Hindi ko masabi kung maggagabi na ba at lulubog na ang araw o maghahatinggabi na at malapit na niyan sumikat ang araw. Ang tiyak ko ay madilim na ang kalangitan, ang mga bituin sa langit ay kumukutikutitap na parang mga bubog na nagkalat. Tahimik ang paligid, walang kaingay-ingay, at mas nakakapanindig balahibo ang katahimikan kapag di nanaisin ang oras.
"Hindi magiging tama ang mali kung mali rin ang paraan para gawin itong tama." Iyan lang ang tanging ingay o boses na maririnig, kabado, walang kasiguraduhan, natatakot.
Sa puntong ito maganda ng malaman natin na may tao sa sandaling ito, nag-iisa lamang siya sa isang malaking silid na punong-puno ng kagamitan, makalat, at hindi maintindihan kung ano ang mga gamit na ito. Kulay kape ang paligid, mula sa pader, lapag, mga istante't aparador, lamesa't upuan at kung ano-ano pa, tila ba'y gawa sa kahoy ang karamihan.
Bakit kaya siya nag-iisa? Kahit ako di ko rin alam kung bakit nga ba, siguro dahil sa gusto niyang mapag-isa, sa mukha pa lang niya para bang sisigawan niya ang sinumang iistorbo sakaniya. Bakit siya takot? Ang sigurado ako ay dahil sa mga tumatakbo sa isipan niya kaya ganyan na lamang ang kaniyang imahe sa mga oras na ito.
"Sinusundan ko lang ang mga boses pero hindi ko alam na aabot pala to hanggang sukdulan."
Siya nga rin pala, maliban sa boses niya at hininga ay maririnig din ang kamay ng orasan na walang tigil sa pag-ikot ang segundo at walang humpay sa tunog na binibigay. Kung kaya lamang ng taong ito na ihinto ang ingay ay nagawa na niya ngunit paano nga ba papatigilin ang oras? Iyan ang pinakaimposibleng bagay para sa karamihan, ang oras oo, pero ang orasan? Isang palaisipan.
Pinaiilawan ang silid ng mga lampara na mayroon ng mahinang kapangyarihan subalit mapagtiyatiyagaan pa naman ang liwanag na dulot nito kahit papaano, nakalapag sila sa mga mesa na magkakalayo ng puwesto. Sa gitna ng malawak na kuwarto ay ang kinaroroonan ng isang parihabang lamesa, nakakalat ang mga aklat, papeles, lapis at pluma, at mga liham na may mga sulat na hindi maintindihan. Mayroon ding lamparang malaki at upuan sa likuran na animo'y maliit na bersyon ng isang trono, at dalawa pang silya na magkaharap sa bandang harapan ng mesa. Malinaw na ngayon na ang silid ay isang opisina. Opisina ng alin? Opisina ng taong ito.
Sige, hulaan natin kung sino siya... Ilalarawan ko.
Sa itsura niya ay para lamang siyang isang pigyurin sa loob ng kaniyang silid, ni hindi man siya umabot sa tangkad ng mga aparador at pintuan niyang may magandang pagkakaukit ng mga salitang Griyego, malawak ang kuwarto pero para lamang siyang elementarya, kaya malamang pandak ang taong tinutukoy ko, walang espiritu ng tangkad na sumapi sa kaniya. Subalit hindi siya unano, maliit lamang talaga siya at siguro'y nasa lahi na nila. Kayumanggi ang kaniyang kutis, mabalahibo, ngayon ay para bang nagsisitaas ang mga ito, hindi naman siya nakakaramdam ng tawag ng kalikasan ngunit kinikilabutan siya.
Dumako tayo sa mga mata niya. Haos naninilaw na rin ang kaniyang instrumento sa paningin, katunayan ay gamit niya ngayon ang kaniyang salamin na para bang mababasag na kapag nagkamali ng lapag o pag bumagsak, sobrang taas ng grado at di pangkaraniwan ang komposisyon ng pagiging babasagin, talagang purong puro ang kristal na ginamit upang maging salamin ito. Patunay na mayaman siya. At ang hindi rin maipagkakaila ay kahit gaano man kalaki ang salamin na suot niya ay hindi maitatago ang nangingitim na kulay sa baba ng kaniyang mga mata, alam natin ngayon puyat ang mayroon sakaniya.
Sa buhok naman niya ay halos mamuti-muti na rin, at naglalagas pa ng unti-unti. Hindi rin natin masisisi dahil sa dagok na pinagdadaanan niya na hindi naman ganun kalinaw sa atin kung ano yon. Maikli lamang ito pero mahaba ang patilya, maganda ang porma kapag naayusan subalit sa sitwasyon ngayon ay nagsabog-sabog ang mga hibla.
Ang kaniyang mukha ang magpapaliwanag kung sino ba talaga siya. Nagkakaguhit na ang kaniyang noo, at mayroon ng butlig-butlig sa mukha. Sobra na ang pagod at pagkalugmok niya, napabayaan na talaga niya ang kaniyang sarili, maging mga bigote't balbas niya ay nagsisiputian na. At oo, ang tinutukoy ko na taong ito ay isang lalaki. Marahil ay nasa edad na siya na singkuwenta pataas. Hindi dapat ganito ang itsura niya kahit matanda na, may malalim na dahilan. Ata.
BINABASA MO ANG
AFTERTIME
Mystery / ThrillerThese are confusing times. Sa isang bayan na hindi matatwaran ang katahimikan at ang mahalumigmig na klima ay bumabalot sa buong kapaligiran, sisibol ang isang malaking tunggalian na puro anino't mga lihim ang nilalaman. Kaakibat ng misteryo at pag...