Kabanata 18

10.1K 334 26
                                    

18 - Mistress

“Matagal ka nang patay..”

Pinilit kong pigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Kanina pa siya nakaalis ngunit ang lakas ng kabog ng dibidib ko ay narito pa rin. Nanghihina ang buong katawan ko at nanginginig pa rin. Pati ang panlalamig ko ay hindi nawala. Hindi ko alam kung bakit pero, nasasaktan ako sa mga sinabi niya.

Bakit naman ako masasaktan? Hindi naman totoo iyon, ah? Hindi naman talaga ako patay. Hindi ko naman tinakasan ang lahat. Kahit ano, wala akong tinakasan. At sigurado, napagkamalan niya lang din ako.

Kasinungalingan. Hindi totoo ang sinabi saakin ni ng babaeng iyon. Hindi ako naniniwala.

I forced myself to stand up. Gulong-gulo ang isip ko pero hindi ito ang panahong pwede akong tumunganga at mag-isip. Oras ito ng trabaho.

“Agape! Asan ka kanina? Nagpatawag ng meeting, ah?”

Pinilit ko ang sarili kong ngitian si Mirella. “M-medyo nahilo kasi ako. Ano bang napag-usapan?”

“Magkakaroon daw ng event para sa bagong management. May mga ini-assign sa mismong venue. Ang iba naman ay tutulong mag-ayos bago ang event. Ang iba, sa mga kuwartong para sa mga investors.”

Huminga ako ng malalim saka tumango. “Saan ka?”

Ngumuso siya. “Mag-aayos ako bago ang event.” Aniya. “Kung tama ang pagkakarinig ko, kasama ka sa mag-aasikaso para sa mga investors.”

Hinawi ko ang buhok ko at nilingon ang ibang empleyadong dumadaan. Mukhang galing lang din sila ka meeting gaya ni Mirella at pinag-uusapan kung saan sila naka-assign.

“Juls! Saan kayo?”

“Sa mismong event ako. Kayo ba?”

Bumalik ang tingin ko kay Mirella. “Sayang naman at hindi tayo magkasama.”

Ngumisi siya. “Buti nga’t madali lang ang akin. Paano kung maarte ang investor na matapat sa ‘yo?”

Hindi na ako inilagay ulit sa pool kahit na wala ulit ang bantay doon. Nakita kong lalaking empleyado ang inilagay nila kanina nang marinig kong ipatawag siya. Mabuti naman at mahirap ang gawaing iyon lalo na kung babae ang gagawa.

Naging abala ang lahat ng araw na iyon. Ang ibang empleyado ay nagkaroon ng sari-sarili nilang meeting kung paano sila magtatrabaho bilang isang grupo lalo na ang mga naka-assign sa mismong event. Ang rinig ko kasi, sila ang bahala kung sino ang magse-serve ng inumin, o sino ang tutulong sa kusina kasama ng mga chef.

Matapos ang buong shift ay dumiretso na ako sa dalampasigan. Siguro ay dapat munang huwag akong umuwi ng bahay dahil masyado akong maraming iniisip. My mind is too clouded. Pakiramdam ko ay dagat lang ang makakapagpakalma saakin.

Hindi nagpakita saakin si Aziel buong araw. Hindi ko alam kung pumasok ba siya, o hindi. O baka naman maraming iniutos sakaniya kaya naman hindi na niya ako nagawang puntahan o ibigay man lang ang regalong sinasabi niya. Sayang at inulugay ko pa naman ang buhok ko.

Papalubog na ang araw ngunit ayaw ko pa ring umalis. Nagba-baka sakaling puntahan ako ni Aziel dito sa lagi naming tagpuan at ibigay ang pangako niya.

Hindi ko inialis ang tingin ko sa malayong dagat. Ayokong maalala ko alalahanin pa ang mga kasinungalingang sinabi ni Deanna saakin kanina. Wala lang iyon. Baka lasing lang siya kaya nagwala. Maling-mali ang mga sinabi niya. Walang katotohanan at gawa-gawa lamang.

Hindi ako patay. Hindi ako namatay at hindi ako tumakas.

At lalong-lalo na, hindi ako si Elianna.

Every Moment Was You (Valdemar Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon