"May mga ano, Jewel? Ano ang nakita mo?" Dugtong pa ni Joss habang seryosong nakatingin sa umiiyak na dalaga.
"Sige na, Jewel. Sabihin mo na kung anong mga nakita mo at kung bakit ka nagkaganyan. Nag-aalala kami sa 'yo eh." Punong-puno ng pag-aalala na sabi ni Dimitri.
Si Jersey naman ay pinisil ang kamay ng dalaga na para bang nangangahulugang 'hindi kita iiwan.'
"Magsabi ka ng totoo, ano ang nakita mo?" Sabi ni Joss. Sa pagkakataong ito ay may diin na ang kanyang bawat salita.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Jewel sa tatlong lalaki. Ilang sandali pa ay tumungo siya saka huminga ng malalim.
"M-multo… Multo ang n-nakita ko." Pagsisinungaling na sagot niya sa namamaos na boses habang nananatiling nakatungo.
"Sigurado ka ba sa sinasabi mo?" Tanong ni Joss na halatang hindi naniniwala sa sagot ng dalaga.
Napakunot ang noo ni Jersey ng mahalata ang kakaibang pagtatanong ni Joss. Tiningnan niya ito ng masama.
"Bakit parang hindi ka naniniwala? Bakit? May iba pa bang dapat makita dito bukod sa multo?" Tanong ni Jersey.
Napaangat ang ulo ni Jewel ng marinig ang tanong ng lalaki. Gusto niyang isigaw na demonyo ang lugar na ito. Gusto niyang higitin ang dalawa papasok sa kakahuyan at dalhin sa mga nakakakilabot na mga lugar na napuntahan niya para malaman ng mga ito na hindi sila ligtas sa lugar na 'to… Na kailangan na nilang umalis. Gusto niyang ikwento ang lahat ng nakita niyang nangyari sa dagat kanina pero hindi niya magawa dahil sa presensya ni Joss. Kailangan niyang mag-ingat sa lahat ng mga sasabihin niya. Dapat, tanging silang magkakaibigan lang ang makaalam ng lahat.
Nabaling ang tingin ni Joss kay Jersey. Seryoso ang ekspresyon niya, maya-maya pa ay ngumiti siya.
"Wala naman. Nangangamba lang kasi ako na baka nakakita siya ng mababangis na hayop o di kaya naman ay nang nilalang na pumapatay ng tao."
Napakunot ang noo ng dalawang lalaki sa narinig, samantalang si Jewel naman ay mabilis na kinabahan, napaangat ang tingin niya kay Joss na hanggang ngayon ay nakangiti pa rin.
"A-anong… Anong nilalang ang s-sinasabi mo?" Nauutal na tanong ni Jewel.
Tiningnan muna silang tatlo ni Joss bago sumagot. Maya-maya pa ay tumayo ito at tumalikod sa kanila.
"Mga aswang." Sagot nito. "Kaya tara na at pumasok na tayo." Pagkasabi noon ay naglakad na ito papasok sa bahay.
Mukhang natakot ang dalawa sa sinabi ni Joss pero hindi si Jewel. Alam niyang hindi aswang ang nakita niyang pumatay sa mga kaibigan niya. Alam niyang tao iyon… Taong nakasuot ng kulay itim!
---***---
Tulog na ang lahat maliban kay Jewel na hindi pa rin mapakali sa kanyang higaan. Kinakabahan siya at nanginginig sa takot. Hindi na ligtas ang pakiramdam niya sa bahay na 'to.
Paulit-ulit na pumapasok sa isip niya ang pagpatay kina Trendy at Winston. Ganun din ang ulo ni Lavander na nakita niya sa bunganga ng demonyo.
Gusto niyang umiyak, humagulhol, magwala at tumakbo. Gusto niyang makaalis sa lugar na 'to. Halo-halo na ang emosyon na nararamdaman niya. Parang mababaliw na siya. Napapapitlag siya kahit sa kaunting kaluskos lang. Sobrang lakas ng kabog sa kanyang dibdib. Takot na takot siya!
Nagsimula nang pumatak ang luha sa kanyang mga mata. Tinakpan niya ang kanyang bibig para mapigilan ang paghikbi. Pinikit niya ng mariin ang kanyang mga mata na para bang pilit inaalis sa kanyang ala-ala ang mga masalimuot na pangyayari na kanyang nakita. Pilit niyang binubura sa kanyang isip ang lahat!

BINABASA MO ANG
Sitio Kulto [Book 2 of Kulto]
Terror"Hoc est, non ad finem. Suus 'iustus non est principium." Sabi ng taong nakaitim, puno ng dugo ang kanyang mukha. Iniangat niya ang hawak niyang tumitibok-tibok pang puso. Nilapit niya iyon sa kanyang mukha at nakapikit na inamoy iyon. "Ang alay!" N...