Sa loob ng isang buwan kong pag-aaral dito sa St. Benedict, napapansin kong wala itong pinagkaiba sa eskwelahan ko dati. Akala mo sa umpisa ay payapa ngunit habang nagtatagal ay lumalantad ang tinatagong sikreto.
Ngayon nandito kami ni Cree sa field. Nakatanaw sa mga nag-ensayo. Habang umiinom ng binili niyang tubig nagsimula na naman siya sa di niya maubos na kwento. Ngunit ngayon mas interesado ako dahil tungkol naman ito sa eskwelahan nila. Dito sa St. Benedict.
"May ikukwento ako. Alam 'to ng karamihan at dahil kaibigan na kita, sasabihin ko na din sa'yo." Panimula niya pagkatapos uminom. "Bago pa umalis si Keanu dito may mga nauna na din na umalis. Bihira na lang din ang mga lumilipat dito sa school namin. Natatakot na baka pati sila mabiktima." Hindi ko maintindihan kung ano ang tinutukoy niya.
Nagpatuloy ako sa pakikinig sa kaniya. "Para bang sinusumpa ng eskwelahang ito ang sino man na lilipat dito. Kung hindi pagkakaisahan ng mga estudyante, ang mga guro naman mismo ang gagawa ng dahilan para umalis sila." Tama nga ang hinala ko na may kakaiba rito.
"Ipapahiya nila o 'di kaya naman ay ibabagsak."
Bakit naman kaya nila gagawin ang mga ganoon sa mga bagong estudyante?
"Kaya ikaw mag-iingat ka. Lalo na kay Rehan. Nagbago 'yan magmula ng umalis si Keanu. Hindi ko na din alam ang takbo ng pag-iisip niyan."
Nakakapanibago ang pagiging seryoso ni Cree ngayon. "Kaya ko ang sarili ko." Sagot ko sa kaniya para mapanatag.
"Halata naman sa'yo. Pero nag-aalala lang ako dahil mas kilala ko si Rehan kaysa sa'yo."
Natapos din ang kwentuhan namin. Iniisip ko ang huling naging usapan namin ni Rehan. Desperado nga talaga siya. Kahit anong gawin niya hindi na babalik yung kaibigan niya dito. Ayon na din sa kwento ni Cree.
Kinabukasan ng makita kong wala si Cree pagdating ko. Madalas kasi na siya ang nauuna sa akin.
"Priya, pinatatawag ka ni Miss Esma." Saad ng kaklase namin pagkapasok pa lang sa classroom.
Di na ako nag-aksaya ng oras at lumabas na din. Pababa pa lang ako ng hagdan may naramdaman na akong nakasunod sa akin.
Lumingon ako at mga estudyanteng naglalakad ang nakita ko. Wala naman kakaiba sa kanila. Tanging mga seryosong mukha lang nila na nakatingin sa daan ang napansin ko.
Magpapatuloy na sana ako sa paglalakad ng paglingon ko ay halos mahulog ang puso ko sa gulat.
Bumungad sa akin ang pagmumukha ni Rehan na may blangkong ekspresyon. Hindi na siya tulad ng dati na maaliwalas lagi ang mukha. Wala na din ang salamin na suot niya.
"Mag-usap tayo mamaya." Iyan lang ang kaniyang sinabi at iniwan na akong nakatulala dahil hindi pa rin nakabawi sa pagkagulat.
Ano na naman ba ang gusto niya? Akala ko tumigil na siya sa pangungulit sa akin. Nagkamali ata ako.
Wala akong balak na makipag-usap sa kaniya. May aasikasuhin pa akong mas importante.
Pumunta na ako sa faculty at hinanap si Miss Esma. Sinabi niya lang na mag-review na lang daw para sa quiz niya bukas dahil sa biglaang lakad niya. Wala nga pala si Cree ngayon kaya ako ang ipinatawag niya. May seminar daw silang mga Student Council. Bumalik na din ako sa classroom at nagsimula nang magbasa ng mga notes.
Kakatapos lang ng huling klase namin sa hapon. Napansin ko na alas cuatro y media na pala. Pumasok sa isip ko ang sinabi ni Rehan kanina. Hindi ko siya sisiputin. Sawa na ako sa pagiging desperado niya. Kinuha ko na ang bag ko at Lumabas na ng room. Iilan na lang ang mga estudyanteng naiwan sa hallway ng makalabas ako.
Nakaka-tatlong hakbang pa lang ako palabas nang may humatak sa bag ko. Sisigawan ko na sana ang hayop na humatak sa bag ko nang makita kong si Rehan iyon at seryoso ang tingin sa akin.
"Iyong sinabi ko kanina." Ani niya sa walang tonong boses.
"Ayoko'ng makipag-usap sa'yo." seryoso ko din na sabi sa kaniya.
"Sabihin mo sa'kin kung nasaan ang demonyo na 'yon!" Nagbabadya na ang galit sa kaniya. Nagsimula na ang pagtaas ng kaniyang boses.
"Masiyado ka'ng desperado para makaganti. Hindi naman namatay ang kaibigan mo. Bakit hindi mo na lang sundan ang kaibigan mo at pabayaan na lang ang demonyong iyon?" Di ko na pinigilan ang sarili ko na prangkahin siya sa kahibangan niya.
"Wala ka'ng alam kaya nasabi mo 'yan!" Wala na akong planong sumagot pa sa kaniya. Baliw na ang isang ito.
Marahas kong hinatak pabalik ang bag kong kanina niya pa hawak. Iiwan ko na sana siya nang patalikod pa lang ako ay hinatak niya akong muli at itinulak sa pader. Hawak niya na ngayon ang kwelyo ng blouse ko.
"Parehas kayong demonyo! Nababasa ko sa mga mata mo. Katulad ka din niya!"
Gamit ang kanang kamay ko na naigalaw ko, sinuntok ko ng malakas ang sikmura niya. Dahilan ng pagkabitaw niya sa akin. Ayoko sa lahat ay ang sabihan ako ng demonyo. Dahil nagiging gatilyo ito sa mga bagay na hindi ko naman ginawa na hanggang ngayon ay isinisisi nila sa akin.
Sinakal ko siya gaya ng pagkakasakal niya sa akin kanina sa pader. At sinabi sa kaniya ang mga salitang alam kong ako lang ang makakaintindi.
"Ve a morir y nunca más me molestes!" Go die and never bother me again!
Ang kaninang nagmamakaawa niyang mukha ay nawalan ng emosyon. Tila may nagbago sa kaniya at biglang naging seryoso. Marahas niyang tinanggal ang pagkakahawak ko sa kaniyang leeg.
Mabilis ang lakad niya papuntang rooftop. Habang ako ay nanatiling nakatayo dahil sa gulat sa biglang pagbabago ng kaniyang kilos na para bang inutusan.
"AAAAAAAAAAH"
"TULOOONG! TULONG!"
"ANONG NANGYARI?!"
"JUSKO SI REHAN!"
Nagulat ako sa malakas na sigawan at nagkakagulong mga boses nila mula sa ibaba. Sumilip ako at nakita ko ang walang buhay na si Rehan. Dumadanak ang dugo mula sa kaniyang ulo.
Sa takot ko ay mabilis kong tinakbo ang hagdanan at nakita ko si Sam na nakangisi sa akin. Hindi ko na siya pinansin at tuluyan ng lumisan sa school.
BINABASA MO ANG
Priya El Hechizado
Mystery / ThrillerWhat would you do if things around you began to bewilder your psyche and entered the world of chaos? Find out the truth of unraveling the mystery of Priya the Hexed.