Chapter 33

49.9K 1.5K 573
                                    

ABALA ang lahat ng kawaksi sa kusina nang sumilip doon si Zafrina. Anytime soon ay darating na sina Sovereign. Saktong hapunan ang dating ng mga ito.

"Kailangan niyo po ba ng tulong?" aniya kay Nana Marissa.

Umiling ang matanda. "Naku, magpahinga ka lang Señorita at kaya na namin dito sa kusina. Mamaya lang ay parating na sila."

Mukhang hindi talaga papayag ang mga ito na tutulong pa siya roon kaya wala na rin siyang nagawa. Wala rin naman siyang gagawin kaya minabuti na lang niya na pumunta sa silid ni Sovereign.

Saktong dating niya sa pangalawang palapag ng mansiyon nang makarinig ng busina ng sasakyan. Muling pumihit si Zafrina paharap sa may hagdanan. Pagkuwan ay naglakad palapit sa may railings. Kita mula roon ang entrada ng mansiyon. Sa mismong tapat ng nakabukas na pinto pumarada ang sasakyan ni Don Antonio Millares na isang Limousine Van. Napatago sa likod ng may kalakihang vase si Zafrina nang makita ang pagbaba mula sa sasakyan ni Tita Marion.

Ganoon na lang ang pagkabog ng mabilis ng kanyang puso nang sa wakas ay masilayan ang lalaking pinakami-miss sa lahat na huling bumaba mula sa Limousine Van. Nakauwi na talaga ito. Hindi niya maipaliwanag ang sayang nararamdaman. Animo may kung anong naglilikot sa puson niya.

"Si Zafrina?" tanong agad ni Sovereign sa kawaksi na lumapit sa mga ito.

"Kakaakyat lang po kani-kanina sa taas."

Nahawakan ni Zafrina ang dibdib dahil sa mabilis na kabog na nagmumula roon. Pagkuwan ay nagmamadali na siyang pumunta sa silid ni Sovereign. Pagkapasok sa silid ay mabilis niyang binuksan ang naroong TV. Kunyari ay abala siya sa panonood kahit na wala naman doon ang isip niya.

Hindi nga nagtagal ay bumukas na ang pinto. Pinigilan niya ang sarili na bumaling sa parteng iyon. Maging ang paghinga niya ay halos mapigilan pa niya.

Malakas na tumikhim si Sovereign. "Busy much?"

Pasimple munang huminga ng malalim si Zafrina bago bumaling kay Sovereign na as usual, dashingly gorgeous. Hinubad nito ang suot na coat at basta lang inihagis sa katabi ng inuupuan niyang sofa. Bakas na bakas ang kaseryosohan sa guwapo nitong mukha.

"Hin-"

"Where have you been?" mabilis nitong agaw sa sasabihin sana niya. Nanatili itong nakatayo nang makalapit sa may tabi niya.

Kumunot ang noo niya. "Ano'ng klaseng tanong 'yan?" Mukhang nagkamali siya ng expectation sa unang bungad nito sa kanya sa pag-uwi nito.

"Ilang araw ka raw wala rito sa bahay. Akala ko ba takot kang lumabas? Pero ano? Malalaman ko na umalis ka rito? Nakuha mo pa talagang i-off ang cellphone mo."

Nagbawi siya ng tingin pagkuwan ay ibinalik niya ang atensiyon sa may TV screen. Na-gets na niya kung ano ang pinaghuhugutan nito. Sigurado siyang kay Cassey nanggaling ang maling inpormasyon na iyon noong hindi na siya ma-contact ni Sovereign.

Hindi niya magawang magsalita para i-defend ang sarili mula sa maling akusasyon ni Sovereign. Animo bigla-bigla ay may bumarang kung ano sa lalamunan niya.

"Saan ka pumunta?"

Lumunok si Zafrina. Trying to clear her throat. Nananakit na iyon. "Mukha bang... mukha bang umalis ako?"

"Hindi nga ba?"

Tumiim ang labi niya. Matapos ng isang linggong pahirap sa kanya ay ganito ang ibubungad sa kanya ni Sovereign? Nagtiis siya sa bahay na iyon dahil nangako siya rito na hihintayin niya ito kahit ang naging kapalit niyon ay malagay sa piligro ang buhay niya. Tapos ganito ito sa kanya ngayon? Pinag-iisipan siya ng masama?

The Billionaire's Secret | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon