Chapter 14

47.7K 1.4K 186
                                    

ILANG sandali munang tinitigan lang ni Zafrina ang hawak na cellphone na galing kay Sovereign. Pagkuwan ay huminga siya nang malalim bago d-in-ial ang cellphone number ng kanyang pinsan na si Zabrielle. Bago siya noon umalis ay nagpahabol pa ito ng kapirasong papel kung saan nakasulat ang cellphone number nito. Siguradong naghihintay na ito ng tawag niya.

Nakailang ring din bago sumagot si Zabrielle.

"Hello?" anang kabilang linya.

"Zab," aniya na nahawakan nang mahigpit ang cellphone. Bigla niya itong na-miss ng husto. Iyon ang unang pagkakataon na nalayo siya sa pamilya niya.

Ilang sandaling nawala sa kabilang linya si Zabrielle. Mayamaya pa ay nakarinig siya ng kalabog.

"Hello, Zab? Ano'ng nangyari?" napatayo siya mula sa pagkakaupo at naglakad palapit sa may bintana. "Zab?"

"A-Ate Zaf? Aaah, shit. Aray. Wait lang," halos anas nitong impit sa kanya. "Okay. Nandito na ako sa room ko. Sorry, nadapa ako kasi nagmamadali akong pumunta dito. Ateee!!! How have you been? I miss you so much, Ate Zaf."

Nakagat niya ang ibabang-labi. Sinikap niyang hindi mabasag ang boses. "Okay lang ako, Zab. Wala kang dapat na ipag-alala sa akin. Kumusta diyan? Si," lumunok siya para alisin ang tila malaking bara sa lalamunan niya. "Si Lola, ano'ng reaksiyon niya nang malaman niya na umalis ako ng walang paalam?"

"Ate, nagalit si Lola Leore. Bakit wala ka raw paalam na aalis ka? Nakipagtanan ka raw ba? At kagabi, nagbigay ng ultimatum si Lola. Kapag hindi ka pa raw umuwi hanggang sa linggo, hindi ka na niya tatanggapin pabalik dito."

Hindi agad siya nakapagsalita sa sinabi ni Zabrielle. Kaya ba talaga siyang tiisin ng kanyang abuela? Kung alam lang nito kung bakit siya umalis. Pero dahil sa takot niya na baka kampihan pa nito si Gino sa plano ng binata na ma-engage sila kaya hindi na rin niya magawa pang sabihin sa lola niya.

"Baka galit lang siya kaya niya nasabi 'yon, Zab."

"I don't think so, Ate. If ever, uuwi ka na ba before Sunday?"

"H-Hindi ko pa alam."

"Ate, 'wag ka na munang umuwi. Ilang beses na ring pumunta rito si Gino. Alam mo ba na nangako pa siya kay Lola na gagawin ang lahat maibalik ka lang dito sa Sagada? Alam ko naman na pansariling interes niya ang dahilan kaya gagawin niya lahat maibalik ka lang, eh. Pati nga ako kinausap niya nang kami lang, pinapaamin niya ako kung nasaan ka. As if naman may sasabihin ako sa kumag na 'yon. Ayaw kong mapunta ka sa kanya dahil hindi mo naman siya gusto."

"Hindi pa rin pala siya tumitigil."

"Kaya mag-iingat ka kung nasaan ka man. Kasi panigurado na pinapagalaw na ni Gino ang mga galamay niya para mahanap ka. Walang imposible sa taong 'yon dahil ubod ng yaman. Madali lang lahat dahil may pera siya."

Nakagat niya ang ibabang-labi. "Zab, thank you. Mag-iingat ako. Kayo rin diyan. Paki-delete ng tawag ko diyan sa cellphone mo.'Wag mo ring i-save itong number na gamit ko para walang maging problema."

"Sige, Ate Zaf. Miss na miss na kita. Wala na akong makausap dito about girly thing."

"Miss na rin kita, Zabrielle. Si Furious, kamusta na siya?" tukoy niya sa kanyang kabayo.

"Okay lang si Furious. Siguradong miss ka na rin niya. Kapag may time ako at hindi maulan, pumapasyal kami para makagala naman siya."

Kahit gusto na niyang ikuwento rito ang tungkol kay Sovereign ay pinigilan niya ang sarili. Sa ngayon, mas makabubuti kung sarilihin na lang muna niya lahat.

"Ate, sa susunod na buwan na ang death anniversary nina Tito at Tita, uuwi ka ba?"

Nahilot niya ang noo. Hindi pa niya nagagawang ipagpaliban ang death anniversary ng mga magulang niya. "Siguro kapag dumating ang time na 'yon, may lakas na ako ng loob para harapin sina lola. Lalo na ang katulad ni Gino." Isa iyong kunpirmasyon na uuwi siya ng Sagada. Pero hindi pa niya sigurado kung magpapakita pa rin siya sa pamilya niya. Lalo na sa kanyang abuela. Bahala na. Sa ngayon ang kailangan niyang gawin ay ang mag-ingat.

The Billionaire's Secret | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon