CHAPTER 3: JACQUELINE

7 0 0
                                    

Sino si Jacqueline?

Hay salamat, umabot din siya. Umabot nga ba? Hindi na mahalaga kung eksakto siya sa oras ang importante ay nakarating din siya sa wakas. Ang buong akala niya ay hindi na niya mapagtutuunan ng pansin ang sarili, akala niya wala nanaman siyang mailalaan na oras para sakaniya lamang, pero narito na siya ngayon at hingal na hingal.

Oo nakarating nga siya sa pinakahuli niyang destinasyon subalit hindi naman siya sinang-ayunan ng oras, eksaktong natapat ang mga kamay ng orasan sa ikalabing dalawang numero sa tuktok at nangangahulugang sarado pansamantala ang Office of Admissions gawa ng kailangan nilang mananghalian muna, at dahil hanggang ala-una ang pahinga kaya napagisip-isip muna ni Jacquie ang magpunta sa kapiterya hindi para managhalian kungdi para huminga naman kahit saglit lamang.

Hindi maliit ang Clarkengrave Maximillano University ng La Nueva del Norte, katunayan ito ang ang pinakaprestihiyosong paaralan sa buong bayan, dinadayo ng mga mararaming mag-aaral sa iba't-ibang bayan, probinsiya, at maging mga lungsod ng rehiyon at mga kalapit din na rehiyon. Bagama't hindi madaling puntahan marami namang mga direksyon na nakapaskil sa buong bayan kung paano makakarating sa paaralang ito gawa ng hindi siya kabilang sa mga sentrong gusali na nakaluklok sa kabisera at ang pagkakatatag ng estruktura ay pinili ng mga nagpatayo sa hindi masyadong pinupuntahang lokasyon sa La Nueva del Norte, pero sa mga sumunod pa na mga taon at panahon ay naging matunog na sa bawat isa ang pangalan ng unibersidad at dinayo na ng mga gustong matuto at matataas ang ambisyon.

Kung tutuusin ay mula sa gusali ng Admissions ay kinakailangan pa ni Jacquie ang sumakay ng E-trik upang makarating sa kapiterya. Gaya nga ng nakasaad, malaki ang unibersidad, ang buong pagkakatayo sa paaralan ay para bang isa ng tambalang lokasyon o maliit na bayan, at ang bawat establisyimento ay may klasipikasyon at naturang silbi. Tsaka na natin malalaman kung ano-ano ang mga silbi ng mga gusali sa paaralan, sundan natin ngayon si Jacquie na nakasakay na. Dahil nga sa mabundok ang bumubuo sa buong bayan kaya pataas at pababa rin ang daanan ng Unibersidad, paliko-liko at dire-diretso, taas, baba, ikot, at liko. Mahamog din at mapuno, maluntian ang paligid at kaaya-aya sa mata.

Tanaw na tanaw niya ang mga mag-aaral na palakad-lakad at nakapaligid sa Unibersidad na matatag, nakikita niya ang kaniyang sarili sa kanila na ang iba siguro ay iniisip ang kanilang kapalaran, papasa ba sila rito, o ito kaya ang eskwelahan na para sakanila. Mabilis ng kaunte ang takbo ng E-trik kaya naman ang hangin at lamig ay nakakasalubong din niya kaya minabuti niyang isara mabuti ang kaniyang cardigan na kulay pula.

Nang makarating siya sa Cafe by the Mounts ay minabuti niyang makabili ng kapeng hihigupin habang nagpapahinga matapos ang isang nakakahapong pagsisimula ng umaga. Ang kapiteryang ito ay isa sa mga nagsisilbing Cafe ng unibersidad, sa katunayan ang disenyo ng lugar ay hindi nalalayo sa estilo ng nakaraan, para bang late 50's o early 60s, pero mas tanyag dito ang puwesto sa balkonahe na kung saan makikita talaga ang mabubundok at mababangin na tanawin ng bayan. Naupo siya sa may bandang bakod balkonahe, at tsaka huminga ng malalim at napapikit, ito ang langit na pakiramdam ayon sa kaniyang karanasan, kung ganito ba naman ang madarama niya matapos ang umaga ay napakasarap naman pala sa pakiramdam, ang kaniyang kapaguran ay sulit naman.

Pero ano ba ang nangyari sa kaniya? Paano ba nagsimula ang kaniyang araw?

Alas-tres ng madaling araw:

"Gising...Ate...gising...Ate," nakatayo si Jocelyn sa harapan ng kaniyang ateng nakahimbing pa, tinatapik ang braso ng dalaga at punong puno pa ng enerhiya. Mas magandang tawagin siyang Joey gaya ng tawag sakaniya ni Ate Jacquie

Dahan-dahan pang namumulat ang mga mata niya at wala pang lakas sa pagtugon, "Joey...maaga pa, bat ba gising ka na?"

"Thr...three...three A.M. Three...A--A.M." ganiyan talaga magsalita ang batang babaeng ito, ang totoo niyan ay hindi normal ang kaniyang paglaki, sa madaling salita may komplikasyon sa pag-iisip.

AFTERTIMETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon