Chapter 14

117 22 15
                                    

Chapter 14

Umupo si Adriel sa pang-isahang sofa. Hinila ko rin paupo ulit sa sofa si Alta at tumabi sa kaniya.

"Kayo pala?" tanong ni Adriel, nakangisi sa 'kin habang nagtataas pa ng kilay ang sira-ulo.

Gusto kong busalan 'yong bibig niya sa tanong niyang 'yon. 'Nak ng tokwa. Ipapahamak pa 'ko. Baka bigyan ni Alta 'yong mga ginagawa ko ng malisya dahil sa tanong niyang 'yon. Napaka-sira-ulo talaga.

Nilipat niya 'yong tingin kay Alta. "Akala ko kayo ni..." sabi niya pa, binitin 'yong sasabihin, mukhang nakikiramdam.

Lumipat rin 'yong tingin ko kay Alta. Natuon 'yong atensiyon sa kaniya at napakunot 'yong noo. Sila nino?

"Hindi kami. Issue ka diyan." Napalunok ako sa sinabing 'yon ni Alta.

"So ano nga ulit meron sa inyo?"

"Kaibigan," walang pag-aalinlangan na sagot ni Alta.

'Nak ng tokwa.

Ba't bigla naging masama pakiramdam ko? Pakiramdam ko may nanghuhukay sa loob ng tiyan ko. Biglang 'di rin ako makahinga nang maayos.

Nabalot ng tawa ni Adriel 'yong sala. Tinignan ko siya nang masama.

Anong nakakatawa do'n? Nakakatawa pa 'tong sira-ulong 'to. Sana mabilaukan ka sa tubig. Sana tumama 'yong dulo ng daliri ng paa mo sa kanto ng mesa.

"Weh? Sure na 'yan? Final answer?" tanong niya ulit.

'Nak ng tokwa, kailan ba titigil ang isang 'to?

Naiirita siyang tinignan ni Alta. "Ano 'to? Interview? Dami mong tanong ah."

"Teka, pa'no nga kayo nagkakilala? Huwag mo sabihing mag-ex kayo?" tanong ko, nagpapalipat-lipat 'yong tingin ko sa kanilang dalawa, iniiba 'yong usapan.

"Huh? Ba't ako magkakagusto diyan? Mandiri ka nga. Tignan mo nga 'yang pinsan mo! Mukhang basketball ring!"

Tawang-tawa ako sa sinabing 'yon ni Alta. Pero mas lalong lumakas 'yong tawa ko sa reaksiyon ng mukha ni Adriel. Pinaghalong nasaktan, na-offend, at 'di makapaniwala sa sinabi ni Alta.

Basketball ring, 'nak ng tokwa!

Alta - 1
Adriel - 0

Hindi nakasagot si Adriel. Hindi rin naman kasi siya napatol sa babae kaya gano'n, tikom ang bibig ng sira-ulo. Nang walang maisip na masabi kay Alta, sinagot niya na lang 'yong tanong ko.

Nagkakilala pala sila ni Alta dahil minsan dumadayo 'yong basketball boys ng univ namin sa school nila (o vice versa) para sa practice game, tapos sinasama rin 'yong basketball girls para mag-observe at matuto. Marami rin silang common friends kaya 'yan. Oo nga pala at basketball player sila pareho.

"Nasa'n pala 'yong iba? Ba't 'di mo binuksan 'yong ilaw?"

"Umuwi 'ata sila Isaac, tapos si Jaric may gig. Ewan ko lang sa iba, 'di nagsabi eh. Tsaka patulog na kasi ako kaya patay mga ilaw. Ba't pala kayo nakaganiyan? Anong trip niyo? Roleplay?" tanong ni Adriel pagtapos niyang sagutin 'yong tanong ko, nakatingin siya sa suot namin.

"Ang dami mong tanong. May alak ka ba diyan? Inuman tayo. Pagod ako."

Nilingon ko si Alta. Halos pumipikit-pikit na siya at pumupungay na 'yong mga mata niya tapos gusto niya pang uminom?

"Nice! Tara!"

Tatayo na sana si Adriel pero pinigilan ko. "Huwag na," sabi ko at umiling pa.

Hinawakan ni Alta 'yong braso ko. Tinignan ko muna siya bago binaba 'yong tingin ko sa kamay niyang nasa braso ko.

Bridge to Euphoria [Medrano Series #1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon