Chapter 4

152 38 11
                                    

Chapter 4

Nakatambay ako sa kiosk sa labas ng building ng College of Engineering. Hinihintay si Alta.

Pero habang wala pa siya, inilatag ko muna 'yong mga art materials ko sa mesa. Tatapusin ko na lang muna 'yong pina-comission ng isa kong client, komiks.

Da't talaga sa food court kami magkikita. 'Yon 'yong usapan. Kaya lang nag-text siya na nag-extend daw ng time 'yong huli nilang prof. Ang lamig ng unang text niya sa 'kin. Parang imbes na ako 'yong naagrabyado sa wallet niya, siya pa 'yong gano'n.

Alta:

Nag-overtime prof namin.

Kaya ito, napagdesisyunan kong punatahan na lang siya. Hindi na 'ko sinamahan nila Brent. Pinauna ko na sila. Atat na atat sila mag-comshop eh. Hahabol na lang ako mamaya.

Naalala ko na naman 'yong pag-uusap namin sa tawag ni Alta. Tuwing naaalala ko, hindi ko alam kung mahihiya ba 'ko o ano...

"Tang ina. Seryoso ba 'yan?"

"Uh, oo."

Ang awkward. O ako lang 'ata nakakaramdam no'n?

"Awit sige. Sa school. Food Court. 5 pm. Bukas."

Ta's bigla na lang siya nawala sa kabilang linya.

Teka. Binabaan niya ba 'ko?

Tinignan ko 'yong screen ng cellphone ko. Napakamot ako sa tungki ng ilong ko nang makitang binabaan niya nga talaga 'ko ng tawag. 'Nak ng tokwa. Ibang klase.

Na-distract ako sa pag-d-drawing nang may biglang tumawag. 'Pag si Adriel talaga 'to o kaya sila Gelo, hindi ko sasagutin. Istorbo sa ginagawa.

Tinignan ko 'yong screen ng phone at nang makita na si Alta pala 'yong tumatawag, sinagot ko agad.

"Uy!" Biglang may sumigaw sa likod ko. Napakunot noo ko nang mag-echo sa tawag 'yong boses.

Lumingon ako sa likod at nakita si Alta. Nakaangat 'yong phone sa kanang tainga.

Lumapit siya sa 'kin. Seryoso lang 'yong expression niya. Hindi nakangiti. Hindi rin naman nakasimangot. 'Yong normal lang.

" 'Yong wallet ko?"

Hindi man lang ako binati.

"Ah nasa bag ko. Teka."

Tumagilid ako at bubuksan na sana 'yong bag ko nang bigla siyang magmura.

"Tang ina!"

Napatingin ako sa kaniya. Bigla niyang hinawakan 'yong pulsuhan ko.

"Tama ba 'yong nakikita ko? Ito 'yong limited edition na ni-release ng Seiko para sa 20th anniv ng One Piece diba?"

Sobrang bilis ng pagkakasabi niya. No'ng una, hindi ko pa maintindihan kung ano 'yong tinutukoy niya.

Napakamot ako sa tungki ng ilong. 'Nak ng tokwa, kala ko kung ano na.

"Uh, oo."

'Yong tinutukoy niya pala 'yong relo na niregalo sa 'kin ni Adriel sa birthday ko last year.

"Nice one! May taste ka sa anime!"

Napangiti ako sa compliment niyang 'yon.

"Yayamanin ka pala."

"Ah hindi. Regalo lang sa 'kin 'to."

Umupo siya sa tabi ko at bigla akong inakbayan. Hindi ko alam kung kita ba sa reaksyon ko pero pinigilan kong makita niyang nagulat talaga 'ko sa ginawa niya. Sana lang talaga 'di niya napansin.

"Dahil fan ka rin ng One Piece, 'lika. Lilibre na kita ng hapunan."

Sa sinabi niyang 'yon, hindi ko alam kung matatawa ako o ano. Hindi niya 'ko ililibre dahil binalik ko wallet niya, kundi dahil fan ako ng One Piece.

Kakaiba talaga.

Nihindi niya rin tinanong kung wala akong ibang lakad pagtapos nito. Mag-t-text na lang ako kila Gelo.

to Gelo:

'Di na pala ko makakasunod diyan.

Habang nililigpit ko 'yong mga gamit kong nakakalat, tumunog 'yong phone ko. Tinignan ko 'yon at himalang ambilis mag-reply ni Gelo.

Gelo:

GHOSTER!

"Ayos lang naman sa 'yo kung maglakad na lang tayo? Sa likod lang naman," tanong ni Alta.

"May dala kasi akong sasakyan,"

"Ah, sige. Turo ko na lang sa 'yo."

Inabot ko na sa kaniya 'yong leather wallet niya. Kinuha niya rin naman agad.

"Nice one!"

Habang nasa sasakyan kami, siya sa front seat, tinatanong niya 'ko tungkol sa One Piece. Kung sino paborito kong karakter. Paboritong scene. Paboritong season. Hindi ko aakalaing madaldal pala siya. O baka dahil sa One Piece. Pero salamat at dahil do'n hindi na gano'n ka-awkward. Parang may natibag na pader sa pagitan namin salamat sa isang anime.

Pero 'di nga talaga gano'n kalayo 'yong pupuntahan namin gaya ng sinasabi niya. Apat na kanto lang mula sa likod ng univ 'yong sinasabi niyang kainan.

Sa bistro niya 'ko dinala. Sa labas pa lang, rinig na rinig na 'yong tugtog ng banda sa loob. Kakain lang naman kami pero ba't sa maingay na lugar pa? Trip niya ba mag-soundtrip habang kumakain?

Akala ko pa kaming dalawa lang kakain, pero akala ko lang pala. Dahil pagpasok namin sa bistro, agad siyang lumapit at binati 'yong grupo sa 'di kalayuan. Nasa anim sila. Apat na lalaki. Dalawang babae kasama na do'n 'yong mestisang babae na nakita kong kasama niya no'ng nakaraan.

No'ng matapos silang mag-batian, napansin na rin nila 'yong presensiya ko.

"Oh? Sino siya? Bago mong tropa?" sabi ng isang lalaki. Una kong napansin ay 'yong kulay pula niyang buhok.

"Ingay mo," sabi ni Alta. Nagtawanan sila. Nilingon niya 'ko. "Ano nga ulit pangalan mo?"

Biglang naghiyawan 'yong mga tao. Sinasabayan 'yong chorus ng kanta. Napatingin at natuon 'yong atensyon ng ibang mga kaibigan niya sa nangyayari sa stage.

"Ha?"

Bigla niyang nilapit 'yong mukha niya sa tainga ko. 'Nak ng tokwa, nagulat ako do'n ah.

"SABI KO, ANO NGA ULIT PANGALAN MO?"

'Nak ng tokwa! Nilapit na nga mukha niya, kailangan pang sumigaw?!

Tsaka hindi pa ba 'ko nagpapakilala sa kaniya no'ng mga nakaraan? Ba't 'di niya pa rin alam pangalan ko? O 'di niya lang talaga tinandaan?

Nilapit ko rin 'yong mukha ko sa tainga niya. "Kairo Emmanuel. Kael na lang."

Ngumisi siya. "Naks. Ang gwapo ng pangalan ha," sabi niya bago umupo.

Napakamot ako sa tungki ng ilong sa sinabi niya, hindi alam pa'no sasagutin 'yon.

Umupo na rin ako sa upuan sa tabi ni Alta. Unting-unti nang humupa 'yong musika at mga hiyawan. Natapos na siguro 'yong bandang tumugtog. Nawala na rin 'yong atensyon ng mga kasama niya sa banda. Bumalik ulit sa akin.

"Si Kael. Schoolmate. " Lumingon ako kay Alta, naghihintay sa idudugtong niya.

Pero wala. Gano'n kaikli lang 'yong pakilala niya.

Sunod-sunod silang nagpakilala sa 'kin. Hindi ko matandaan lahat mg pangalan. 'Yong pangalan lang ng lalaking kulay pula 'yong buhok, si Evan, tsaka si Milly, 'yong mestisa, 'yong natandaan kong pangalan. 'Yong iba, hindi ko na alam.

"Saang department ka pala?" tanong ng isa sa mga lalaki. Gil 'ata pangalan niya.

"Sa College of Arts and Designs."

"Drawerist naman pala." sabi no'ng isa pang babae sa grupo. Niña 'ata pangalan niya. Kung 'di ako nagkakamali.

"Fine arts?" tanong ni Milly sabay ngiti. Ang ganda niya talaga grabe. Parang artista.

Umiling ako. "Graphic Design."

Bridge to Euphoria [Medrano Series #1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon