Carlotta’s Point of View
“Carlotta, akin na iyang mga dala mo.” Kukuhain dapat ni Lola Selia ang mga bagahe ko ngunit napigilan ko na siya bago niya magawa.
Pitongpu’t walong taon na si Lola Selia ngunit hanggang ngayon siya pa rin ang nangangalaga sa ancestral house nila Daddy na dati ay isa sa mga magagandang mansyon dito sa Misamis Oriental. Naabutan pa nga ni Lola Selia ang Lolo’t Lola ko—ama’t ina ni Daddy na sa katunayan, siya ang yaya at matalik na kaibigan ni nanay ni Daddy kaya mahalaga raw sa kaniya ang bahay. Kahit na magkaroon na siya ng asawa’t anak dito pa rin siya nagtatrabaho hanggang sa kaniya na ito iwan.
“Ako na po. Tsaka Lola, ‘Carla' na lang po ang itawag niyo sa akin. Feeling ko napakatanda ko sa ‘Carlotta’, pangalan pa po ‘yan ng nanay ni Daddy,” natatawa kong reklamo.
Mahina itong tumawa. “Naalala ko kasi si Carlotta sa iyo, hawig mo pa ang napakaganda niyang mukha,” tukoy niya sa kaibigan. “O siya, ang kwarto mo ay nasa itaas, pangatlong pinto. Ihahanda ko lang ang pagkain mo,” paalam ni Lola.
Nakangiti akong tumango at pumanik na.
Pagpasok ko sa kwarto bumungad sa akin ang medyo may kalumaan ngunit hindi maikakailang magandang disenyo ng kwarto. Sa kaliwa nito ay matatagpuan ang kamang mayroon ng kulay puting foam, dati ay papag lamang ito, ngunit dahil dito ako pansamantala ay inaayos na nila Daddy. Napansin ko rin ang tukador na may salamin at napakaganda ng frame no’n.
Naramdaman ko ang pagdaan ng hangin sa aking balat. Tumingin ako sa pinanggalingan ng hangin. Isa iyong nakabukas na malaking de-slide na bintana, iyong tipikal na bintana sa makalumang bahay.
Naglakad ako patungo sa bintana para sumilip. Mas dinama ko ang simoy ng hangin. Kita mula rito ang gate na malawak ang pagkabukas. Ang sabi sa sobrang luma na no’n, hindi na kayang maisara. Wala ng panahon si Daddy para ipaayos iyon dahil madami rin itong ginagawa.
“Carlotta, halina’t kumain na tayo baka lumamig na ang pagkain sa ibaba.” Napalingon ako kay Lola Selia na nasa loob na pala ng kwarto.
Ngumuso ako. “What’s with the ‘Carlotta’?” nakanguso kong bulong.
Nakatitig lang si Lola Selia sa akin habang nakangiti, tila may naalala. Inayos pa nito ang balabal mula sa kuba na niyang likod at huminga nang malalim.
“Nakikita ko talaga sa iyo ang Lola Carlotta mo, ganiyan na ganiyan iyon kapag ayaw niya ang isang bagay,” sabi ni Lola Selia. Napatingin pa ito sa gawing kama. Isang malaking larawan na nasa magarang frame sa itaas no’n, hindi ko napansin ito kanina.
“Ang ganda niya…” namamangha kong puri. “… at kamukha ko.”
“Si Carlotta, mayumi ang mukha, hindi makabasag pinggan kung titingnan ngunit sobrang kulit at kwela!” masayang kwento ni Lola habang nakatingin sa larawan. “Kaya hindi na ako magtataka kung bakit ko rin siya naging matalik na kaibigan.”
Magkasundong siguro talaga sila ni Lola , sa ngiti pa lang sa labi ni Lola Selia mukhang marami at matagal na silang may pinagsamahan pero huwag ka papalinlang sa mata nitong parang may sakit na dala-dala.
“Ang buhay nga naman, saya at pait ang dala,” buntong hininga ni Lola Selia. “Hay naku! Ang pagkain sa baba,” natatawa niyang sabi matapos akong tingnan.
BINABASA MO ANG
Ang Lalaki Sa Ulan [Completed]
Fiction HistoriqueUna ko siyang nasilayan sa labas ng aming bintana. Sa akin lagi siyang nakatingala at sa ulan ay basang basa dahil tuwing tag-ulan lamang siya nagpapakita.