ALEX POV
Good morning earth, universe, galaxy!!!!!
Iyong saya ko ngayon, umaabot hanggang sa kalawakan. Sino ba naman kasing hindi matutuwa? Umalis ako ng Marinduque na nasa isip ay magtrabaho. Doon palang, tanggap ko na sa sarili ko na bibilang pa ako ng ilang taon bago muling makapag-aral. Pero ngayon, hindi lang trabaho ang nakuha ko. May trabaho na ako, makakapag-aral pa ako. Sinong hindi matutuwa doon? Mabait yata talaga ako para makatanggap ng maraming blessing.
"Ate, ang aga mo namang gumising. Alas-tres pa lang ah," ina-antok pang sabi ni Elsa habang kinukusot ang mata. Tiningnan ko ang orasan na nakasabit sa taas ng pinto. Alas-tres pa nga lang. Masyado akong excited kaya sobrang aga kong nagising.
"Okay lang. Matulog ka na lang ulit. Gigisingin na lang kita mamaya," sagot ko dito.
"Sige po Ate," sagot nito at muling natulog.
Pagkatapos kong maghilamos ay inihanda ko na ang susuutin ko. White t-shirt, black jeans and white sneakers. Astig ng pormahan ko, 'no? Para sa iba, ang baduy ng suot ko. Pake pake nila? Mas komportable ako dito at mas maganda ito para sa akin. Kesa naman doon sa halos labas na ang kaluluwa.
Pagkatapos nagpunta na ako sa kusina para magluto ng agahan. Sobrang aga pa man, pero mas okay na iyon. Magluluto din kaya ako ng pangbaon sa school? Pero, may cafeteria naman sa mga University tulad ng sa mga palabas sa t.v. At sure akong hindi magbabaon ang alaga kong iyon. Mayaman naman sila kaya sa cafeteria iyon kakain. Pero ako, kailangan kong magtipid, ibinigay na kasi ni Ma'am Sam iyong 5,000 allowance ko sa buwang ito.
Ano kayang pwedeng baunin dito?
Tiningnan ko ang laman ng ref nila. Ang daming laman.
Pwede bang lahat na lang ito? Hahaha joke lang. Hindi naman ako ganoon katakaw. Pero malapit-lapit na rin sa ganoon.
French fries na lang. Mukang masarap kasi. At tsaka, bibigyan ko na rin ang lalaking iyon. Mukang favorite n'ya kasi. Kahapon kasi ay humingi na naman sa akin at binantayan talaga ang pagluluto ko. Baka daw kasi lagyan ko ulit ng chilli powder iyong ketchup.
Niluto ko na ang French fries at nagsalang na rin ako ng sinaing saka hinanda ang lulutuing ulam. Nang matapos maluto ang French fries, hinati ko ito at inilagay sa maliit na tupperware saka itinabi.
"Oh Alex, ang aga mo naman nagising." Napalingon ako kay Nanay Melba. Gising na rin pala siya.
"Excited lang po ako," nakangiting sagot ko. Sobrang excited.
"Tapos ka na bang magluto?"
"Malapit na pong maluto itong adobo," sagot ko naman at hinalo ang niluluto ko. Hmmmm.. Ang bango talaga.
Nang ala-sais na ng umaga ay inihanda na namin ang agahan. Nakaligo na rin ako at ready nang pumasok. Gusto ko ng ngang pumunta na doon kahit ganito pa kaaga.
Mayamaya pa ay dumating na sila at kumain na kami. Nandito na rin ang bunsong kapatid ni Tristan, si Amethyst. Ang ganda at magkamukhang-magkamuka sila ni Ma'am Sam. Hindi pa kami nagkakausap dahil gabi na siya nakauwi kahapon. Hindi naman namin kasabay kumain si Sir Josh dahil maaga siyang umalis kanina.
"Alex, kay Tristan ka sasabay sa pagpasok. At sasabihin mo sa akin kung may kalokohan na namang ginawa ang isang 'yan," sabi ni Ma'am Sam. Tiningnan ko naman ang alaga ko. Mukang wala talaga siyang magagawa kapag Mommy na niya ang nagdesisyon. Takot pala siya sa Mommy niya.
"Okay po Ma'am. Ako pong bahala," nakangiting sagot ko. Ako talagang bahala.
"So Ate Alex, kamusta naman ang pag-aalaga mo kay kuya. Stress ka ba?" nakangising tanong ni Amethyst. Nang-aasar pa itong sumulyap sa kuya niya.