Alay.

2.7K 79 5
                                    

"G-guys…" Mahinang tawag ni Jewel. Pilit niyang iniangat ang kanyang ulo at nakita niyang mga walang malay ang mga kaibigan niya. Binaling niya ang tingin sa katabing si Dimitri pero napangiwi at napapikit siya nang makaramdam ng biglaang pagsakit ng kanyang leeg dahil sa ginawa niyang paggalaw ng kanyang ulo.

Hinawakan niya ang balikat ni Dimitri at inuga iyon.

"D-dimitri…" Tawag niya sa namamaos na boses. "D-dimitri… Gising…"

Hindi pa rin gumigising si Dimitri, tiningnan niya naman si Jersey, wala rin iyong malay. Sinubukan niya ring uyugin si Jersey pero muli ay nabigo siyang gisingin ang lalaki.

"G-guys…" Nag-umpisa nang mangilid ang luha ni Jewel dahil sa labis na pag-aalala sa mga kasamahan niyang wala pa ring mga malay. "G-gumising kayo!" Sigaw niya.

Tuluyan ng bumagsak ang luha niya. Hindi niya alam  ang gagawin. Nasa isang madilim na lugar sila na hindi niya alam kung may naninirahan ba o wala. Nasa lugar sila na tanging mga damo at puno lang ang makikita. Lugar na tanging buwan lang ang tanging nagbibigay ng liwanag.

Kailangan kong maghanap ng tulong. Nasabi ni Jewel sa sarili.

Humihikbi si Jewel habang pilit lumalabas ng sasakyan. Wala na siyang pakialam kung madaganan man niya ang kanyang mga kaibigan, ang mahalaga ay makalabas siya at makahingi ng tulong.

Nang makalapit sa pinto ay pilit niya iyong binuksan at malamig na hangin na may kasamang mga patak ng tubig mula sa lumalakas na ulan ang sumalubong sa kanya. Tumingin siya sa labas. Madilim at tanging ang tunog lang ng ulan at palaka ang tanging ingay na naririnig sa paligid. Nag-dalawang isip si Jewel kung lalabas ba o hindi pero ng mapalingon siya sa mga walang malay na kaibigan ay naging buo ang loob niya.

Bumaba siya ng sasakyan at tuluyan na siyang nabasa ng ulan.

"Tulong!" Sigaw niya sa bahagyang namamaos na tinig. "Tulungan niyo kami!"

Nagpalinga-linga siya sa paligid, tanging mga nagtataasang puno ng niyog lang ang nakikita niya. Sa kabila naman ay ang bangin.

Napayakap siya sa sarili dahil sa lamig na nagbigay sa kanya ng pangingilabot.

Lumingon muli siya sa van. Wala pa ring nagkakaroon ng malay.

"Tulong!" Sigaw niyang muli kahit parang walang taong makaririnig sa kanya. Nagsimula siyang humakbang papasok sa niyogan. "N-nabangga kami! T-tulungan niyo kami!"

Wala siyang matanggap na sagot kundi ang pag-echo ng sarili niyang boses.

Nagpatuloy sa paglalakad si Jewel papasok sa niyogan habang sumisigaw. Napapahawak siya sa kanyang batok kapag nakakaramdam siya ng pagsakit mula roon.

Hindi niya namamalayan na malayo na pala ang nalalakad niya. Tumingin siya sa likuran at napakaliit na ng van sa paningin niya.

Lalong lumakas ang ulan. Sobrang nilalamig na rin siya. Napagdesisyunan niya nang bumalik ng isang sigaw ang narinig niyang umalingawngaw sa loob pang bahagi ng niyogan. Mabilis na napalingon si Jewel sa pinanggalingan ng sigaw. Kung gaano kabilis ang paglingon niya ay siya rin namang pagbilis ng tibok ng kanyang puso dahil sa gulat at kaba.

Nasundang muli ang sigaw na para bang ang babaeng sumisigaw ay nakakaranas ng matinding sakit. Gustuhin man ni Jewel tumakbo pabalik sa van ay hindi niya na magawa dahil inuudyukan siya ng kuryusidad niyang alamin kung saan nanggagaling ang sigaw.

Tumalikod na siya para sana bumalik sa van pero ng muling sumigaw ang babae ay mabilis siyang bumalik at tumakbo papasok sa niyogan, papunta sa pinanggagalingan ng sigaw.

Sitio Kulto [Book 2 of Kulto]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon