MEMORIES

6 1 0
                                    

Kalakip ng mga bituin ngayon sa kalangitan ang bilang ng mga ala-alang kay sarap o kay pait kapag binalikan. May mga ala-ala na mas naaayong ibaon ng todo sa limot, mayroon namang nakapagbibigay ng tuwa at pagkagalak, minsan nakakapagpahinayang, at karamihan ay may kasamang mga aral sa buhay. Ngayon ang tinatawag na Gabi ng Ala-ala, memories. Masasagot ang ilang mga katanungan.

Walang nagbago sa timpla ng araw ni Alex, inabutan na ng gabi at ang pananaw pa rin niya sa araw na ito ay puro pasakit at bigat ng kalooban, hindi natin siya masisisi, lahat na lang ng tao sa paligid niya ay nagpupumilit na normal lang ang kani-kanilang buhay subalit alam niya ang totoo at ang hirap kimkimin ng mga lihim na palihim niyang nabunyag sa sarili. Nakarating siya ngayon sa Bosque del Alma, nag-iisa, matapang, walang kinakatakutan dito mismo sa papasok ng ipinagbabawal na kagubatan.

Ang daan patungo sa gubat na ito ay madali lang naman puntahan --para sa mga taga-rito. Munting bayan lang naman ang La Nueva del Norte kaya ang mga pasikot-sikot patungo rito ay mabilis lang matutunan basta sundan ang mga direksyon. Nasa may bandang hilaga ng bayan ang Bosque at ito rin ang bahagi na hindi masyadong matao, taging ang pamahalaan lang dito ang may karapatan para pasukin ito. Paliko-liko ang daanan, halos puro zigzag kaya nakakahilo para sa mga nagmamaneho papasok; mabato rin ang daan na binubuo naman ng kulay kape't pulang lupa; sa paligid naman ay mga halo-halong mga puno't halaman, karamihan ay mga puno ng pinya, iba naman ay molave, at iba pang uri ng mga puno; madamo rin sa paligid ng daanan dahil ito ang panimula at bumubuo sa buong Bosque del Alma.

Hindi naman nahirapan kahit papaano si Alex nang siya'y dumadaan dito sapagkat may mga pailaw na nakahilera sa daan, mga lamp post na antigo ang anyo pero gumagana pa naman. At dahil rin sa ipinagbabawal ang pagpasok kaya ang tanawin sa gilid ng daanan ay nakaalambreng pabakod at hinding-hindi pwedeng pasukin ng kahit sino. Malakas lang talaga ang loob ni Alex kaya naririto siya ngayon.

Maaaring pagtakahan ng marami na, oo, pribadong lugar ito at bawal pasukin subalit tinutungo ngayon ni Alex, wala kayang nakatagong mga CCTV rito? O kaya may mga tauhan na nagbabantay? Ang sagot ay wala, dahil sa mga nagdaang panahon na kinatakutan at iniwasan ng marami ang pagpunta rito, at maging ang mga magulang ay walang palya sa pananakot nila sa mga anak nila tungkol sa gubat ay wala na talagang magtatangka na bisitahin pa ito, kahit sino hindi gugustuhin na itapak ang paa rito, kaya kampante lang sila Mayor Pat na hindi magagambala ang pribadong gubat.

Sinigurado rin ni Alex na may pailaw siyang dala, gamit ang kaniyang telepono, pinailawan niya ang daanan niya dahil mahamog at baka wala siyang makita, baka magkulang din kasi ang liwanag na dulot ng mga posteng-lampara. Saan nakakakuha ng tapang ang babaeng ito? Napakaimposible na sa itsura pa lamang ng pasukan at daanan ay hindi pa matatakot ang dalaga, sa totoong buhay ay walang nakakagawa ng mga ganito, pwes ibahin si Alexandra Ann Argos lalo na kapag sagad na sagad ang pasensya niya, wala itong kinatatakutan, kahit pa ang dilim at lamig ay hindi uubra sa tapang niya. Kesa naman mabulok sa problema sa bahay ay mas gugustuhin na lang niya magadventure ngayong gabi, kahit na tangging-tanggi pa siya kanina.

Kung tutuusin ay kinain lang niya ang mga sinabi niya kanina. Kesho delikado raw at pribado ang lugar, baka mamaya may mga delikadong tao na naninirahan dito, o kaya naman ay mapahamak sila, minsan ay kung ano ang madalas ibulalas ng mga bunganga natin ay siyang kabaliktaran sa ating isipan; magaling ang tao sa pagdadahilan ngunit hindi naman sila magdadahilan kung walang basehan at ang mga basehan na yan ay mga bagay na gustong-gusto rin naman nilang subukan. Sa ganitong paraan ay marunong siyang sumugal. At sabi ng isipan niya ngayon ay walang panganib sa gubat, walang-wala.

Sa kasalukuyang oras ay huminto na sa pagbibisikleta si Alex, nangangahulugang narating na niya ang destinasyon, mahigit ilang minuto rin ang byahe niya bago nakarating dito. Sa paligid na medyo mas nagtataasan ang mga puno, halaman, at palumpong ay gumigitna ang isang trangkahan o gate, nakakandado ito ng matindi, talagang sinigurado ng mga may kontrol sa gubat na walang sinuman ang pwedeng makapasok. Paanyong bakod at rehas naman ang mataas na trangkahan kaya makikita pa kung ano ang nasa looban, katuloy ito ng daanan at kapag pinagpatuloy pa ang lakad ay narating na ang papasok sa puso ng kagubatang masukal.

AFTERTIMETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon