Ang huni ng mga ibon ang gumising sa diwa ni Jewel. Umaga na at nalalanghap na niya mula sa nakabukas na bintana ng kwarto ang hamog na iniwan ng nakaraang gabi. Minulat ni Jewel ang kanyang mg mata saka nag-inat. Tumingin siya sa paligid at napansin niyang mag-isa na lang siya silid.
Nagsibabaan na siguro sila para kumain. Naisip ni Jewel.
Sinuklay niya ang kanyang gulo-gulong buhok gamit ang kanyang mga kamay bago umayos ng upo sa kama. Ibinaba niya ang kanyang mga paa pero mabilis niya ring nabawi iyon ng maramdamang basa ang sahig. Tiningnan niya ang kanyang talampakan at nakita niyang kulay pula iyon dahil sa malapot na dugo na kanyang natapakan. Mabilis na bumangon ang kaba sa kanyang dibdib. Takot na takot siyang napaurong hanggang sa dumikit na ang likod niya sa dashboard ng kama, ang duguang paa naman niya ay nagmantsa na sa puting matres na nakalatag sa kanyang higaan.
Ilang minuto ring nakatingin si Jewel sa may sahig ng kama. Nakita niyang unti-unting kumakalat ang dugo. Pakiramdam niya ay mabubutas na ang kanyang dibdib sa labis na kaba.
Saan nanggagaling ang dugo? Ano ang nasa ilalim ng kama? Mga katanungang nagpapaikot-ikot sa kanyang isipan. Biglang bumangon ang kuryosidad sa isip ni Jewel.
Unti-unti siyang gumapang sa kama. Pinikit niya ang mga mata at saka malalim na huminga. Dumapa siya habang unti-unting sumisilip sa sahig na puro dugo. Napansin niyang sa ilalim ng kama nanggagaling ang malapot at masangsang na dugo kaya naman unti-unti niyang binaba ang kanyang ulo para silipin kung ano ang meron sa ilalim pero laking gulat niya ng may isang naaagnas na kamay ang lumabas mula sa ilalim ng kama at mabilis na humawak sa mukha niya. Dahil sa labis na pagkagulat ay hindi na nakasigaw si Jewel. Ramdam na ramdam niya ang malagkit at naaagnas na kamay sa kanyang mukha. Nakasusulsok ang amoy niyon na mas mabaho pa sa patay na daga.
"Umalis ka na~" Sabi ng malamig na boses na umalingawngaw sa buong silid.
Bago pa siya makasigaw ay humigpit na ang hawak ng kamay sa kanyang mukha at hinigit siya nito papunta sa madilim na ilalim ng kama.
---
MABILIS na napabangon si Jewel sa kanyang kama. Pawis na pawis siya at naghahabol ng paghinga.
Bangungot. Bangungot lang ang nakita niya. Pero parang totoo, parang nangyari talaga ang lahat.
Pinahiran niya ang pawis sa noo gamit ang kanyang kamay at unti-unti ay humupa na ang kanyang kaba at bumalik sa normal ang paghinga. Luminga-linga siya sa paligid at napakunot ang noo niya ng makita ang walang saplot na si Lavander na nakaupo sa kabilang kama habang nakatalikod.
"Lavander?" Tawag niya dito ngunit hindi ito sumagot, bagkus ay nagtaas baba lamang ang balikat nito na sinundan ng mahinang paghikbi.
"Lavander, bakit ka umiiyak?" Nagtatakang tanong ni Jewel. "Saka bakit naman hubo't-hubad ka? Magdamit ka nga, namumutla ka na sa lamig oh."
Sabi ni Jewel na may halong pag-aalala pero tuloy pa rin sa mahinang pag-hikbi si Lavander. Tuluyan na siyang nagtaka.
"Lavander, ano bang nangyayari?" Tanong ulit niya.
Unti-unting gumalaw si Lavander para humarap sa kanya. Mabilis namang tumalikod si Jewel.
"Lavander, magdamit ka nga muna. H-hindi ako sanay makakita ng hubad na katawan." Naiilang na sabi ni Jewel habang nakatalikod.
"~umalis na kayo…" Pabulong na sabi ni Lavander sa pagitan ng paghikbi.
"Ha? Ano bang sinasabi mo? Akala ko ba ayaw mo pang umalis pero ngayon nagmamadali ka? Saka bakit 'kayo'? Hindi ka ba sasama?" Tanong ni Jewel.

BINABASA MO ANG
Sitio Kulto [Book 2 of Kulto]
Horror"Hoc est, non ad finem. Suus 'iustus non est principium." Sabi ng taong nakaitim, puno ng dugo ang kanyang mukha. Iniangat niya ang hawak niyang tumitibok-tibok pang puso. Nilapit niya iyon sa kanyang mukha at nakapikit na inamoy iyon. "Ang alay!" N...