Chapter 34

39.1K 1.2K 134
                                    

"BAKIT ang weird ni Cassey? Is she up to something?" kunot ang noo na tanong ni Sovereign kay Zafrina nang tabihan siya nito sa kinauupuang hanging chair na malapit sa may swimming pool.

Napangiti si Zafrina. "Nakakapanibago ba siya?"

Tumango ito. "Nakita ko pa kayo ritong magkakuwentuhan kanina."

"Okay na kami. Siya 'yong unang lumapit. At g-in-ive up ka na rin niya. So, wala ka ng problema sa kanya."

"What do you mean?"

"'Di ba, worried ka noon dahil weird ang kinikilos ni Cassey. Kaya nga nauwi pa sa pagpapanggap natin para lang lubayan ka niya. Success itong ginawa mo para maisip niya na kahit na kailan ay hindi lalampas sa pagiging kapatid ang puwede mong ibigay sa kanya." Hindi na lang niya ikinuwento pa kay Sovereign ang nangyari sa kanya noong Friday night. Malaki rin ang pasasalamat niya kay Cassey dahil dumating ito sa panahong kailangan niya ng tulong. Ayaw niyang magkagulo pa ngayong maayos na ang lahat.

Sumandal ito pagkuwan ay hinawakan ang kamay niya. "Buti naman natauhan na siya."

"Okay na 'yong problema mo kay Cassey. So, puwede na akong umuwi sa amin?"

Ganoon na lang ang pag-iling nito. "Hindi ka pa puwedeng umuwi," anito na kinabig siya palapit dito. Pagkuwan ay niyakap ng mahigpit. "Next week, lilipat na tayo sa bahay ko," bulong pa ni Sovereign sa may tainga ni Zafrina na nagdulot ng kakaibang kilabot sa katawan ng dalaga.

"Tapos ng gawin 'yong bahay mo?"

"Hmmm. Gusto mong puntahan natin ngayon?"

Gusto niyang makita ang bahay nito pero hayon at may umeeksena na naman sa isip niya. Paano kung hindi naman siya ang babaeng titira talaga doon? Ano ba'ng malay niya sa mga maaari pang mangyari sa kanila ng binata?

"Saka na lang siguro," sabi na lang niya.

"Ayaw mong makita?"

Gustong-gusto pero baka umasa lang siya sa huli. "Kapag lumipat ka na naman, makikita ko rin 'yon."

"Tayo," pagtatama nito. "Tayong dalawa ang lilipat doon."

Kay sarap sa pandinig. Binalingan niya si Sovereign at pinakatitigan. Bumaling din ito sa kanya pagkuwan ay pinamalasan siya ng matamis nitong ngiti. Isa lang naman ang siguradong hiling niya sa Puong may kapal. Na sana, si Sovereign na talaga ang nakalaan para sa kanya. Dito niya nakita ang sarili na ikinakasal, magkaroon ng sariling pamilya at kasamang tumanda.

"'Wag mo akong titigan ng ganyan, hon," saway sa kanya ni Sovereign.

"Bakit?"

"Hindi ko nagugustuhan 'yong nakikita ko sa mga mata mo." Nawala ang masayang ngiti sa labi ng binata. "Ayaw ko sa lahat 'yong ganitong pakiramdam na para bang isang araw, iiwanan mo ako."

Ayaw niyang ma-guilty sa bagay na iyon pero bakit iyon ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon? Huminga siya ng malalim at pinilit iwinaksi ang bagay na iyon. "Wala naman akong planong mang-iwan. Ang nega mo."

"What if?"

"Wala naman sigurong magiging dahilan para iwan ka."

Tumango ito. "Wala talaga."

"Kung ganoon naman pala, 'wag kang mag-isip ng kung ano-ano."

Kinintalan siya nito ng halik sa labi pagkuwan ay muling niyakap ng mahigpit. "Stay with me."

"Oo na nga po, 'di ba? Paulit-ulit?"

Saka lang uli napangiti si Sovereign. "Mas okay na 'yong maliwanag."

The Billionaire's Secret | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon