KINAKABAHANG humarap sina Azurine at Octavio sa harap ng kamahalang hari at reyna na nakaupo sa kanilang trono. Kasama ng dalawa ang panganay na prinsipe ng Alemeth na si Prinsipe Seiffer Ciel' Ruffus. Ngunit iba ang pakilala ng binata sa dalawa no'ng una nila itong makilala. Isa raw siyang black wizard pero nagulat na lang sila nang malamang isa pala itong prinsipe.
Ngayon, dahil sa kagustuhang tulungan si Azurine na makausap ang isa pang prinsipe na si Prinsipe Eldrich Ciel' Ruffus, ginawa silang personal maid ni Seiffer.
"Seryoso ka ba?!" Nakakunot ang noo ng kamahalang hari.
Nakaluhod ang isang tuhod at nakayuko sina Azurine at Octavio habang nakatayo si Seiffer at nakikipag-usap sa kanyang ama.
"Alam kong may nagawa silang kahihiyan no'ng gabi ng kasiyahan at pinagsisisihan na nila iyon. Ako ang mananagot sa lahat ng maidudulot nilang sakit ng ulo sa inyo, Ama."
"Ang lakas ng loob mong magsabi nang ganyan! Ikaw nga itong promotor ng kaguluhan sa palengke no'ng gabi ring iyon." Nakahawak na sa ulo ang hari, hinihilot-hilot ang kanyang sumasakit na ulo.
"Isang pasaway na prinsipe at dalawang..." Tinigitan muna ng reyna ang dalawa sa paanan niya. "Hindi natin alam kung saan galing ang dalawang taong 'yan! Mamaya mga espiya pala sila ng ibang kaharian."
"Sa tingin ko ay hindi!" biglang sabat ni Prinsipe Eldrich na bagong dating lang.
Nagtama ang tingin ni Azurine at ng prinsipe. Kuminang ang mga mata ng dalaga. Sa paningin niya'y napapalibutan silang dalawa ng mga butil ng liwanag. Kumikinang na parang dyamante ang kakisigan ni Prinsipe Eldrich.
"Eldrich, wala namang masama 'di ba kung kukunin ko silang personal na katulong ko?" May ngising nang-iinggit si Seiffer sa kapatid niya.
"Uhm...O-Oo! Wala namang masama. Kung sa akin lang walang problema." Nilapitan ni Eldrich si Azurine, itinayo saka magiliw na nginitian. "Sa tingin ko, hindi talaga pulubi ang magandang binibining kagaya mo." Kinuha pa ni Eldrich ang kamay ni Azurine saka hinalikan ito.
Umangat ang init sa buong mukha ni Azurine, kulang na lang umusok ang magkabilang tainga niya sa kilig. Hindi mapakali at hindi makapagsalita, tila umurong ang kanyang dila. Maging si Octavio, hindi rin maka-react sa ginawa ng prinsipe.
Mayamaya'y dumating ang kawal, lumapit kay Prinsipe Eldrich. May ibinulong ang kawal sa prinsipe, isang mahalagang balita.
"Ama, kailangan ko na pong bumalik sa baybayin ng Apores. Sasalubungin ko ang pagbabalik ni Duke Earl," pamalita ni Eldrich.
"Osige, tamang-tama mamayang gabi ang ikalawang gabi ng pagtitipon. Darating naman ang ibang konseho at tagapagpayo ng iba't ibang bansa ng Sallaria."
"Paalam po, Ama, Ina." Tumingin muna si Eldrich kay Azurine. "Gusto pa kitang makausap...?" nagtatanong na wika niya.
"A-Azurine! Ako si Azurine," pakilala ng dalaga.
"Magandang pangalan para sa binibining may magandang asul na buhok." Ngumiti pa siya bago tumalikod.
"Hindi ka ba magpapaalam sa akin, Kapatid?"
Lumapit si Eldrich saka inakbayan ang kapatid. "Paumanhin, Seiffer! Usap tayo mamaya basta siguraduhin mo lang na hindi ka na naman tatakas sa pagtitipon!"
"Nyahahaha! Oo naman! Lalo pa't bumalik na si Lo—ibig kong sabihin ang Duke!" malokong sagot ni Seiffer.
Nawala ang pinangangambahang tensyon ni Azurine. Mukhang maayos naman pala ang relasyon ng magkapatid. Akala kasi niya hindi sila okay.
![](https://img.wattpad.com/cover/211897413-288-k55314.jpg)
BINABASA MO ANG
The Mermaid, the Prince and the Wizard
FantasíaA trilogy fantasy novel. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tang...