Mermaid's Tale: Mermaid's Answer

19 2 0
                                    


SINUBUKAN ni Eldrich sirain ang kadenang gumagapos sa bolang espiritu ni Seiffer. Ginamit niya ang espada niya upang masira ang kadena. Ngunit, wala itong silbi at hindi pa rin makawala sa pagkakagapos ang kaluluwa ni Seiffer.

"A-Ano'ng gagawin natin, Prinsipe Eldrich?" nangangambang tanong ni Azurine.

"Basta, patuloy lang natin siyang tawagin hangga't marinig niya tayo!"

Tumango si Azurine. "Oo sige!"

Sinunod ni Azurine si Eldrich. "G-Ginoong Seiffer! Pakiusap bumalik ka na sa amin!" tawag ni Azurine.
Nakailang tawag silang dalawa sa pangalan ni Seiffer. Pilit pa ring sinisira ni Eldrich ang kadena gamit ang espada niya. Hanggang sa hinihingal na tumigil sa paghawi ng espada si Eldrich at napaluhod ito sa madilim na tinatapakan nila.

"Prinsipe, ayos ka lang ba?"

"Huwag kang mag-alala, ayos lang ako... ugh!" Napahawak sa tagiliran si Eldrich. Halata ang pagod sa prinsipe. Pinilip pa rin niyang tumayo at hinawakan nang dalawang kamay ang espada niya.
Tumingin si Eldrich kay Azurine nang buong tapang. "Azurine, ibibigay ko na ang buong lakas ko sa huling hataw ko. Isisigaw ko nang buong puso ang pangalan niya para marinig niya ako. Kung sakaling hindi ako magtagumpay, basta't ituloy mo lang ang pagtawag sa pangalan niya hanggang marinig ka niya." Naging matalas at seryoso ang mga mata ni Eldrich. "Naintindihan mo?"

Tumango si Azurine habang nakalapat ang palad sa dibdib, dinadama ang tibok ng puso niya. Kinakabahan si Azurine, para kay Eldrich at gano'n na rin kay Seiffer. Nangingilid ang mga luha sa gilid ng mga mata ni Azurine nang makita ang matatag na determinasyon ni Eldrich.

Huminga nang malalim si Eldrich bago tumakbo nang mabilis, tumalon at hinawi nang buong lakas ang espada niya. "Seiffer!!!" sigaw ng prinsipe. Nagkaroon ng lamat at tuluyang natanggal ang itim na kadena.

"N-Nagtagumpay ka, Prinsipe Eldrich!" ngiting sambit ni Azurine.

Akala nila ay tuluyan nang makakalaya ang kaluluwa ni Seiffer ngunit hindi. Dahil naubusan nang lakas si Eldrich, humandusay ito sa itim na sahig. Dali-dali siyang nilapitan ni Azurine.

"Prinsipe Eldrich, ayos ka lang ba?" nag-aalala niyang tanong. Inakay niya ang prinsipe upang tulungang tumayo ngunit hindi na nito kaya.

"Huwag mo na akong intindihin, si Seiffer..." Tinuro ni Eldrich ang kaluluwang nakadikit pa rin sa puno. "Tulungan mo siya..." Nawalan ng malay si Eldrich.

"Prinsipe Eldrich!!!" sigaw ni Azurine, pilit niyang ginigising si Eldrich.

Walang silbi ang pagtawag niya sa prinsipe. Inihiga niya nang dahan-dahan ang katawan ni Eldrich bago tumayo at hinarap ang malaking puting puno.

"Ginoong Seiffer, pakiusap! Pakinggan mo 'ko! Alam kong nariyan ka!!!" malakas na sigaw ni Azurine kausap ang espiritung nanatiling nakadikit sa puno.

Dahan-dahang humakbang si Azurine. "Marami pa akong gustong malaman tungkol sa 'yo!" Napakapit siya sa kanyang damit malapit sa dibdib. "H-Hindi ko pa naririnig ang paliwanag mo kung bakit ka nagsinungaling!" Nalaglag ang mga butil ng luha ni Azurine.

Mula sa mga luha niya, naglutangan ito ang gumawa ng nakakasilaw na liwanag. Lumitaw mula sa puno ang tila bilog na bulang mabilis na lumipad patungo sa kanya. Napalibutan si Azurine ng mga bulang may iba't ibang kulay. Kay init sa pakiramdam ng mga ito at tila hinahatak siyang hawakan.
Lumapit siya sa isang bula na parang pamilyar sa kanya ang pakiramdam. Dahan-dahan niyang inangat ang kamay niya nang makita ang imahe sa bula.

"I-Ito ang mga alaala ni Ginoong Seiffer?!" Natigil siya nang maalala ang sinabing habilin ni Meister Hellena, na huwag nilang hahawakan o gagalawin ang alaala ni Seiffer.

The Mermaid, the Prince and the WizardTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon