MATAPOS iulat ni Prinsipe Eldrich ang naganap na ambush ng mga pirata sa kanila nagkaroon ng agarang pagpupulong. Pinangunahan ni Duke Earl ang naturang usapin kung ano ang susunod nilang hakbang na gagawin. Ipinag-utos ng kamahalang hari ang agarang pagpapadala ng sundalo sa Elloi upang makatuwang ng hukbo ni Prinsipe Cid. Malamang na puntiryahin ng ibang mga grupo ng pirata ang Kaharian ng Elloi dahil sa nangyari. Ipinahanda rin ang ibang kawal ng Alemeth upang magbantay nang husto sa pantalan kung saan dumadaong ang mga malalaking sasakyang pandagat.
Kasama sa pagpupulong sina Seiffer at Azurine dahil kasama sila nang mangyari ang labanan. Si Seiffer na siyang gumamit ng mahika upang matalo ang mga kalaban at ang pinuno nitong si Zanaga.
Dahil sa ginawa ni Seiffer naiulat na sa buong kaharian ang kakayahan niyang gumamit ng mataas na uri ng mahika. Ngayon, mabuting minamatyagan ang kilos ni Seiffer ng mga tauhan ni Duke Earl.
Matapos ang masinsinang pagpupulong kaagad ding pinalabas ng silid ang tatlo. Nakaabang ang nag-aalalang si Octavio sa labas ng silid.
"Azurine!" wika ni Octavio, nakahawak ito sa magkabilang balikat ni Azurine.
"Okay na! Pasensya ka na kung pinag-alala kita," nakangiting sagot ni Azurine sa kaibigan.
Ilang araw din silang wala sa palasyo. Nakaabang din sina Prinsesa Liset at Prinsesa Zyda. Batid sa mukha ng dalawa ang labis na pag-aalala. Hindi pa rin sila umuuwi sa kanilang kaharian dahil hindi pa sila pinapayagang bumalik.
Lumapit si Zyda kay Eldrich, bakas sa mukha ni Prinsesa Zyda ang pag-aalala kay Prinsipe Eldrich.
"Eldrich, mabuti at walang nangyaring masama sa inyo," mahinang sabi ni Zyda. Tumingin lang sa kanya si Eldrich bago ngumiti.
"Salamat sa pag-aalala, Zyda. Hindi na kayo dapat manatili pa rito sa palasyo. Bukas na bukas din, hihilingin ko sa aking ama na payagan na kayong bumalik sa bansa ninyo," pahayag ni Prinsipe Eldrich.
Napansin ni Azurine ang lungkot sa mga mata ni Zyda. Babae din naman siya kaya ramdam niyang tinatangi nito ang prinsipeng kanyang iniibig din. Hindi na nagpaalam si Seiffer basta na lang itong naglakad at iniwan silang lahat. Si Eldrich naman ang nag-anyaya sa kanila na manatili sa kanyang silid. Lahat sila ay sumunod sa prinsipe.
***
MAGKATABI sa malambot na sofa si Azurine at Zyda. Dalawang babaeng iisa ang iniibig. Hindi rin naman manhid si Zyda para hindi iyon makita. Habang abala ang iba sa silid tanggapan ni Eldrich, sinubukang kausapin ni Azurine si Prinsesa Zyda.
Nahihiya siyang mag-umpisa ng isang usapin, halatang hindi rin komportable si Zyda sa pagkakatabi nila.
"Uhm, kumusta?" alanganing tanong ni Azurine na ang tanging hangad ay magbukas ng isang usapan sa pagitan nila.
Hindi sumagot si Zyda, nakataas lang ang kilay nito at parang walang naririnig. Hindi naman sumuko si Azurine, muli niyang sinubukang kausapin si Zyda.
"A-Alam mo, ang galing makipaglaban ni Prinsipe Eldrich," napapangiti niyang kuwento. "Sanay na sanay siyang gumamit ng espada, kahanga-hanga ang abilidad niya," pagpapatuloy niya. "Siguro kung naroon ka lang—"
"Ano bang gusto mong palabasin?" biglang sumabat si Zyda. Hindi niya natiis ang pagkukuwento ni Azurine. May pamumula sa magkabilang pisngi niya. Nakataas ang kilay at naka-crossed arm nang pansinin niya si Azurine.
"W-Wala naman, gusto ko lang sabihin kung gaano—"
"Gaano mo hinahangaan si Eldrich? Bakit hinahangaan ko rin naman siya, ah!" madiing sabi ni Zyda. Pumipilantik ang kilay niya na nagpapahiwatig ng pagkairita.
BINABASA MO ANG
The Mermaid, the Prince and the Wizard
FantasyA trilogy fantasy novel. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tang...