Carlotta’s Point of View
Hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Siguro, sa pagod. Marami rin kaming napuntahan ni Eduardo kahapon ngunit hindi iyon do’n matatapos.
Bigla naman akong nakaramdam ng saya. Umuulan, makikita ko nanaman siya at gagala kami ulit!
Pero naglaho iyon nang may maalala.
“May magagalit.”
Naalala ko nanaman iyong sinabi niya kahapon. Anong ibig sabihin no’n? May girlfriend kaya siya? Parang ang sakit isipin.
Nawalan ako ng gana pero sinubukan ko pa ring sumilip sa bintana at naroroon nga siya. Nakatingala sa akin at basang-basa sa ulan.
Hindi ako makapagdesisyon. Bababa ba ako? Patuloy pa rin ba ako makikipagkita sa kaniya kung may nobya nga siya?
Sa huli, binaba ko siya. Nakangiti ko siyang sinalubong kahit ang totoo parang nasasaktan ako na ewan.
“Carlotta.” maingat niyang binanggit ulit ang aking pangalan.
Maliit na ngiti ang ginawad ko.
“Ayos ka lang?” tanong ni Eduardo nang mapansin niyang tahimik ako.
Tumango ako. “Tara, saan ang sunod na punta natin?” Sinubukan kong maging masigla ang tono.
Tiningnan niya pa ako saglit para makasiguro. Nauna na ako maglakad kaysa tumagal pa ang mga titig niya. Sumunod naman siya sa akin. Dapat pala pinauna ko siyang pinalakad. Ang awkward para sa akin na tinititigan niya ako mula sa likuran.
Nauna niya akong dinala sa isang simbahan.
“Ito ang simabahang Immaculate Conception,” aniya.
Parang makahoy ang simbahan. Dahil umuulan medyo iba ang kulay. Gusto kong makita nang tuyo ito.
“Ang unang simbahan ng Jasaan ay itinayo sa labas ng dayap mula 1723 hanggang 1830 sa ilalim ng pangangasiwa ni Fr. Ramos Cabas, pari ng parokya sa sitio Kabitaugan sa barangay Aplaya. Ang unang simbahan ay kasalukuyang nasira at isang “cotta” o portipikasyon ay makikita sa mababang burol na malapit sa kalsada,” mahabang paliwanag niya.
Napatingin naman ako sa kaniya. Instant tourist guide. Natawa ako.
“Ayan, nakangiti ka na. Mas maganda ka kapag nakangiti,” puri ni Eduardo.
Napahawak ako sa labi ko at nahiya. “Tara na nga, sa sunod naman tayo!” Sinimulan ko nang maglakad. “Pereng tenge,” bulong ko pa sa sarili.
Narinig ko naman ang bungisngis ni Eduardo. Kaya sinamaan ko siya ng tingin. Pagtingin ko sa kaniya sinadya niyang tumingin sa malayo at kunwari seryoso ang mukha.
“’Till the end of time, long as stars are in the blue,” kanta ko.
“Alam mo ang kantang ‘yan?” manghang tanong ni Eduardo.
Nginitian ko siya. “Lagi kasing pinapatugtog ng Lola ko ‘yon,” kwento ko.
Tumango siya.
BINABASA MO ANG
Ang Lalaki Sa Ulan [Completed]
Historical FictionUna ko siyang nasilayan sa labas ng aming bintana. Sa akin lagi siyang nakatingala at sa ulan ay basang basa dahil tuwing tag-ulan lamang siya nagpapakita.