NAIWANG may pagsisi si Prinsipe Eldrich matapos niyang marinig ang tunay na pakay ng mga pirata. Naisahan sila ng mga ito. Ginawang pain lang ng mga tusong pirata ang dalawang bihag upang makuha tunay nilang pakay. Ang serenang pinaniniwalaang alamat lamang ng mga tao ay tunay palang nag-e-exist sa mundo. Marami pang klase ng nilalang na hindi nila alam na nabubuhay sa kasalukyang panahon. Dahil sa pangyayaring pagkatuklas sa serena, hindi malayong matuklasan na rin nila ang iba pang mga nilalang na hindi pa nila nakikita sa tanang buhay nila.
Maraming nasawi sa tauhan ni Zanaga subalit, mga sakripisyo lamang ang mga iyon. Dahil sa huli nagtagumpay naman sila sa kanilang plano. Ngayon, hindi mawari ni Prinsipe Eldrich ang gagawin upang iligtas sina Azurine.
"Prinsipe Eldrich, kailangan na nating umalis dito!" mungkahi ni Prinsesa Zyda na namumuno ngayon sa kanyang mga sundalo sa Elgios.
"Kung tapos na ang papel namin sa inyong plano'y babalik na kami sa Oero," paalam naman ni Sanaad.
Ikom ang palad ni Eldrich nang magbigay siya ng utos sa mga ito. "Lipulin n'yo na ang mga tauhan n'yo. Makakabalik na kayo sa inyong mga kaharian. Susundan ko naman si Seiffer." Ibinalik niya ang espada niya sa suksukan sabay nilapitan si Prinsesa Liset. "Sumama ka na sa hukbo ng Sario pauwi sa inyong kaharian. Paki sabi sa mahal na hari, patawad sa nangyaring pagdukot sa 'yo, Prinsesa Liset."
"K-Kamahalan, ano nang mangyayari sa kaguluhang ito? Narinig ko rin mula sa kanila ang tunay nilang pakay. Kaya ba, nagmamadaling umalis si Kuya Seiffer, tama 'di ba?!"
Lumapit sina Zyda at Sanaad sa prinsipe.
"Ano'ng ibig niyang sabihin? Ano ang tunay na pakay ng mga pirata?" usig ni Zyda kay Liset.
Natahimik si Liset, ayaw niyang magsalita dahil alam niyang isang malaking kaguluhan kapag nalaman pa ng iba ang tungkol kay Azurine. Isa itong habilin ni Seiffer bago mangyari ang labanan sa isla. Si Liset din ang may alam tungkol sa alagang dragon ni Seiffer na si Seiffy. Isang lihim dapat ito na hindi niya maaaring sabihin maliban na lang kung hindi sa kanya manggagaling ang kuwento.
"Hawak nila ngayon sina Azurine at Octavio," mahinang bulong ni Eldrich na ipinagtaka ni Zyda.
"Ano? Bakit?!"
Inakbayan ni Eldrich si Zyda bago binulungan, "Sasabihin ka sa 'yo mamaya." Lumapit si Eldrich kay Sanaad. "Paki sabi kay Meister Hellena, maraming salamat sa tulong na ibinigay niya."
"Sandali, huwag mong kalimutan ang usapan ninyong dalawa ni Meister Hellena. Siguradong hindi ka niya mapapatawad kapag hindi ka nagpakita ng mukha sa kanya!" madiin nitong saad sa prinsipe.
Tumango si Eldrich bilang pagsabi na naiintindihan niya. Wala naman siyang balak takasan ang pangakong binitiwan niya kay Meister Hellena. Hindi rin naman niya gustong makaalitan ang pinuno ng mga mahikerong tumulong sa kanila. Matapos ng usapan, umalis na sina Sanaad kasama ang kanyang tauhan.
Pinauna naman nina Zyda ang ibang sundalo ng Elgios pauwi sa kanilang kahiran upang mag-ulat sa kanyang amang hari. Nakahanda naman ang barko ng Sario sa pag-alis kasama si Prinsesa Liset.
"Mangako kang wala kang ibang pagsasabihan, Zyda." Hindi naging pormal ang pagsasalita ni Eldrich kay Zyda. Tinuring na niya itong ordinaryong kaibigan na mapagsasabihan ng lihim.
Nakinig naman nang mabuti si Zyda. Dito ipinagtapat ni Eldrich ang lahat ng kanyang nalalaman. Mula noong una nilang pagkikita noong mga bata pa sila hanggang sa magkahiwalay sila at hindi niya maalala ang lahat. Kailan lang bumalik ang memorya niya at ngayon nasabi na niya ang tungkol sa tunay na pagkatao ni Azurine at Octavio.
BINABASA MO ANG
The Mermaid, the Prince and the Wizard
FantasyA trilogy fantasy novel. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tang...