Prologue

172 11 1
                                    

Mermaid's Tale: Prologue

NANGINGILID ang luha ng batang sirena sa walang buhay na katawan ng batang natagpuan niya. Tumingala siya sa langit, umihip ang malamig na hangin, maliwanag ang kalangitan dahil sa bilog na buwan.

Naging banayad ang karagatan, katamtamang alon sa dalampasigan. Payapa ang gabi, dinama ni Prinsesa Azurine ang presensya ng paligid.

Huminga nang malalim, pumikit, magkadaop ang palad, animo'y nanalangin habang nakatingala sa langit.

"A-anong ginagawa mo, Prinsesa?" taka ng kaibigan niyang pugita.

May mga munting butil ng liwanag ang lumitaw mula sa kalangitan, pinalibutan ang batang sirena.

Laaa, lalala, la, la, lalahah... ahh... lanlala, lala, la, la, lalalahah...

Isang malumanay at nakakaakit na tinig ang bumalot sa payapang paligid. Isang awit na tumatagos sa puso at nag-bibigay alab at init.

"I-Itigil mo 'yan! Prinsesa, hindi mo dapat gawin 'yan!" sigaw ng munting pugita.

Subalit, wala siyang nagawa kundi ang pagmasdan ang umaawit na prinsesa.

Patuloy siya sa pag-awit nang magising ang batang lalaking iniligtas ng prinsesa.

"Agh! N-Nasaan ako? S-Sino ka?"

Nahihilong bumangon ang bata, kinuskos ang mata gamit ang kamay. Pikit-mulat niyang sinilayan ang taong sa harapan niya.

"Mabuti't gising ka na..."

Nakaramdam ng panghihina ang prinsesa. Hindi basta ang pag-awit ng mga sirena, kinakailangan ng ibayong lakas upang maisatinig ng magandang awiting kaninalang inaawit upang ito'y umabot sa langit.

"Hoy! A-Ayos ka lang ba?"

Lumapit ang bata sa prinsesa, nang makita ang kabuuang anyo ng batang sirena kaagad kinilabutan ang bata sa takot.

"Waah! A-Ano'ng klaseng nilalang ka? M-May bu-buntot ka?" sigaw ng bata.

Napaatras siya at nagtago sa likod ng malaking bato.

"W-Wag kang matakot, tulad mo isa rin akong bata 'yon nga lang isa akong sirena..." nanghihinang litanya ng prinsesa.

Pinilit niyang lapitan ang bata subalit nanghihina siya at kinailangan nang bumalik sa tubig. Hindi sila maaaring magtagal sa ibabaw ng lupa nang napakatagal. Nanunuyot kasi ang kanilang buntot kapag nahahanginan nang matagal sa kalupaan.

"Sandali, i-ikaw ba ang nagligtas sa akin?" Lumabas mula sa likod ang bata, nawala ang takot niya nang makita si Prinsesa Azurine na nanghihina.

Tumango ang prinsesa agad naman siyang nilapitan ng bata saka binitbit at dinala sa tubig.

"Maraming salamat..." pasasalamat ng prinsesa sa bata.

"Walang anuman! Ako nga ang dapat magpasalamat sa 'yo. Ang alam ko kasi nahulog ako sa nasusunog na barkong sinasakyan namin sinubukan kong lumangoy pero hindi ko kinaya."

"Nakita kita na unti-unting lumulubog sa tubig. Wala nang tibok ang puso mo kanina nang dalhin kita dito sa dalampasigan," sagot ng batang sirena.

"T-Talaga? K-Kung gano'n dapat ay patay na ako? Pero paanong—"

"Inawitan kita! Narinig ng langit at muling ibinalik ang tibok ng puso mo."

Nakangiti si Prinsesa Azurine sa bata, namangha ang bata sa kanya. Nanlaki at kuminang ang mga mata ng batang lalaki. Unang beses pa lang niyang nakakita ng sirena.

The Mermaid, the Prince and the WizardTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon