"HINDI ka puwedeng umalis, Ate Zaf. Magagalit ang Lola."
Matapos ilagay ni Zafrina ang bag na dadalhin sa pag-alis kinabukasan sa kanyang walk-in closet ay saka lang niya hinarap si Zabrielle na nakaupo sa gilid ng kanyang kama. Hindi naman karamihan ang dadalhin niyang mga damit. Sa pupuntahan na lang niya siya mamimili.
"Si Lola? Zab, hindi ako hahanapin ni Lola."
Lumapit siya sa kama at umupo sa tabi nito. Pagkuwan ay humilata ng higa. Ang pinsan lang niya na si Zabrielle ang nakakaalam sa balak niyang pag-alis sa mansiyon. Buo na ang desisyon niya.
"Baliw ka ba? Hay!" kunway pinaypay ni Zabrielle ng kamay ang mga mata nito. "Masisira ang mascara ko sa iyo. Paanong hindi ka hahanapin?"
Sinulyapan niya ang pinsan. "Hindi mo naman sasabihin sa mga tao rito na aalis ako once na maghanap na sila, 'di ba?"
Napabuntong-hininga ito. "Bakit ka ba kasi aalis, Ate Zaf? Bigyan mo ako ng idea. Ayaw kong manghula sa bigla mong pasya na umalis dito sa Haciena Albajera."
Mula nang malaman niya ang balak ni Gino Ferrer ay buong isang linggo rin niyang pinag-isipan ang balak na pag-alis. Muli siyang umupo at matamang tinitigan ang pinsan.
"Ayaw kong magpakasal kay Gino. O, kahit ang ma-engage sa kanya. Alam mo naman na ayaw ko sa lalaking 'yon. Eh, ano kung mayaman siya? As if naman walang iniwang yaman sa akin ang mga magulang ko." Sa huli ay ikinuwento rin niya kay Zabrielle ang narinig niyang plano ni Gino noong birthday ng kanilang abuela.
Sa edad na twenty-four ay ayaw pa niyang lumagay sa tahimik. Pakiramdam niya ay napakabata pa niya para doon. Sigurado ring hindi tatanggihan ng abuela niya ang balak ni Gino. Si Donya Leore na sa edad na seventy-five ay postoryosang-postoryosa pa rin at siyang pinakabatas sa kanilang mansiyon.
Mula nang sumakabilang buhay ang kanyang mga magulang, noong sampong taong gulang siya, mula sa isang aksidente labing-apat na taon na ang nakakalipas sa Baguio ay ang Lola Leore na niya ang kumupkop sa kanya. Nag-iisang anak lang siya. Kaya naman kapatid na ang turing niya sa pinsang si Zabrielle.
Isa sa kinikilalang pamilya sa kanilang bayan ang pamilya Albajera dahil sa napakalawak na lupain na pagmamay-ari ng kanyang lola at sa mga negosyo nito. Sa gitnang bahagi ng hacienda nakatayo ang malaking mansiyon ng pamilya Albajera. Ang Tito Floro, asawa nitong si Tita Dina at tatlong mga anak ang kasama nila ng kanyang abuela sa mansiyon. Si Zabrielle ang bunso na twenty years old na. Ang panganay nitong mga kapatid na sina Franco at Florencio ang katuwang ni Tito Floro sa pagpapatakbo ng buong hacienda. Pangalawang anak ang kanyang ama na si Lion. Ang bunsong anak naman na si Tita Lily niya ay for good na sa Italy kasama ang pamilya nito.
"Kung narito lang sina Mama at Papa, siguradong hindi sila papayag sa gusto ni Gino." Kinilabutan na naman siya nang maisip ang balak ni Gino na surprise engagement nila.
"Guwapo naman si Gino, Ate Zaf," tumawa pa ito ng tingnan niya nang matalim.
"As if, siya lang ang guwapong nabubuhay sa mundo? I'm still young. Wala pa akong balak mag-asawa. Basta, buo na ang desisyon ko. Zip your mouth, Zabrielle Albajera."
"Okay. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Make sure na iingatan mo ang sarili mo." Ngumisi ito kapagkuwan. "Habang wala ka dito sa bayan natin. Sa akin na muna ang korona mo. Miss Goddess of Sagada."
Napatawa siya sa bansag na iyon sa kanya. "Iyong-iyo na."
"Saang sulok ka naman ng Pilipinas pupunta?"
May isang partikular na lugar siyang nais puntahan. May kalayuan nga lang sa Sagada. "Sa malayo." Napangiti pa siya nang hawakan ang naka-pendant sa kanyang kuwentas.
"Saan?"
"'Yong tinatawag nilang pinto ng Silangan." Sa Quezon province ang tinutukoy niya.
Mababakas ang pagkalito sa magandang mukha ni Zabrielle. "Pinto ng Silangan?"
Hinawakan niya ang kamay nito. "Sa ngayon hindi ko pa masasabi sa iyo, Zab."
Sumimangot ito. "Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Hindi sa ganoon. Ikaw lang ang pinaka-pinagkakatiwalaan ko sa lahat dito sa hacienda, Zab. Bukas ng gabi ako aalis. Si Furious ang sasakyan ko palabas ng hacienda," tukoy niya sa kanyang alagang kabayo. "Kunin mo na lang siya sa isang araw. Itatali ko siya sa may malaking puno ng mangga. I count on you, Zab."
Tumango ito. "Okay. Basta kapag umalis ka ay balitaan mo ako ng tungkol sa iyo."
"Iiwan ko ang cellphone ko," inporma niya. Mahirap na. Baka ma-trace pa siya kung nasaan siya kapag nagdala siya ng cellphone.
Napasimangot si Zabrielle. "Paano ang pera na gagamitin mo?"
"Nag-withdraw na ako. Dahil alam ko na once malaman ni lola na umalis ako, ipapa-hold niya lahat ng cards ko."
"Talagang planado mo na itong gagawin mo."
"I know right?" kumindat pa siya sa pinsan na ikinangiti nito.
Mayamaya pa ay nakarinig sila ng sunod-sunod na katok sa may pinto. "Señorita, ipinapatawag na po kayo para sa hapunan," anang kawaksi sa labas ng pinto.
"Susunod na po, Manang Aida," aniya. "Let's go, Zab," baling niya sa pinsan.
Sa nalalapit niyang pag-alis, hindi pa niya sigurado ang kahihinatnan niyon. Dahil biglaan ang lahat. Siguro naman ay hindi maiisipan ng kanyang lola na Pagbilao City ang lugar na pupuntahan niya. Huling tuntong niya sa lugar na iyon ay noong ten years old siya bago mamatay ang mga magulang niya. May bahay kasi ang Tita Lily niya, na bunsong anak ni Donya Leore, sa prestiheyosong village sa Pagbilao City, ang Valle Encantado Village. Pero nang manirahan ang pamilya nito sa Italy ay ipinagbili na ng mga ito ang bahay ng mga ito roon. Kaya kapag uuwi ang pamilya nito sa Pilipinas ay sa hacienda na naderetso ang mga ito. Isa sa hindi niya malilimutan ang lugar na iyon sa buong Pilipinas. Napakalayo nga lang mula sa Sagada.
"Ate Zaf, paano kaya kung may liwanag ka na lang umalis? Nag-aalala lang kasi ako na baka masyadong mababa ang ulap."
Inakbayan niya ang pinsan. "Magaling si Furious. Paglabas ko pati sa hacienda ay nakaabang na sa akin ang sasakyan ni Ella. Sa bahay muna niya ako magpapalipas ng gabi. Pero bago pumutok ang liwanag, aalis na ako."
"Si Ella Dela Vega?" kumpirma nito sa pangalan ng kaibigan niya.
"Hmmm."
"Good luck sa akin kapag nalaman nila na wala ang apo nilang mukhang babasaging kristal sa ganda."
Hindi niya maiwasang matawa sa sinabi nito. "Exaggerated masyado, Zab."
"Magagamit ko na ang tinatago kong galing sa pag-arte. Wala akong alam sa balak mong pag-alis, eh."
Pagdating nila sa komedor ay sila na lang ang hinihintay. Kinalma niya ang sarili nang maupo sa tapat ng kanyang pinsan na si Floro na kakuwentuhan ang kapatid tungkol sa kabayo nitong nanganak.
BINABASA MO ANG
The Billionaire's Secret | Published Under Lifebooks
Romansa#2 in Romance [ Highest Ranking in Romance Genre 07.11.20 ] A ROMANCE STORY WRITTEN BY JONQUIL