Chapter 28

75 13 30
                                    

Chapter 28

"A-ano?" tanong niya, pansin ko iyong pamumula ng pisngi niya.

"Sa 'yo lang ako, Alta."

Sa 'yo lang ako nalunod at nabaliw nang ganito.

Matagal niya akong tinitigan sa mga mata, para bang hindi makapaniwala sa sinabi ko.

Pinigilan ko ang matawa, sobrang cute niya kasi. Sobrang flustered niya sa nangyari.

'Di ko na napigilan at niyakap ko siya nang mahigpit.

"Namiss kita," bulong ko.

Lalong lumawak iyong ngiti ko nang sumiksik siya sa dibdib ko. "Ang tagal mo," may halong pagtatampo niyang sabi.

Kinagat ko iyong pang-ibabang labi ko para mapigilan iyong ngiti ko pero nakatakas pa rin.

Ah, naloko na. Kael, lulong ka na sa kaniya.

Naramdaman ko iyong kamay niya sa likod ko. Niyakap niya 'ko na para bang ayaw niya na 'kong bitawan.

Hindi ko sigurado pero sa tingin ko rinig na rinig niya 'yung malakas at mabilis na tibok ng puso ko ngayon.

"Tang inang 'yan, sana binaril niyo na lang ako sa spinal cord."

Napabitaw kami sa pagkakayakap at sabay kaming napalingon kay Adriel. 'Nak ng tokwa, kahit kailan talaga panira ang isang 'to, ang hilig sumingit at maki-eksena.

"Maglalandian na nga lang kayo, dito pa talaga sa party ko? Respeto naman sa 'kin na single ano ho!"

"Mukha kang gago."

Humawak siya sa dibdib niya habang nanlalaki ang mga mata na tumingin sa akin. Napaka-O.A talaga kahit kailan.

"Alam mo p're, dahil sa 'yo gusto ko na lang maging puno... maging puno ng sama ng loob tang ina mo!"

Tumawa lang ako. Umayos na ulit siya ng pagkakatayo.

"Oh, ano? Ngayon, okay na kayo? Sabihin niyo salamat, Adriel."

"Lumayas ka na nga, sinisira mo diskarte ko," sabi ko habang may naglalarong ngisi na labi.

Malakas na tumawa iyong kumag. Malamang sa malamang dahil ngayon lang niya akong nakitang gan'to, kaya kung makahalakhak, wagas.

"P're, delikado ka na," sagot niya at umiling-iling.

Anong delikado? Hindi na delikado dahil wala na, huli na, hulog na hulog na 'ko.

Sinenyasan ko siyang umalis na at nakakaistorbo siya.

"Sige na, ito na, aalis na," sabi ng ungas at saka lumakad na ulit palayo.

Naiwan ulit kaming dalawa ni Alta. Buti na lang wala nang pumunta rito sa cottage.

Umupo kami roon sa mahabang upuan na gawa sa bamboo. At nagkamustahan kami.

Dahil wala akong balita sa kaniya sa nakalipas na mga taon, ngayon ko lang nalaman na lisyensyadong civil engineer na siya. Nagtayo rin siya ng sarili niyang firm.

Sayang at wala ako no'ng mangyari ang mga 'yon. Pero ayos lang, wala pa rin naman akong pagsisisi. At least ay nag-grow kami individually at hindi kami naging dependent sa isa't isa. 'Yon ang mahalaga.

Habang nagkukuwento siya ay hindi ko mapigilang titigan at pag-aralan iyong mukha niya. Mula sa mga mata niya, pababa sa ilong niya, hanggang sa dumapo iyong tingin ko sa namumula niyang labi.

Kinagabihan ay sunod-sunod na nagdatingan iyong mga pinsan ko kasama ang mga tito't tita namin. Sinalubong namin sila ni Adriel at niyakap. Naiwan si Alta sa cottage na kumakain.

Bridge to Euphoria [Medrano Series #1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon