Chapter 16- New Year's countdown

3.6K 223 15
                                    

Araw ng pasko ngayon. Bukas na ang uwi nila Tita Madel. Konting oras nalang ang titiisin ko para sa malditang pinsan. Kauuwi ko lang sa bahay pagkatapos kong magsimba. Nakita ko pa nga sila Nana sa bayan kasama ang pamilya niya. Mabuti pa sila sabay sabay nagsisimba. Ang mga magulang ko, hindi nga yata nakakapasok sa simbahan, eh.

Bumaba ako para mag-almusal. Naabutan ko si Daddy sa hapag.

"Goodmorning, Ada. Nag-simba ka pala, sana sinabihan mo ako." Paano niya nalaman? "Dumaan si Nana Sally dito, kaaalis-alis lang."

Tahimik akong naupo sa silya, "Hindi ko ho alam na gusto niyo sumama, eh."

Nanguha ako ng pagkain at nagsimula.

"Kamusta nga pala ang noche buena kila Riel?" Sinalubong ko ang mata ni Daddy.

"Masaya."

"Talaga? Anong ginawa niyo?" Bakas ang kuryosidad sa tono niya.

"Traditional Christmas party." Tradisyonal sa iba. "Videoke, exchange gifts and such."

"Really? Mukhang masaya nga, ah." Pekeng tawa niya.

Pinagpatuloy ko ang pagkain. Binilisan ko dahil baka mamaya ay bumaba na ang iba.

"Ah Ada, sorry ha?" Nagtaas ako ng tingin sa tinuran ng ama. "Pasensya kung hindi tayo katulad ng ibang pamilya na masaya. Sana anak maintindihan mo na busy kami. At ginagawa namin 'to para sa'yo."

Ang generous naman ng parents ko. Oras lang ang hinihingi ko, sukat pera ang ibinibigay sa akin.

Pinapadali ko na nga lang ang buhay nila para hindi na sila mahirapan, eh. Oras nalang, pero mukhang negosyo ang ibibigay sa akin ni Daddy. Galante.

"Wala ho 'yon. Naiintindihan ko." Kahit hindi naman talaga.

Para sa akin? Para sa kinabukasan ko?Ipinagpapasalamat ko naman 'yon sa Diyos at sa kanila, na hindi ako nagugutom at hindi kami naghihirap. Pero hindi naman ako naghangad pa ng sobra maliban sa makakain ako ng ilang beses sa isang araw at makapagaral ng maayos. Simple lang naman ang gusto ko. Iyon ay magkaroon kami ng oras para sa isa't isa. Na kahit may trabaho, nakakapasyal kami sa mall o nakakain man lang sa labas. O 'di man kaya'y humilata magdamag sa sala habang nanonood kami ng pelikula. Pwede ding nagkukwentuhan sa garden habang nagmemeryenda. Iyon lang naman ang gusto ko. 'Yong mga simpleng ginagawa ng isang normal na pamilya.

Kaso parang ang hirap. Parang ang imposibleng mangyari. Sa tuwing papasok ako sa bahay, nakakabinging katahimikan ang bubungad sa akin. Kung wala pa si Nana ay malamang kinakausap ko na ang sarili ko. Sobrang tahimik ng bahay pero hindi payapa. Parang walang laman, parang parating may kulang. Hindi ito iyong katahimikan na gusto ko. Ni minsan hindi napayapa ang puso ko rito.

Hindi ko kailanman matatawag na kapayapaan ang katahimikan sa tahanang ito lalong higit ang ibig sabihin ay pagitan sa bawat miyembro.

Nang matapos ay tumayo na ako. "Tapos na po ako."

Tahimik akong umalis sa hapag habang sinusundan ng tingin ni Daddy. Umakyat ako sa taas upang kuhanin ang maliit na kahon pagkatapos ay muling bumaba.

Naabutan ko siyang malalim ang iniisip. "Dad,"

Inabot ko ang kahon. Matagal ko nang binili ito para i-regalo sa kaniya ngayong pasko. "Merry Christmas."

Natulala siya sa akin at nangilid ang luha. Nag-iwas naman ako ng tingin dahil ayoko makita ang mga mata niya.

Tumayo siya para abutin. Tumalikod na ako pagkatapos.

Peace Within (Villa Priscilla Series #1) #Wattys2020WinnerWhere stories live. Discover now