"Kumusta ang inyong pag-aaral mga anak?" masayang salubong sa amin ni Nanay Teodora sa pintuan pa lamang ay kanya na kaming hinihintay. Nasabi kasi namin nila Kuya Jose na uuwi kami dito sa Laguna ngayong araw sapagkat tila hindi maganda ang naging unang araw ko roon. Hindi naman iyon problema sa kanila sapagkat hindi naman sila nagkukulang sa salapi.
Nagmano kami isa-isa sa kaniya at ngumiti.
"Mainam po Nay" sagot ni Kuya Paciano sabay punta agad sa kusina matapos maamoy ang masarap na niluluto nila Inay at ate.
Ngiti lamang din ang aming naigawad ni Kuya Jose kay Nanay matapos ang insidenteng natuklasan ng aming mga mata kahapon.
Nasa hapag na kami ng tila yata walang umiimik sa amin kahit isa, wala ring marinig na kahit anong kalansing ng mga kutsara't tinidor sapagkat halos isang nakabibinging katahimikan ata ang nakapalibot sa amin ngayon.
"Ehem!" pagbasag katahimikan ni Tatay Isko.
Kinuha niya ang kupeta at uminom bago magsalita.
"Ang lahat ba ay ayos lamang?"
Nagkatinginan kaming lahat na tila nangungusap kung sino ba ang dapat na sumagot at kung ano nga ba ang dapat na isagot.
Hinawakan ni Inay ang kaliwang palad ko sabay tanong...
"Mayroon bang bumabagabag saiyong isipan, Drino anak?"
Ang lahat ng mata ay tila sa akin na nakatingin.
Kinakabahan man at hindi malaman ang gagawin, nakuha ko pa ding tingnan si Kuya Jose, dahil sa palagay ko ay alam niya kung ano ang aking nararamdaman.
Bago pa man ako makabukas ng aking bibig upang magsalita...inunahan na ako ni Kuya Jose.
"May isang Ale na naman pong inabuso ng mga Kastila kahapon sa Maynila, at iyon po ay natuklasan ni Drino. Nais niya itong tulungan ngunit hindi namin siya pinayagan sapagkat ang hakbang na iyon ay lubos na mapanganib."
"Sus ko anak! Ayos ka lamang ba?!" gulat na tanong ni Inay sa akin. "Tama ang iyong kuya Jose, huwag na huwag kang mangingialam sa mga bagay na ganyan! Sila'y tunay na mapanganib!"
Napapikit na lamang ako sa inis sa tinuran ni Inay. Hindi maaari na manatiling ganto. Palagi na lamang kawawa ang kapwa ko Pilipino!
"Ngunit Inay, nawawalan na tayo ng kalayaan sa ating sariling bayan"
"Huminahon ka Drino" tila isang kulog ang naging tinig ni Tatay Isko.
"Alam ko ang damdaming iyan. Ngunit walang magagawa ang isang paslit laban sa makapangyarihang Espanya. Ilang taon at dekada na silang namumuno sa ating bayan, naghahanap lamang ng tiyempo ang mga Pilipinong kilusan upang sila'y mapatalsik sa ating lipunan.--""Ngunit tay, kailan pa?" biglaang pagtanong ni Kuya Jose. "Kapag marami na ang naabuso? Nasaktan at namatay?"
"Huminahon ka anak, iyong ama ang iyong kausap" pag-aalo ni Nanay Teodora kay Kuya Jose.
"At sa tingin ninyo Jose at Drino, ano ang inyong magagawa upang hamakin ang mga Kastila?" tanong sa amin ni Kuya Paciano habang nginunguya-nguya ang karne sa kaniyang bibig.
Sandali kaming natigilan ni Kuya Jose sa naging tanong na ito. Maging si Tatay Isko ay tinitingnan kami na tila kinikilatis niya ang aming karunungan.
"Darating ang araw, magkakaroon akong ng ambag para maging malaya ang Filipinas! At iyan ang isinusumpa ko!" buong tapang na tugon ni Kuya Jose.
Habang ako naman ay walang maisagot sapagkat ni hindi ko din alam kung papaano makilaban ang isang dukhang katulad ko.
BINABASA MO ANG
Filipinas: Tu Eres Mi Amor [COMPLETED]
Historical FictionBata pa lamang ay masidhi na ang damdamin ni Jen patungkol sa naging kasaysayan ng kaniyang bayan-Ang Pilipinas. Sa araw ng kaniyang labing-pitong kaarawan, may isang kahilingan ang sa kaniya ay iginawad. Kasama ang kaniyang kasintahang si Nath, hin...