NAILATHALA na sa buong mundo ang balita tungkol sa nilalang ng karagatan. Isang pahayagan ang kumalat na naglalaman ng balita tungkol sa pagkakabihag ng mga pirata sa magandang sirena. Sa panahon ngayon, naimulat ang mga mata ng mga tao na hindi lamang sila ang naninirahan sa mundo. Ito na nga ang era kung saan maglilitawan ang iba't ibang uri ng lahi sa ibabaw ng lupa.
Kasalukuyang nakakulong sina Azurine at Octavio sa mataas na tore ng lumang palasyong inangkin ng piratang manunubos na si Ashlando. Nasa kontinente sila ngayon ng Hilgarth sa Hilaga. Ang lokasyon nila ay hindi sekreto at walang ibang nakakaalam kundi silang mga pirata lamang.
May dalawang kulungang magkaharapan sa kaliwa kung saan naroon sina Azurine at sa katapat nito ay isang misteryosong lalaki na matagal nang bilanggo ng mga pirata. Nakadungaw ang lalaking: payat, mahaba ang balbas at bigote, sabog ang mahabang buhok nito at hitsurang pulubi sa gusgusing damit. Halatang walang maayos na tulog at pagkain ang mamang ito."Hindi na ako nagulat sa balitang tunay ang mga sirena," saad nito habang nakadungaw sa rehas na bakal at nakatingin sa kabilang selda.
Ayaw na sanang kausapin ni Octavio ang lalaki pero, wala rin naman silang magagawa. Lumapit si Octavio sa rehas na bakal habang nakahiga lang si Azurine sa higaang gawa sa kahoy. Tulala at namumugto ang mga mata ng kaawa-awang sirena. Nabihag na nga sila ng mga pirata natuklasan pa niyang nagsinungaling ang lalaking pinagkatiwalaan niya. Nilinlang siya ng binatang wizard sa pamamagitan ng paglipat ng kanyang sariling memorya sa pag-iisip ni Prinsipe Eldrich. Pareho tuloy inakala nina Azurine at Eldrich na mga alaala nga iyon na nawala ng prinsipe.
Nagsimulang ma-curious si Octavio sa lalaki. "Ginoo, bakit n'yo naman nasabing hindi na kayo nagulat? May nakilala na ba kayong sirena sa buong buhay n'yo?" usisa ni Octavio.
Humalakhak ang lalaking may edad na. "Bago pa man ako mabihag ng mga pirata, alam ko na ang tungkol sa mga kakaibang nilalang na nabubuhay sa mundong ito. Hindi lang sa ilalim ng karagatan maging dito sa kontinente ng Hilgarth ay mayroon ding ibang lahi maliban sa mga tao..." misteryoso nitong kuwento.Naupo si Octavio sa malamig na lupa at buong alertong nakinig sa may edad nang lalaki.
"Ang Hilgarth ay may tatlo lamang bansa, ang isla ng Luxerto ay kabilang sa bansa ng Wyvern. Itong kinaroroonan nating ito ay mismong palasyo ng kaharian ng Wyvern. Dito sa kontinente ng Hilgarth, maraming naninirahang lahi maliban sa mga tao. Sa bansa ng Helldroy nakatira ang mga lahi ng goblin, orcs at lizard men. Ang Helldroy ay malaking bansa na ang namumuno ay hindi tao kundi isang Dark Lord na si Master Hellsing. Sa bansa naman ng Karavish, nakatira ang mga nilalang na nabubuhay lamang sa kadiliman. Mga skeleton, lost spirit, mga undead na bumabangon sa ilalim ng lupa. Kaya sa Karavish at Helldroy ay palaging madilim. Tinatakpan ng maitim na ulap ang kalangitan upang palaging madilim. Ito ang kapangyarihan ng dark lord."
"Ibig n'yo pong sabihin ang Dark Lord din ang namumuno maging sa bansa ng Karavish?" seryosong tanong ni Octavio, halatang interesado siya sa kuwento ng lalaking bilanggo.
"Oo, sa kasamaang palad ang dalawang bansa ay hawak niya ngayon. Balak niyang sakupin ang buong Hilgarth, pagkatapos ang Sallaria at buong mundo."
"Teka, sino naman ang namumuno rito sa Wyvern?"
Tumawa nang malakas ang lalaki. "Mukhang napapasarap ang pakikinig mo, binata!"
Saglit na nawala sa isip ni Octavio ang sirenang prinsesa na nakahiga sa higaan. Patuloy sa paglulugmok ang dalaga na tila wala na itong kabuhay-buhay sa katawan."Pasensya na po kayo, ibinabaling ko lang ang sarili ko sa ibang bagay. Wala na kaming magagawa kundi maghintay ng kung anong susunod na gagawin nila sa amin," malungkot na balita ni Octavio sa lalaki.
"Wala bang tutulong sa inyo?" Sa pagkangalay ng lalaking bigutilyo naupo na rin siya sa sahig habang nakadungaw sa rehas na bakal.
"M-Mayroon... pero, hindi namin alam kung magagawa pa nila kaming iligtas."
Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Bumuntong-hininga si Octavio, maging siya ay nawawalan na rin ng pag-asa. Gustuhin man niyang maging matatag para sa kanyang prinsesa, hindi niya magawa.
BINABASA MO ANG
The Mermaid, the Prince and the Wizard
FantasyA trilogy fantasy novel. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tang...