We've only just begun to live
White lace and promises
A kiss for luck and we're on our way
(We've only begun)
Palakas ng palakas ang tugtugin sa loob, at awitin ng Carpenters.
Iba't-ibang mga ngiti, postura, tindig, at tingin ang binibigay ng mga nagsisipagdating sa mga kamera na ang mga flash ay kung saan-saan nanggagaling. Magagarbo ang mga suot, talagang pinaghandaan ng mga panauhin ang gabing ito, ang fundraising event na pinamumunuan ng mga Montelibano.
Dito pa lamang sa may bandang entrada ng Summer Garden ay sari-sari na ang mga tao, nagkukuwentuhan, naghihintayan, ang iba naman ay naninigarilyo, at ang karamihan ay gusto lang magpapansin sa iba pang mga dumadalo. Engrande ang pagkakaayos ng pasukan, magmula sa mga pailaw na nakakalat sa mga puno't halaman, at pulang alpombrang nakalatag sa hagdanan paakyat patungo sa pangunahing kaganapan na siyang lalakaran ng mga panauhin. Tunay ngang makulay at metikuloso ang gabing ito.
Minu-minuto ay may mga sasakyan na dumarating, bababa ang mga magsisipagdalo at ipapaubaya ang mga susi sa tauhan ng pagtitipon at sila na ang bahala na igarahe ang mga ito. Nasa paligid naman ang mga guwardiya na nagpapatrol, nababantay, at sinisigurado ang kapayapaan sa lugar. Maingay sa bahaging ito, halos maghalo-halo ang mga usapan ng mga tao rito.
Doon naman sa baba ng hagdan, ang hagdanang papasok sa pagtitipon, nakatayo ang isang babae at lalaki na tumatanggap, nang-iistima, at sumusuri sa mga dadalo, isa roon ay si Jacquie na talaga namang bukod-tangi ang kagandahan ngayong gabi, kasama niya ang isang lalaki na mas may edad sakaniya, sanay na sanay sa gawain, at mas nilalapitan ng mga papasok, siya si Sir. Jovanne, pero mas ikatutuwa niya kapag Ma'am ang itinawag sakaniya. Kakaiba ang anyo ngayon ng dalaga, naturalesa niya ang kagandahan pero hindi niya inakala na mas gaganda pa siya sa suot at ayos niya ngayong gabi; nakabestidang kulay lila na hindi masyadong lalagpas sa tuhod at medyo naka-off shoulder, may suot na sapatos na takong at terno rin sa kaniyang suot, ang kaniyang buhok naman ay nakalugay na may kaakit-akit na pagkakulot, at nakasuot ng mga alahas na pinahiram ni Ms. Jade; dala rin niya ang ngiti, maamong mga mata, at magalang na pananalita sa pagtanggap at pag-istima ng mga dumadalo. Kasama niya si Sir. Jovanne na nasa edad na 28, nakapormal na Amerikanang kasuotan, mataba ng kaunti, at may nakakaaliw na boses at pananalita, magkasundo ang dalawa habang sabay na binabati ang mga panauhin, mas marami lang talaga ang lumalapit sa lalaki o binabae dahil mas kilala siya ng nakararami 'pagkat tanyag din sa buong bayan, wala rin namang kaso ito kay Jacquie sa katunayan ay mas ayos na rin daw yun upang hindi siya mapagod na magsalita sa buong oras.
Dahil nga sa fundraising event ang gabing ito kaya halos may mga edad at mga matatanda na nga ang mga nagsisipagdating, iilan lamang ang mga bata-bata at mura ang edad, mabuti't sanay siya sa pakikitungo sa mga ganitong personalidad. Karamihan ay mga opisyales, kawani ng bayan, mga mabababang mangangalakal at marami-rami ring mga negonsyante't miyembro ng non-governmental organizations. Ilan sa kanila ay nginitian ni Jacquie, sinagot ang mga katanungan, at binigyan ng matamis na pagbati. Walang duda, mahusay siyang bumati, puno ng paggalang at propesyunalismo, medyo nataranta lamang siya nang dumating ang mga magulang ni Rocco, nanumbalik sa kaniyang ala-ala na hiwalay na nga pala sila ng lalaking iyun pero hindi yun naging hadlang upang ibahin niya ang timpla ng kaniyang pakikitungo, buong galang niyang binati ang dalawa, nginitian, at itinuro ang direksyon na kanilang uupuan, wala rin namang kaso sa mga magulang ng kaniyang ex at maayos naman na nakalampas sakaniya. Nang matapos ay para bang nabunutan siya ng tinik, mabuti't di na siya naintriga pa.
BINABASA MO ANG
AFTERTIME
Mystery / ThrillerThese are confusing times. Sa isang bayan na hindi matatwaran ang katahimikan at ang mahalumigmig na klima ay bumabalot sa buong kapaligiran, sisibol ang isang malaking tunggalian na puro anino't mga lihim ang nilalaman. Kaakibat ng misteryo at pag...