CHAPTER 6: STEVEN

5 0 0
                                    

Naririnig nanaman niya ang boses ng kaniyang ina sa labas. Galit ulit at may inaaway, wala naman ng nagbago kay Olivia Noble, basta lagi na lang siyang may hinanakit sa mundo, nasira tuloy ang pagpapahinga ni Steve sa kama, walang humpay kasi ang pagwawala ng mama niya. Sa malamang ay si Joaquin nanaman ang inaaway nito, ano pa ba? Nakamulat lang ang mata niya na nakatingin sa kisame ng kaniyang kuwarto, para siyang murit sa puwesto niya, sige lang; parang radyo lang na walang humpay ang salita ang pakikinig niya sa mga salita ng nanay niya sa labas...nang bigla siyang mapatayo mula sa pagkakahiga, nagulat siya, dahil parang hindi yata si Joaquin ang gineguera ni Olivia, kungdi si...lumabas siya agad ng kuwarto. Naroon sa salas ang kaniyang ina at lolo Jaime, kasama ang musika ni Frank Sinatra na tumutunog.

And now, the end is near

And so I face the final curtain...

"Ikaw! Ikaw na matanda ka kahit kailan wala ka na talagang dinala sa bahay na to kungdi puro kamalasan!" Si Lolo Jaime pala ang pinagbubungangaan ngayon ni Olivia, ang matandang nakaupo sa kaniyang tumba-tumba na umiilag sa mga salita ng kaniyang manugang. "Dapat nung nawala ka sa bayan na 'to di ka na lang bumalik, ang kapal mo talagang matanda ka!"

"Ma?!" pasigaw at bigla-biglang bulalas ni Steve na eksaktong kakalabas ng kaniyang kuwarto at nagtungo agad sa sala, "anong nangyayari bakit mo inaaway si Lolo?"

"Eh napakalaking tarantado ng lolo mo eh, nakita mo yang lapag, punyeta siya! Kinalat ba naman yung pagkain niya, o ako ang maglilinis?!" galit na galit si Olivia Noble, parang walang sinuman ang makakapagpatahimik sakaniya. "Sana natuluyan ka na lang talaga nung nahanap ka dito, alam mo ba yon ha?! Dapat natuluyan ka na lang!!!..." kasabay ng mga masasakit na salita ang panunuro ng hintuturo niya sa noo ng matandang sensitibo.

Agad na umawat si Steve, pinigilan niya ang Mama niya na pagturu-turuin si Lolo Jaime. "Ma, tama na please! Hindi naman na alam ni Lolo ang ginagawa niya eh! Asan ba kasi si Manang Violy?"

"Hay! Isa pa yan bigla biglang nawawala, nasa bayan daw bumili ng mga kung ano-anong anik-anik! Nakakapang-ubos kasi ng pasensya yang lolo mong inutil at sintu-sinto eh!" Naawat naman na siya ngayon at iniwan na lang ang salas, nagtungo siya sa hapagkainan na medyo malapit lang din dito at uminom ng isang basong tubig para mahimasmasan.

"Sige na, Ma, ako na po ang maglilinis ng sahig, huwag niyo lang saktan si Lolo," tugon naman ni Steve na, aminin man niya o hindi, nainis siya sa sarili niyang ina. Ganito ba ang nangyayari nung wala siya? Napaisip ang utak niya ngayon, grabe naman pala si Olivia, walang sinisino-sino kahit matanda ay kayang-kaya niyang awayin.

Kakalunok ni Olivia ngayon ng tubig, nabasa na rin ang lalamunan kaya may lakas na uli siya para dumada, "Hayy!!! Buisit na buhay, oo!" sa mesa naman ay nakalapag ang kaniyang pampagaan ng kalooban, sa tuwing mag-aaway sila ni Joaquin o kaya naman ay iinit ang ulo ito lamang ang kaagapay niya lagi, yosi.

Kasalukuyan naman ngayon na nililinis ni Steve ang sahig habang si Jaime naman ay medyo kalmado na rin ang diwa na nagpapatumba-tumba sa kaniyang upuan. Mukhang nakuha na rin ni Olivia ang kapayapaan dahil sa sigarilyo niya, at sa wakas naalala din nito na kauuwi lang ni Steve sa araw na ito, ang tanging minamahal niya sa bahay na ito, lumapit siya rito at saka kinausap, bilang isang ina.

"Steve, anak," payapang tono ng boses ang mayroon siya ngayon kumpara naman sa kanina, "pagpasensyahan mo na ang Mama mo ah, oo pala kararating mo lang, ngayon na nga lang tayo nagkita naabutan mo pa kong imbyerna, yung mga tao naman kasi sa bahay na to eh, mga huklubang ewan, mga walang kwenta...ikaw na lang ang nagpapalakas ng loob ko para makahinga rito, siguro kung hindi ka pa umuwi ngayon baka...baka nilayasan ko na 'tong Nobledown Point, actually hindi, baka itong buong bayan na ang nilayasan ko." Tapos ay hithit at buga ng usok.

AFTERTIMETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon