Nagmistulang makulay ang Oval ng unibersidad. Ang malawak na damuhang tanawin o field ay halos pinatatayuan ngayon ng mga tolda at pavilion na iba't iba ang mga disenyo't kulay, hugis at taas, kalidad at lawak, karamihan ay nakatatag na habang ang ilan ay binubuo pa lamang ng mga mag-aaral. Dumadagdag din sa kaaya-ayang mga nakikita ang mga bandiritas na kasalukuyang sinasabit ng mga kalalakihan na nakatungtuong sa mga akyatan. Bawat gilid ng mga tent at tolda ay nakatusok ang mga maninipis na poste at nakasabit ang mga watawat na kulay ginto at may burdang leon na kulay maroon habang nasa tuktok ang agilang kulay dugo, ang sagisag ng Unibersidad. Mukhang piyesta ata, pero hindi, ngayon ang pagdiriwang ng Araw ni Paciano Maximillano, ang isa sa dalawang nagtatag ng Clarkengrave Maximillano University, at may programa mamayang takipsilim hanggang dilim kaya abala ang mga tao ngayon dito, nag-aayos, nagpapaganda ng mga tolda, at ang ilan ay nanguusyoso lang, halo-halo lahat, mag-aaral, guro, kawani, at marami pa sila rito.
Kahit na marami-rami at hitik sa mga pavilion ang buong Oval ay nagtira pa rin sila ng isang maluwang na espasyo sa pinakagitna, parihaba ang sukat, nakaluklok dito ang isang entabladong kinasasadlakan ng mga instrumentong pambanda at mga mikropono, kasalukuyan itong inaayos ngayon ng mga naatasan. Tunay ngang handang-handa na ang lahat para sa pagdiriwang mamayang gabi.
Ang mga pavilion na nakapaligid ay siyang magsisilbing mga booths na nakauri sa iba't-ibang tema, tiyak kagigiliwan ng mga mag-aaral sa elementarya, mataas na paaralan, at maging mga kolehiyo --kung nanaisin pa nila pero sa malamang sa sayawan sila mamaya. Doon sa bandang kalahati ng Oval, sa kaliwang bahagi kung saan ang bawat tent ay may mga saranggolang nakasabit sa tuktok ng bubungan at diretso ang tayo sa himpapawid, ito ang pangakt ng HISTORICAL BOOTH AREA. Kapansin-pansin ang isang nakatatag na pavilion doon, matayog ang taas, parisukat ang hugis, maluwang ang espasyo, guhitang pula at puti ang kulay, at sa pintuan ay may dalawang sulo na hindi pa inaapuyan ang nakatayo. Pasukin natin ito at dalawin ang mga nasa loob.
Maluwang ang espasyo rito, pinalatagan nila ito ng karpet na kulay abo upang hindi maapakan dito ang mga basang damo. Sa kaliwang sulok ay nakatambak ang mga mesang hindi pa ayos, mga paso't banga, at ilan pang mga dekorasyon na wala pa sa pagkakaorganisa. Mayroong bilog na mesa naman sa bandang kanang sulok, punong puno ng mga litrato't kuwadro o picture frame. Karamihan ay puti at itim ang kulay, mangilan-ngilan naman ay nangungupas, mga litrato kasi ito ng mga makasaysayang nakuhanan sa pagkakatatag ng unibersidad. Abala ang dalawang babae na nakaupo at inilalagay sa loob ng kuwadro ang mga imaheng nakakalat, mga dalaginding pa.
Kasabay ng pagiging abala ay ang tugtugin na pinakikinggan sa cassette player na walkman, nakalapag din sa mesa. Awitin pa ni Carole King.
Tonight you're mine completely
You give your love so sweetly
Tonight the light of love is in your eyes
But will you love me tomorrow...
"So bakit nga ba natin ito ginagawa?" pareklamong tanong ni Gretch na may hikaw na bilugan at high top ang ayos ng buhok.
"Kasi saatin napunta ang assignment para sa gallery booth ng historical area," abala sa pagtratrabahong itinugon ni Sarah Argos. Nakasweater siyang may mahabang manggas na bahaghari ang disenyo na naka tucked in sa kaniyang denim skirt.
"Wala nakong masabi, Sarah Argos, matalino na, masunurin, at, masipag pa, pwede ka ng mag-asawa," pagbibiro ni Gretch na kanina pa inip na inip.
Hindi nagkamali ng sinabi si Gretch, talagang matalinong babae ang kapatid ni Rafael Argos, makatuwiran, at modernong estudyante talaga ang dating --sa kaisipang intelektwal, oo, pero sa kilos ay dalagang Pilipina pa rin. Maputi at makinis ang kaniyang balat, tila isang gatas na puro at matamis; ang kaniyang mukha ay maganda sa pagkakahugis, ang buhok niya simple lang ang estilo na hindi lalagpas masyado sa kaniyang balikat, matangos ang ilong, natural lang ang labi, at may taglay na kagandahan na tanging sa pamilya lang niya makikita; kapansin-pansin din sakaniya ang kaniyang luntiang mga mata, bihira lamang yan. Simple lang kung pumorma si Sarah Argos, hindi siya nahumaling sa mga usong bihis sa panahong ito, ang tanging gusto lang niya ay mga bagong libro, matuto sa kalakaran, at maging isang mabuting mag-aaral sa kolehiyo. Madalas siyang kainggitan ng karamihan dahil hindi kakayanin ang bilis ng kaniyang utak, malalim din kung mag-isip at laging natutumbok ang tama. Oo, nasa kaniya na ang lahat, maganda, matalino, mayaman, mabait, tanyag, subalit wala namang katuwang pagdating sa romansa't pag-ibig, ang pakiramdam nga ng marami ay tatanda siyang dalaga sapagkat sobrang mapili sa binata, may mga nanliligaw sakaniya subalit hindi kayang maabot ang pamantayang kaniyang inilatag kaya sumusuko na lang sila sa huli.
BINABASA MO ANG
AFTERTIME
Mystery / ThrillerThese are confusing times. Sa isang bayan na hindi matatwaran ang katahimikan at ang mahalumigmig na klima ay bumabalot sa buong kapaligiran, sisibol ang isang malaking tunggalian na puro anino't mga lihim ang nilalaman. Kaakibat ng misteryo at pag...