Music.
"Music?"
Napadilat ako nang kumakatok na si Mom sa pintuan ko. Bumangon ako at naglakad papuntang pintuan para batiin si Mom.
"Mom?" tanong ko habang pinupunasan ang mukha ko.
"Can I come in?" tanong niya kaya tumango ako. Sabay na kaming pumasok at umupo sa kama ko.
"Ilang weeks ka nang nagkukulong," panimula niya at pinapapagpag ang higaan ko. Tinignan niya ang reaksyon ko pero nakayuko lang ako habang humihinga nang malalim.
"Alam ko naman na may problema ka kasi halata naman pero hinihintay kita na sabihan mo ako," patuloy niya kaya napabuntong hininga ako. Hindi pa ako nag-oopen kay Mom about sa feelings ko. Ewan ko, ang awkward lang kasi.
"Wala namang problema, Mom," sabi ko na lang kaya pinanliitan niya ako ng mata.
"Tulog na 'yung mga lalaki sa baba. Tayong dalawa na lang ang gising. Sabihin mo na, Muse," mahinahon niyang sabi kaya napailing ako. Ngumiti pa ako para gumaan ang loob niya.
"Wala, Mom. Medyo pagod lang sa school." Syempre, nagsisinungaling lang ako. Ayoko talagang sabihin.
Mas lalo niya ako pinanliitan ng mata kaya napangiti na lang ako.
"Nag-away ba kayo ni Rock?"
Umiling ako. "Sadyang pagod lang po ako sa school kaya pag-uwi ko po rito ay review at tulog ang inaatupag ko." Which is medyo true kasi sunod-sunod ang quizzes namin. Atleast medyo may katotohanan sa sinabi ko.
"Bakit hindi mo pinapansin si Rock?" Gusto kong mapasapo ng noo. Wala namang ginawa si Rock at hindi naman kami nag-aaway. Gusto ko lang talaga ng distansya sa ngayon.
"Pagod ako, Mom. Alam ko pong pagod kayo kaya tulog na po tayo." Ngumiti ako nang matamis kaya napatango siya. Pakiramdam ko ay hindi siya naniniwala sa pinagsasabi ko.
"Hindi ka na raw nag-g-gig?" tanong pa niya kaya nawala ang ngiti ko. Nawala lang bigla ang hilig ko sa pagkanta pagkatapos ng seminar. Ang mga naipon kong lakas ng loob ay nawala na lang bigla.
Hindi ko alam kung bakit pero hindi ko alam kung babalik pa ba o hindi na.
Mabuti na lang nagpaalam na si Mom kaya bumalik na ako sa pagkahiga.
Kaso lang hindi na ako makatulog kaya napapabuntong hininga ako. Kinuha ko ang phone ko para tignan lang ang social medias ko.
Napatitig na lang tuloy ako sa kisame dahil nawalan din ako ng gana sa pagscroll.
Ganito ba ang heartbreak? Namamanhid na lang bigla dahil naubos ang emosyon noong isang gabi?
Wala akong maintindihan kaya isasara ko na lang ang phone ko pero nakita kong nagchat si Rock.
1:55AM
Rock:
Yow
Ba't gising pa