KABANATA XXI

41 7 0
                                    

Cecilia’s Point of View


“Ate Lia!”

Naalimpungatan ako sa boses na iyon. Napatingin ako sa orasan. Sino ang kakatok sa bahay ko ng alas tres ng madaling araw?

“Luke, ikaw ang magbukas ng pinto,” inaantok kong utos sa asawa.

Inaantok siyang umungol at ayaw pang bumangon kaya hinampas ko ang braso.

“Lia, anong oras pa lang,” inaantok niyang reklamo.

Tumayo siya at nagkusot pa ng mata. Muli akong pumikit para bumalik sa pagtulog. Maya-maya nama’y umakyat na si Luke.

“Si Carla, hinahanap ka,” balita ni Luke.

Napabangon ako. Nagsuot ako ng sando dahil panloob lang kasalukuyan kong suot. Pagbaba, naabutan ko si Carla na nakaupo sa aming sala. Mukhang gising na gising ang mukha.

“Ate Lia!” masaya niyang salubong.

“Ang aga pa, Carla.”

Masaya niya akong inalalayan sa sarili naming upuan. “Ate Lia birthday ni Eduard ngayon,” anunsyo niya.

Alam ko na ang pakay niya.

“Tulungan mo akong mamalengke, Ate. At pati sa pagluluto, tutulong talaga ako dahil hindi ako marunong,” nahihiya niyang sabi.

“Pero hindi mo kailangan pumunta ng ganito kaaga, Carla,” natatawa kong wika.

“Ate Lia kasi, maaga nagigising ‘yon si Eduard kaya kailangan maaga tayo,” paliwanag niya.

“Dapat kahapon mo sinabi para hindi tayo nagmamadali. Para kang si Eduard, noong humingi siya sa akin ng tulong, rush na. Buti na lang tanghali ka na nagising,” kwento ko.

“Masarap ang ulam kapag bagong luto, Ate Lia. Tsaka medyo nalimutan ko ang araw, kung hindi lang nag-alarm ang cellphone ko, hehe,” paliwanag ni Carla.

Napatango ako. Kahit ako ay nalimutan ko rin.

Umakyat ako sa taas para magpalit ng maayos na damit. Si Luke naman ay bumalik sa pagtulog. Ginising ko lang ito  para humalik at magpaalam na aalis.

“Pwedeng dito na lang tayo magluto, Ate Lia,” paalam ni Carla pagbaba ko.

“Bakit hindi sa inyo?”

“Baka magising si Eduard dahil sa amoy ng mabango at masarap mong luto,” pangbobola niya.

“Hindi mo na ako kailangan bolahin, Carla, tutulungan pa rin naman kita,” biro ko.

Tumawa ito at kumapit sa braso ko paalis.

Akala ko dati ay maldita at maarte itong si Carla. Noong unang bili niya sa tindahan ko parang ang sungit niya sa akin gayong nginitian ko lang naman ang pinsan kong si Eduard.

Naalala ko pang pinaluwas kami ni Eduard mag-asawa papuntang Maynila para dumalo sa graduation niya. Kahit na marami kaming kamag-anak, sa amin lang malapit si Eduard dahil bata pa lang madalas na siya sa amin. Kinse anyos siya nang pumanaw ang ama nitong si Tito Buboy. Si Tita Emilda ang nanay nito ay may bago ng pamilya ngunit hindi niya pa rin nakakalimutang magpadala ng pera sa amin dahil sa akin iniwan si Eduard siyang kinagalit no’ng bata dahil iniwan siya ng kaniyang ina. Lingid sa kaalaman ni Eduard na sampung taon pa lamang siya ay hiwalay na ang mga magulang niya.

Ang Lalaki Sa Ulan [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon