"A-anong ginagawa mo dito?" Garalgal at nag-aapuhap sa hiningang muling tanong ni Jewel. "B-baka mahuli ka nila."
Hindi sumagot si Tara. Bagkus ay itinaas lang nito ang hawak na kutsilyo. Nanlaki ang mga mata ni Jewel ng makita ang matalim na metal na nagliwanag pa ng tamaan ng ilaw na galing mula sa bumbilya. Napapikit siya ng makita ang gagawing pagsaksak nito, napapitlag siya ng makaramdam ng pwersa sa kanyang tagiliran. Pwersa lang at walang sakit na kasama. Naghahabol sa hiningang minulat niya ang kanyang mga mata at nakita niya ang malilikot na mata ni Tara habang pilit nilalaslas ang lubid na nakatali sa kanyang katawan.
"T-tara..." Nabanggit niya habang napupuno ng pag-asa ang kanyang puso at nawawala ang takot na mula sa pag-aakala niyang sasaksakin siya nito.
Palipat-lipat ang mga mata ng bata sa ginagawang paglaslas sa lubid at sa gawi ng pinto na animo ay takot na kahit anumang segundo ay may papasok mula roon.
Unti-unting nararamdaman ni Jewel ang pagluwag ng tali hanggang sa lumaglag na nga ito sa upuan. Paika-ika at sapo ang tiyan na lumuhod naman si Tara at sinimulang tanggalin ang mga lubid sa kanyang mga paa.
Sa isang iglap ay parang nanumbalik ang lakas ni Jewel. Dahan-dahan siyang umayos ng pagkakaupo, nasapo niya ang batok at likod ng ulo ng sumilay ang sakit at kirot mula roon. Naramdaman niya ang mamasa-masa pang dugo na naiwan at nagpakapal sa kanyang buhok. Umikot ang paligid niya sa ginawang paggalaw kaya naman mariin niyang pinikit ang kanyang mga mata, dahilan para makakita siya ng animo ay mga bituin na sumasayaw sa likod ng kanyang talukap. Nang imulat niya ang mga mata ay bahagya ng umayos ang paningin niya.
Napapitlag siya ng makarinig ng tunog ng metal na lumaglag sa matigas na bagay. Napatingin siya sa kanyang paanan at nakita niya ang mukha ni Tara na puno ng sakit habang nakasapo sa kanyang tiyan, tahimik itong humihikbi. Mabilis siyang nilapitan ni Jewel, hindi alintana ang sakit na mabilis na sumiklab sa bawat himaymay ng kanyang katawan.
"Tara!" Tawag niya sa bata at saka maingat na sinapo ang batok nito at inihiga sa kanyang madumi at puno ng natuyong dugo na braso. "T-tara, anong nangyayari sa 'yo?" Nangangamba niyang tanong.
"W-wala po ito..." Sagot nito na halata ang itinatagong sakit sa kanyang tinig. Itinuro nito ang kutsilyo. "I-iligtas mo po ang mga kaibigan mo... dali!"
Nag-aalinlangan man dahil sa sitwasyon ni Tara ay tumango na si Jewel at saka maingat itong inihiga sa lupa.
"Babalikan kita." Paninigurado niya at saka hinimas ang maamong mukha ng batang babae.
Dinampot niya ang kutsilyo at saka tiningnan ang mga bakat ng lubid sa kanyang mga braso at binti. Nakawala siya! Hindi pa huli ang lahat! Makakagawa pa siya--sila--ng aksyon.
Nanghihina man ay mabilis itong lumapit sa upuan ni Bree at saka nanginginig ang mga kamay na tinanggal ang mahigpit na pagkakagapos ng lubid sa bewang nito.
"J-je-jewel?"
Napaangat ang tingin niya sa mukha ng kaibigan ng marinig ang pagbulong nito sa pangalan niya.
"Bree! " Naibulalas niya. "Lumaban ka! Pakakawalan ko kayo. Makakaalis tayo dito! Maisasagawa pa natin ang plano! " Humihikbi niyang sabi habang pilit nilalaslas ang lubid.
Sa isang iglap ay unti-unting nagkaroon ng lakas ang nanlalambot na katawan ni Bree. Tumango ito at saka humikbi. Masyado nang nasira ng bayan na ito ang pagkatao nila. Wala na silang magawa kundi ang umiyak at patuloy na lumaban sa abot ng kanilang makakaya kahit ang ibig sabihin pa noon ay ang paggamit nila ng kakarampot na lakas na natitira sa kanila.
Nang matanggal na ang tali kay Bree ay dumiretso siya agad kay Dimitri at sinimulang tanggalin ang mga tali nito.
Ilang sandali pa ang nakalipas ay napakawalan niya nang lahat ang mga kaibigan. Nanghihinang napalunod si Jewel at saka umiyak. Iyak na dala ng pagod, lungkot, sakit, saya dahil nakatakas sila, at desperasyon. Itinayo siya ni Jersey, nagkatinginan silang apat at saka sila nagyakap. Humuhugot ng lakas sa isa't-isa. Nangangakong kakapit at pagsusumikapang tuparin ang pangakong ginawa nila kay Clarity na makakauwi sila ng buhay sa kanilang mga pamilya.
BINABASA MO ANG
Sitio Kulto [Book 2 of Kulto]
Horreur"Hoc est, non ad finem. Suus 'iustus non est principium." Sabi ng taong nakaitim, puno ng dugo ang kanyang mukha. Iniangat niya ang hawak niyang tumitibok-tibok pang puso. Nilapit niya iyon sa kanyang mukha at nakapikit na inamoy iyon. "Ang alay!" N...