Pinigil ni Jewel ang kanyang paghinga at mas lalong hinigpitan ang pagkakatakip sa kanyang bibig. Punong-puno ng takot ang kanyang mga mata habang pinapakiramdaman ang taong nakaitim na alam niyang nakatayo lang sa likod ng punong pinagtataguan niya.
Alam niyang hinihintay lamang siya nito na gumawa ng mahinang tunog. Hinihintay na mahuli siya at mapatay.
Maya-maya pa ay naramdaman niyang unti-unti nang tumatalikod ang taong nakaitim. Nakumpirma niya iyon ng makita ang ilaw ng sulo na unti-unti nang lumalayo. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng tunog na para bang isang bagay na kinakaladkad. Dahan-dahan siyang sumilip sa puno at nakita niyang naglalakad na ang taong nakaitim palayo habang hila-hila sa paa ang katawang wala nang ulo.
Nang makalayo na ang demonyo ay nagpakawala siya ng hininga. Hingal na hingal siya. Pagod na pagod. Hindi niya napansin na matagal niya palang napigil ang kanyang paghinga. Nanlalambot na napaupo sa mga nakausling ugat ng puno si Jewel. Taas baba ang kanyang dibdib. Pilit pinapakalma ang sarili.
Hindi dapat siya magpadaig sa takot at higit sa lahat, dapat maging maingat siya kung gusto niya pang mabuhay at masagip ang kanyang mga natitirang kaibigan. Iyan ang lagi niyang inuusal sa kanyang isipan, kaya naman nang medyo kumalma na ay tumayo siya mula sa kanyang pagkakaupo at nagpakawala ng malalim na paghinga bago lumakad palabas sa pinagtataguang puno.
Napatingin siya sa kubo na ngayon ay naaaninag na niya dahil nakapag-adjust na ang kanyang mga mata sa dilim. Muling bumangon ang kuryosidad sa kanya. Gusto niyang malaman kung ano ang nasa loob noon. Nakita niyang doon kinuha ng demonyo ang katawan, hindi kaya, may iba pang katawan doon? Kung meron man, sino ang mga taong iyon?
Kinakabahan man at nanginginig dahil sa nerbiyos ay humakbang siya papunta sa direksyon ng kubo. Napayakap siya sa kanyang sarili ng maramdaman ang malamig na hangin. Naririnig pa niya ang naaapakan niyang mga natuyong dahon, ganun din ang paghampas ng alon mula sa dagat sa di-kalayuan.
Nang makarating siya sa may pinto ng kubo ay napatakip siya sa kanyang ilong dahil sa masangsang na amoy na parang nanggagaling sa nabubulok na bangkay ng hayop. Nakaramdam siya ng pagbaliktad ng sikmura pero pinigilan niya ang sariling sumuka.
Mabilis ang tibok ng pusong tinulak niya ang pinto gamit ang kanyang nanlalamig at nanginginig na mga kamay. Bumukas iyon at lalong tumindi ang mabahong amoy.
Napangiwi si Jewel at itinaas ang kanyang damit sa may parteng leeg para gamiting pantakip sa kanyang ilong. Dahan-dahan siyang humakbang papasok sa kubo, sinalubong siya ng kadiliman. Parang bumigat rin ang kanyang pakiramdam. Pinagapang niya ang kamay sa dingding malapit sa pinto kung saan madalas niyang mahanap ang switch pero wala siyang nakapa.
Humakbang siyang muli papasok sa kubo nang biglang umihip ang malakas na hangin na naging dahilan ng malakas na pagbukas ng pinto na ikinagulat niya. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Maya-maya pa ay nakarinig siya ng pamilyar na tunog. Parang tunog ng sinaunang bumbilya na hinihila pa ang isang maliit na tali para sumindi. Lumapit siya sa pinanggagalingan ng tunog at bumangga sa kanya ang isang babasaging bagay. Inapuhap iyon ng kamay niya at nang mahawakan ang tali ay hinila iyon at kasunod noon ay ang pagliwanag ng paligid.
Napatakip sa kanyang mga mata si Jewel dahil sa pagkabigla sa liwanag. Unti-unti niyang inalis ang pagkakatakip niya sa kanyang mata at nanghilakbot siya ng mapagtanto kung anong lugar ang pinasok niya... Isang nanlilimahid na kubo kung saan sa bawat gilid ay may mga nakasabit na mga hubo't-hubad na katawan na butas ang parte ng puso at kulang-kulang ang mga bahagi. Nakasabit sila gamit ang bakal na hook na nakatagos sa kanilang butas na dibdib. Puro dugo ang ding-ding na sawali, tanda na marami ang pinatay dito.
Nanlaki ang ulo ni Jewel sa mga nakikita. Lalo na nang mamayani ang pinagsama-samang amoy ng ihi, dumi at dugo ng tao sa kanyang sistema. Nanlabo ang kanyang paningin at nahirapan huminga.
BINABASA MO ANG
Sitio Kulto [Book 2 of Kulto]
Horror"Hoc est, non ad finem. Suus 'iustus non est principium." Sabi ng taong nakaitim, puno ng dugo ang kanyang mukha. Iniangat niya ang hawak niyang tumitibok-tibok pang puso. Nilapit niya iyon sa kanyang mukha at nakapikit na inamoy iyon. "Ang alay!" N...