Chapter 12

133 26 6
                                    

Chapter 12

Gabi na nang makalabas ako ng library kasama mga ka-grupo ko sa isang project. Nang makapag-paalam na sa isa't isa, nag-kanya-kanyang daan na kami pauwi.

'Nak ng tokwa, kapagod.

Ang konti na lang ng mga bukas na ilaw. Sa bagay, anong oras na rin kasi. Mukhang isasara na nila 'yong campus maya-maya.

Palabas na 'ko ng gate nang may mapansin na pamilyar na pigura. Nakatalikod siya sa 'kin, nauunang maglakad. Mukhang palabas na rin ng campus. Parang si...

"Alta?"

Huminto siya sa paglalakad at lumingon sa 'kin.

Tama ako, si Alta nga.

Napangiti agad ako. Hinabol ang lakad niya.

"Oh, Kael, 'kaw pala 'yan."

Napatigil pa 'kong sandali. Nanibago ako. Parang ngayon niya lang ako tinawag sa pangalan ko.

Nang makalapit na 'ko, saka kami magkasabay na nagpatuloy sa paglalakad. Konti na lang ang distansya namin sa isa't isa.

"Pauwi ka na?" Tanong niya.

"Oo, ikaw ba? May pupuntahan ka pa?"

"Magtutusok-tusok muna 'ko diyan sa labas. Sama ka?"

Malamang 'yong tinutukoy niya ay 'yong nasa sidewalk sa labas lang ng Gate Two. Tagal na rin no'ng huli kong tusok-tusok do'n. 'Di na kami nagkakayayaan nila Gelo eh.

Tumango ako. "Sige."

"Nagbabasa ka pa ng One Piece? Tsaka may pinapanood kang bagong release na anime 'di ba, maganda ba?" tanong ko.

Naalala kong nakuwento niya kasi sa 'kin 'to no'ng nakaraang pumunta kami sa anime convention.

"Ah, 'yong Doctor Stone? Nasa kalahati pa lang ako. Medyo naguguluhan lang ako sa storyline pero maganda naman," sabi niya saka nagkibit-balikat.

'Nak ng tokwa!

Halos mapatalon ako nang maramdaman ko 'yong likod ng kamay niya na sumagi sa kamay ko.

'Nak ng tokwa, parang may kuryenteng dumaloy mula sa daliri ko paakyat hanggang sa mukha.  Ramdam kong namumula 'yong tainga ko sa nangyari.

Sinubukan ko siyang sulyapan kung napansin niya rin ba o kung pareho ba kami ng naging reaksyon.

Pero wala.

Hindi ko alam pero may parte sa 'kin na... nadismaya.

Kael, umayos ka nga.

Ilang minuto lang at nakarating na rin kami. Kumuha na 'ko ng dalawang plastic cup at stick sa lalagyan saka nag-abot sa kaniya.

Nagsimula na siyang maglagay ng fishball sa baso niya. Napansin ko 'yong pagtakas ng inipit niyang buhok sa tainga niya.

Inilapit ko 'yong kamay ko sa mukha niya, ilalagay sana 'yong takas na buhok sa likod ng tainga niya nang humarap siya sa 'kin.

"Anong trip mo?" tanong niya, nakakunot ang noo niyang nakatingin sa kamay kong naiwan sa ere.

Agad kong binawi 'yong kamay ko. 'Nak ng tokwa, Kael. Baka anong isipin niya sa ginagawa mo. Umayos ka nga.

"Ah, wala. May alikabok kasi sa buhok mo."

Pagkatapos kong sabihin 'yon ay sinuklay niya gamit ng kamay niya 'yong buhok niya.

"Wala na?"

"Wala na."

Bumalik na ulit 'yong pansin niya sa paglalagay ng fishball at kikiam sa baso niya. Pinagmasdan ko lang siya. Ang dami kong gustong itanong sa kaniya. Kung sino 'yong lalaki na nagpunta sa kaniya pagtapos ng laro, bakit kami nagtago sa cubicle no'ng isang araw. Ang dami pa ring tanong sa isip ko. At habang tumatagal, mas dumarami pa.

Bridge to Euphoria [Medrano Series #1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon