octavio at Seiffer sa isang maliit na isla sakop ng kontinente ng Hilgarth. Ito ang isla ng Luxerto, tatlong isla na hugis tatsulok ang pagkaayos nito sa dagat. Sa unang isla sila napadpad at dito nagpahinga.
Hinihingal pa si Seiffer matapos maubos ang mana niya sa paggamit ng mataas na uri ng magic spell. Habang si Azurine ay hindi mapalagay sa kanyang natuklasan. Lantad ang asul na buntot ni Azurine, yakap siya ng kaibigan niyang si Octavio.
"Maari mo na bang ipagtapat kung bakit nasa sa 'yo ang mahiwagang kabibe na ibinigay ko kay Prinsipe Eldrich?" mariing tanong ni Azurine, sabik na sabik sa sagot ni Seiffer.
Nakatalikod si Seiffer sa kanila malapit siya sa tubig ng baybayin ng isla. Isang malakas na buntong-hininga ang ginawa niya bago lumingon sa kinaroroonan nila.
"Sabihin na nating napulot ko lang?" alanganin niyang sagot.
"Halatang nagsisinungaling ka, Ginoong Seiffer!" mabilis na paratang ni Octavio. "Sa ilang buwan naming pamamalagi rito sa lupa, ang mga katulad mo ay hindi dapat pinagkakatiwalaan. Noon pa ma'y hindi na kita pinagkakatiwalaan!" pagdidiin pa nito.
Nagkibit-balikat si Seiffer. "Wala akong magagawa kung ayaw ninyong maniwala!" Muli siyang humarap sa dagat saka tumayo. "Hindi na mahalaga kung paano napunta sa mga kamay ko ang kabibe. Ang importante sa nga—"
"Nagkakamali ka! Mahalaga 'to para sa akin..." Yakap ni Azurine ang kabibe sa dalawa niyang kamay saka itinapat sa kanyang dibdib malapit sa puso. "Galing pa ito sa aking namayapang ina... ipinagkatiwala ko ito sa batang prinsipeng iniligtas ko dahil alam kong iingatan niya ito at isa ito sa magsisilbing daan upang magkita kaming muli..." May butil ng luha na unti-unting lumalabas sa mga mata ni Azurine.
Binalot ng malungkot na hangin ang paligid. Ang matatayog na puno ng niyog ay nagsimulang pumagaspas ang mga dahon. Maging ang alon ng dagat ay tila nagbago. Dumilim ang kalangitan at nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Nakakatakot at may kasama pa itong kulog at kidlat na siyang nagpapanginig sa katawan ni Azurine.
Ikinakabahala pa ngayon ni Seiffer ang bunot ng sirena. Hindi ito pa bumabalik sa pagiging mga paa ni Azurine.
"Patawad kung hindi ko magawang ipagtapat sa 'yo ang lahat... Azurine."
Namilog ang mga mata ni Azurine sa seryosong tinig ni Seiffer. Nakatayo ang binata nang tuwid sa kanyang harapan. Gustong-gusto niyang malaman ang katotohanang itinatago ng binatang wizard sa kanya. Subalit wala siyang makuhang matinong sagot sa binata.
"Kung ayaw mong magsabi ng totoo, ang mabuti pa iwan mo na lang kami!" Tumayo si Octavio at humarang sa harap ni Seiffer. "Ako nang magtatanggol sa kanya!"
"Ilang beses ko nang narinig 'yan!"
Natahimik si Octavio sa turan ni Seiffer. Lumihis siya ng lakad patungo sa likod. Inabot niya ang kamay niya upang hingiin muli ang kabibe.
"Akin na 'yan at gagamitin ko upang matagpuan tayo nina Eldrich," utos ni Seiffer.
"Ayoko!" suway ni Azurine. "Ayoko sa mga sinungaling! Hindi kita mapagkakatiwalaan!" Tumalim ang mga tingin ni Azurine kay Seiffer.
Walang nagawa si Seiffer kundi ang hawakan sa magkabilang balikat si Azurine at ihiga ito sa mabuhanging lupa. Mabilis niyang inagaw ang kabibe sa kamay ni Azurine nang sumapo sa pisngi niya ang kamao ni Octavio.
Humandusay sa buhangin ang katawan ni Seiffer saka inagaw ni Octavio pabalik ang kabibe. "Hindi ikaw ang masusunod dito!" Ibinalik niya ang kabibe kay Azurine.
Pareparehong basa sa ulan ang tatlo. May bangas ang gilid ng labi ni Seiffer gawa ng suntok ni Octavio.
"Psh! Bahala kayo!" Bumangon si Seiffer, dinura niya ang basang buhanging pumasok sa bibig niya nang masubsob nang bahagya ang mukha niya sa mabuhanging lupa.
BINABASA MO ANG
The Mermaid, the Prince and the Wizard
FantasyA trilogy fantasy novel. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tang...