Kabanata 13

20 4 0
                                    

"Tuloy kayo Ginoo, pasensya na sapagkat maliit lamang ang aking tahanan" anito.

Narito kami ngayon sa kapatagang bahagi ng bundok di kalayuan sa kabisera ng Cavite. Maliit lamang ang kanyang bahay at nag-iisa ito rito sa kapatagan. Gawa ito sa mga pawid at ilang makikinis na bato sa may ibabang parte.

"Naku. Wala iyon, maraming salamat"

Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng bahay at ako'y sumunod na rin.

Umupo ako sa nag-iisang pahabang silya at naghintay ng ilang sandali.

Hindi ko pa batid ang ngalan ng binibining ito ngunit tila ang gaan ng loob ko sa kaniya, na wari ba'y nakasama ko na siya noon ng pagkatagal-tagal. Ngunit imposible nga naman kung ganoon.

"Heto ang kapeng-bigas, Ginoo" iniabot niya ito sa akin at sya ko namang agad na tinaggap.

Bumalik siya sa kusina na para bang may kinuha saka bumalik rito sa kinauupuan ko.

Kinuha niya pala yuong silyang bilog sa kusina upang may mauupuan siya rito. Tila nahiya tuloy ako sapagkat siya ang may -ari ng bahay ngunit parang ako ang naghahari-harian.

"Siya nga pala ano ang ang iyong ngalan?" sabay naming tanong sa isa't-isa.

"Pasensya na" halukipkip niya. Napayuko siya ng konti at tila maging ako ay nahihiya na rin.

"Ako si Drino. Tubong Bohol."

Saka niya iniangat ang kaniyang tingin sa akin, tila nagulat siya sa sinabi kong lugar na aking pinagmulan.

Kahit papaano ay hindi ko nais na may makaalam na nanggaling ako sa Calamba. Sapagkat kung may masasangkot man sa mga pag-uusig na nararanasan ko, hindi ko nais na sila Nanay iyon, marapat na lamang sa aking ama, wala rin lang naman silbi ang buhay niya.

"Kaylayo nga pala ng iyong pinanggalingan. Siya nga pala, ang ngalan ko'y Mañana"

"Mañana?"

"Oho Ginoo, iyan ang ngalan na ibinigay sa akin ng aking Ina bago siya nawalan ng buhay. Ang sabi niya nangangahulugan daw ito ng bagong pag-asa pagkatapos ng lahat ng hirap"

"Siyang tunay! Batid mo bang ang salitang "mañana" ay isang espanyol na salita at ito'y espesipikong nangangahulugang 'bukas' ?"

"Po? Naisalin sa salitang espanyol ang ngalan ko?"

Tumango ako bilang tugon. Ngumiti ako ng bahagya sapagkat tila nagigi siyang aligaga matapos malaman na naisalin nga sa salitang espanyol ang kaniyang ngalan.

"Ngunit paano niyo ito nababatid? Bihasa din ba kayo sa salitang espanyol? O marahil isa kayong espanyol?!" sunod-sunod na tanong nito sa akin, tila base sa kaniyang reaksyon ay punong-puno ng takot ang kaniyang puso, nagawa niya pang tumayo upang kumpirmahin kung isa nga ba akong espanyol.

"Sandali binibini. Maghunos-dili ka. Hindi ako Espanyol, isa akong purong Pilipino na anak ng kapwa Pilipino. Hindi ako bihasa ngunit marunong akong umintindi at magsalita gamit ang wikang espanyol. Sapagkat ako'y nakapag-aral sa Unibersidad ng Santos Tomas de Manila" malumanay na pagpapaliwanag ko.

"Naku, isa ho pala kayong Señor, patawad ho patawad"

Bigla itong nag-iba ng ekspresyon, kung kanina ay pawang takot ang nakikita ko sa kaniyang mata, ngayon naman ay tila nahihiya na may bahid na paggalang.

"Naku hindi" pag-aagap ko. "Isa lamang akong ordinaryong mamamayan ngunit nagkaroon lamang ako ng opurtunidad para makapag-aral, ngunit ako'y isang dukha rin, kaya't huwag kang mag-alala, hindi ako gaya ng iniisip mo"

Filipinas: Tu Eres Mi Amor [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon