KABANATA 13: JOAQUIN

5 0 0
                                        

"Ma, pinoprotektahan lang kita," sawang-sawa na siya na ulit-ulitin ang mga paalalang ito sa kaniyang ina, ilang beses na lamang niyang pinapaalala at ngayon ay nangyari nanaman, "nawawala na si Papa, gusto mo ba pati ikaw mawala rin?"

Pinapainom pa ni Olivia si Jesusa Noble ng malamig na tubig, dahan-dahan nitong tinatanggap ang tubig pababa sa lalamunan bago pa nakasagot ng malinaw. "Baka alam niya kasi kung nasaan ang papa mo," humihikbing sagot ng bagot na nanay ni Joaquin.

Napakamot sa kanang tainga si Joaquin kasabay ang isang naiiritang pagpikit. "Heto nanaman kami! Eh ultimo nga yung basurero na pumipick-up ng basura jan sa labas ineenterrogate niyo eh, wala rin namang nagyayari! Wala ngang may alam kung anong nangyari o saang lupalop pumunta si Papa! Wala!"

"Joaquin!" mahinang pagsuway ni Olivia sa matalik na kaibigan. "Tita, mas mabuti pa siguro kung magpahinga muna kayo sa kuwarto niyo, tara hahatid ko po kayo," maglang niyang sinabi kay Jesusa na lugmok pa rin ang mukha at tuyong tuyo na ang luha. At inalalayan ng dalagang Olivia ang ina ni Joaquin, dahan-dahan sa pagtayo at paglakad.

Pansamantalang naiwan mag-isa si Joaquin sa comedor, naupo siya at mahinang sinuntok ng kamao ang mesa nilang gawa sa kahoy. May mukha siyang pikon na pikon, nagngingitngit sa galit ng kalooban. Wala ng nabago sa araw-araw na ginawa ng Poong Maykapal, bawat umaga ay laging nagtatalo ang mag-ina, sa oras na magkakaharap sila sa salas o sa hapag hindi pwedeng hindi magkaroon ng diskusyon patungkol sa ama at asawang nawawala. Mabuti na lamang at napadaan si Olivia sa Nobledown Point at siya ang namagitan sa oras na ito, kung wala siya sa malamang nagsigawan nanaman ang mag-ina.

Hindi pa rin kasi matanggap ni Jesusa Noble na may nagkukulang sa bahay na ito, walang kabakas-bakas ang pagkawala ng asawa niya, ni hindi man lang alam kung buhay o patay na. May isang linggo na ang nakaraan ng maglahong parang bula sa kalawakan si Jaime Noble, at sa sobrang pagmamahal at debosyong ibinigay niya sa kabiyak ay maging ang sakit, pighati, at buhos ng nakaririmarim na damdamin ay sumobra rin dahil sa nangyari, kaya parang wala siya sa katinuan, hindi nakakapag-isip ng matino, at parang papunta na sa pagkamurit; ang totoo ay ilang beses ng kinausap ng ilang mga kakilala ang anak nitong si Joaquin na kung maaari ay dapat ng dalhin sa doktor ang ina niya o kaya naman hayaan na ang pasilidad ng mga taong nangangailangan ng pangangalaga sa kaisipang mental ang mag-alaga rito, subalit hinding-hindi ito magagawa ni Joaquin Noble, walang dahilan upang pabayaan niya ang nanay niya, silang dalawa nalang ang magkaramay at hindi na pwedeng maghiwalay, kaya si Joaquin na ang bahalang magdisiplina sakaniya.

Malaki ang pagkakaiba ni Joaquin kay Jesusa. Mas piniling ipagpatuloy ng binata ang buhay kesa matulad sa inang mukhang hindi nasisinagan ng araw. Kung umasta siya ay akala mo nakalaya at nabuhay ng sa paraang kaniyang pinakaaasam. Ni minsan kasi ay hindi nakita ng mga tao na magkasundo ang mag-ama, walang pakialaman, walang pansinan, walang apeksyon bilang magkadugo, kaya hindi masisisi ang binatang Joaquin kung bakit tila ba'y wala siyang pakialam sa pagkawala ng ama pero hindi yun pwedeng maging dahilan upang ibaon sa limot ang tatay. Sa katunayan ay nag-aalala rin siya, natatakot na baka ano na ang nangyari sa papa niya, maaaring nadukot o kaya naman ay pinatay, hindi yan nawawala sa isip niya. Subalit nagiging dahilan naman upang mabanas ang binta ay ang mga hinala rin na baka lumayas o kaya, masaklap nambababae pala si Jaime. Ang kabuuan ay walang ideya talaga si Joaquin, walang sapat na makakapagpatunay sa nangyari kaya heto siya ngayon, ipinapakita na matatag siya at walang pakialam, tuloy lang ang buhay, tuloy lang ang ikot ng mundo at pagtanggap niya sa oras.

May bahagi rin naman si Olivia sa mga buhay-buhay nila, kahit na hindi siya kadugo o kapamilya ng mga Noble ay walang mintis ang pagtulong at pag-alalay niya sa mag-ina. Kilala si Olivia Mendez bilang pinakamatalik na kaibigan ni Joaquin Noble, laging magkasangga, magkatulong sa hirap at ginhawa. Malapit din ang puso niya para kay Jesusa Noble, para na niya itong ina subalit hindi nagkaroon ng kahit anong koneksyon o interaksyon man lang sa nawawalang Jaime. Tumutulong din siya sa paghahanap o pagkalap ng mga detalye na maaaring makapagturo sa nawawalang ama ng matalik na kaibigan, hinding-hindi siya mapapagod sa kabibigay ng tulong at pabor sa pamilyang ito. Isa pang nakakatuwang katangian ng magkaibigan ay kung sino ang kaaway ng isa ay siya ring kaaway ng isa, walang sinasantong tao si Olivia kapag may kumalaban sakaniya o kaya kay Joaquin, sa totoo lang ay tugmang-tugma talaga sila ng binata, bayolente at matapang na tao si Joaquin samantalang mataray at palaban naman ang dalaga. Sila ang mga madalas katakutan sa kanilang pinag-aaralan.

AFTERTIMETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon