May pagpapahalaga sa oras ang bagong alkalde ng La Nueva del Norte.
Pagkababa niya sa hagdanang paikot ng kanilang mansyon ay gumulat sakaniya ang tatlong lalaking nakaunipormeng puting polo, nakatayo sila sa salas, seryoso ang mga mukhang naghihintay sa pagbaba ng Mayora. Hindi sila kilala ni Clarita.
"Sino kayo? Anong kailangan niyo?" may boses siyang malinaw at makapangyarihan, bihira lang sa isang babae. Nakataas ang noo, at ang mga mata niyang kulay bughaw-luntian na pinaghalo ay tila nanghuhusga na kaagad.
Sumagot ang lalaking nasa gitna, semi-kalbo ang buhok niya, may anyong maaasahan. "Magandang umaga po, Mayora. Kami po ang mga bodyguards na padala ni Donya Celeste para po sainyo." Pormal siyang magsalita.
"Bodyguards? Para sakin?" nagtataka niyang bulalas. Napabuntonghininga ang Mayora. Hindi siya nagpakita ng anumang pagkaligaya o pagtanggap sa kanila, sa halip ay tinalikuran niya ang tatlo at dali-daling nagtungo sa kanilang hapagkainan.
Siya ang simbolo ng tagumpay, ang mga imahe ng isang tunay na kapitapitagan at respetadong nilalang. Nang dahil sakaniya, tumaas ang tingin sa mga kababaihang tila ba'y hindi masyadong binibigyan ng pansin sa buong bayan. Sa rehiyon nila, siya ang hinahangaan ng bawat maybahay, ipinagmamalaki ng sanlibutan, at modelo para sa mga matataas ang hangad sa buhay na walang katiyakan. Tanging si Clarita Montelibano lamang ang itinuturing na pag-asa at hustisya ng munting bayan kaya matapang nitong patutunayan ngayon mismo sa pagsisimula ng kaniyang araw. At huwag ding kalilimutan, maliban sa pagiging isang mahusay na politiko, siya rin ay isang ina at maybahay na susubukang pagsabayin ang pangangalaga sa dalawang mundo, ang mundo ng mga buhay at mundo ng mga minamahal.
Ngayong araw na ito magsisimula ang kaniyang trabaho, ang kaniyang termino, subalit hinding-hindi ito magiging madali para sa isang alkalde, ibang usapan ang pagiging mayor kaysa pagiging isang bise-mayor. Marami siyang haharapin ngayon, tatlong tao para maging ispesipiko, subalit bago niya harapin ang mga ito ay lagi munang magsisimula ang lahat sa lugar na walang katulad. Tahanan.
"Art? Ano nanaman yang kalokohan ng Mama mo?" papalapit pa lang sa hapagkainan ay nagsasalita na siya. Hindi maligaya.
Seryoso namang nag-uusap ang asawa niyang si Art at ang isa sa kanilang drayber na si Kiko. Nagulat si Arturo Montelibano sa agad na pagdating ng kaniyang misis. "Ha? Di ko alam basta pinapasok ko na lang sila. Kilala mo naman si Mama, you can't just say no."
"Napag-usapan na namin na ayoko ng mga bodyguards," naiinis na tugon ni Mayora.
Dahan-dahan namang umalis ang drayber upang magkaroon ng privacy ang mag-asawa. Tumayo mula sa pagkakaupo si Art at nilapitan ang kabiyak. "Clarita, concern lang siya sa'yo after all ikaw na ang bagong mayor ng La Nueva sinisigurado lang niya na magiging safe ka lagi."
"Yun na nga, ako na nga ang mayor, bakit kinocontrol pa rin niya ko?"
"Kayo na lang ni Mama ang mag-usap, kayo naman lagi ang nagkakaintindihan eh." Hindi mananalo si Art kapag ganyan ang usapan kaya mas pinili na lang niyang tapusin at bumalik sa hapagkainan nilang bilugan, nagbasa nalang siya ng diyaryo at uminom ng kaniyang mainit na kape na parang di niya nagustuhan ang timpla, kulang kasi sa tamis.
Ang samahan ng mag-asawang Montelibano'y kinasanayan na nila magmula pa ng sila'y maikasal, pormal, minsan ay hindi maiiwasan ang alitan o hindi pagkakaunawaan, samakutuwid payapa naman silang nagsasama at suportado ang bawat hangarin o anumang naisin sa buhay-buhay --sadyang walang bakas ng anumang pagsinta o malambing na apeksyon na namamagitan. Kapag nasa labas at nakikita ng maraming tao ay asal mag-asawa pero kapag nasa loob ng bahay kagaya ngayon, normal na mga tao --magaling talaga pagdating sa taguan ang mga Montelibano ng panahong ito.
BINABASA MO ANG
AFTERTIME
Mystery / ThrillerThese are confusing times. Sa isang bayan na hindi matatwaran ang katahimikan at ang mahalumigmig na klima ay bumabalot sa buong kapaligiran, sisibol ang isang malaking tunggalian na puro anino't mga lihim ang nilalaman. Kaakibat ng misteryo at pag...