KULTO UD 1
Napapitlag sa gulat si Jewel dahil sa mga katok sa pinto. Kanina pa pala siya nakatingin sa salamin. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang nakitang pangyayari sa nakaraan ng Sitio. Hindi ba nila naisip na pagsubok lamang iyon sa kanila? Bakit ganun na lamang sila kadaling sumuko? Bumitaw. Tumalikod sa Panginoon?
Sunod-sunod na katok muli ang narinig niya at tuluyan na siyang tumayo at naglakad para buksan ang pinto. Bumungad sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Dimitri.
Mabilis na hinawakan nito ang braso niya na para bang sinusuri kung may sugat siya.
"Kumusta? Anong nangyari sa 'yo? Bakit ang tagal mo?" Pabulong na tanong nito. Nag-iingat sa kaninumang maaaring makarinig sa kanila.
"Walang nangyari sa aking masama." Usal ni Jewel at saka binawi ang braso.
Tiningnan niya ang lalaki. Bakas pa rin ang pag-aalala sa mga itim na mata nito. Gusto niyang sabihin dito ang mga nakita ngunit alam niyang wala na silang oras para pag-usapan ang mga nasaksihan niya ng mahawakan niya ang naaagnas na balat ng matanda.
Dinala niya ang kamay sa pisngi ng binata.
"Okay lang ako. Walang masamang nangyari sa akin." Paninigurado niya dito. "Tara na, hinihintay na nila tayo. Tapusin na natin ang lahat ng ito."
Hinawakan ni Dimitri ang kamay ni Jewel saka tumango.
---****----
"Maligayang gabi sa inyong lahat dito sa Sitio Lotuk! Kalugdan kayo ni Olbaid, ang ating protektor at tagapagtanggol."
Nagkatinginan ang magkakaibigan sa binanggit na pangalan ni Joss. Olbaid? Sino 'yun?
"Narito tayo sa pagtitipon na ito upang sama-samang ipagdiwang ang lahat ng biyaya na ating natanggap. Lahat ng proteksyon na sa atin ay kanyang binibigay," hinanap ng mata ni Joss ang pwesto ng mga taga-lungsod, "at sa mga bagong kaibigang ipinagkaloob sa atin. Mga kaibigang magagamit natin upang tayo'y kanyang mas kalugdan."
Nakaramdam ng kilabot ang magkakaibigan. Tila ba may mga yelo ang tingin ni Joss na naging dahilan ng kanilang panlalamig at pagtayo ng kanilang mga balahibo idagdag pa ang mga sinabi nito na tila ba sinasampal na sa kanilang mga pisngi na napunta sila rito upang maging alay.
Ngumiti si Joss at muling bumaling sa lahat ng kanyang tagapakinig. Naging masaya ang tono ng pananalita nito.
"Dahil kinalulugdan tayo ng panginoon kapag tumutulong tayo sa ating mga kaibigan, hindi ba? Katulad ng pagkupkop natin sa kanila nang sila'y maaksidente sa kalsada."
Bumaling ang mga tao sa direksyon nina Jewel at binigyan sila ng ngiti. Kung hindi lamang nila alam kung ano ang tunay na pagkatao ng mga ito ay aakalain nilang totoo ang mga ngiti na iyon. Pero hindi. Para lamang silang nakatingin sa mga ngiti ng mga makamandag na ahas na maaaring tumuklaw sa kanila anumang oras.
Pilit silang ngumiti. Nanalangin na sana ay matapos na ang lahat ng ito upang maisagawa na nila ang kanilang mga plano.
"Kaya naman. Atin siyang pasalamatan. Siya na hindi tayo iniwan at pinabayaan. Siya na ating tagapagsalba. Siya na ating panginoon."
Napasinghap sa gulat si Bree ng sabay-sabay na magluhudan sa lupa ang mga nasa paligid. Napakapit naman si Jewel sa braso ni Dimitri dahil sa pagkabigla.
Lumakas ang hangin na naging sanhi ng pagsayaw ng apoy sa mga sulo na nakahanay sa buong paligid. Namayani ang tunog ng alon sa dagat at ang mga lagaslas ng dahon. Malamig ang hangin. Nanunuot sa buto.
"Lumuhod din tayo." Bulong ni Trevor sa mga nabiglang kaibigan.
Sumunod naman sila. Lumuhod sila at mas dumikit sa isa't-isa. Tila ba gusto nilang protektahan ang bawat isa mula sa mga tagasamba ng demonyo.
BINABASA MO ANG
Sitio Kulto [Book 2 of Kulto]
Terror"Hoc est, non ad finem. Suus 'iustus non est principium." Sabi ng taong nakaitim, puno ng dugo ang kanyang mukha. Iniangat niya ang hawak niyang tumitibok-tibok pang puso. Nilapit niya iyon sa kanyang mukha at nakapikit na inamoy iyon. "Ang alay!" N...