Chapter 20

79 14 4
                                    

Chapter 20

Gaya no'ng sinabi nila, hindi na ako umulit sa laro dahil isang round lang ang akin tapos sinalo naman ni Alta.

Nag-order pa ulit sila ng isang case. Nagpaalam na ako na magpapahangin sa labas kasi kailangan ko na maging sober at maya-maya ay uuwi na 'ko. Mahirap na at baka maaksidente pa 'ko sa daan pauwi.

Nang tumayo ako mula sa inuupuan ko, muntikan na ako matumba dahil sa hilo. Umaalon na 'yung paligid sa paningin ko.

Napalingon ako nang may humawak sa braso ko. Inalalayan pala ako ni Alta. "Iinom-inom pa kasi, hindi naman pala kaya," bulong niya pa sa gilid ko.

"Kaya ko, naparami lang talaga."

"Kita mo na nga kasing dinadaya 'yung ikot ng baso, iniinom pa rin. Tanga."

Tumawa ako.

Ala-alalay niya 'kong lumabas ng resto. Bumungad iyong malamig na hangin na kumakapit sa balat ko. 'Nak ng tokwa ang lamig.

"Nilalamig ka ba?" tanong ko sa kaniya.

Kaya lang kung sabihin niyang oo, wala naman akong dala o suot na jacket. Anong gagawin ko... yakapin siya?

"Ingay mo," iyon lang ang naging sagot niya.

Umupo kami doon sa isang pahabang kahoy na nakakalat lang sa dalampasigan. Mayroon kaunting distansya sa pagitan namin. Tinukod niya iyong parehong kamay sa likod at tumingala sa langit. Ganoon rin ang ginawa ko.

Ang daming bituin. Ito talaga 'yung gusto ko sa probinsya. Sa Maynila kasi, puro usok na.

Napansin ko ring bilog pala iyong buwan ngayon. Kaya pala kahit gabi na, medyo maliwanag pa rin dito sa labas.

Sa gilid ng mga mata ko, palihim kong pinagmamasdan si Alta. Tahimik lang siyang nakatingala sa langit, parang may malalim na iniisip. Wala naman siya sa tubig, pero bakit parang nalulunod siya sa lahat ng mga laman ng isip niya. Birthday celebration niya pero bakit parang hindi siya masaya?

"Alta," pagtawag ko. Lumingon siya sa direksyon ko.

Hindi ko alam kung epekto ba ng alak pero humarap ako sa kaniya at nahanap ko 'yung sarili ko na marahang hinawakan iyong pisngi niya gamit ng kanang kamay.

"Hoy! Anong—!" Nagulat siya sa ginawa ko at agad niyang hinampas 'yung kamay ko paalis sa mukha niya. Bahagya pa siyang napatalon sa kinauupuan niya.

"Shh, may sasabihin ako..."

"May sasabihin ka lang pala! Kailangan may paghawak pa sa mukha?"

Sa sobrang tahimik ng paligid, rinig na rinig sa lugar iyong pagsigaw niya.

"May gagawin lang ako."

"Umayos ka, Kael, ha," nanlalaki iyong mga mata niyang sinabi. Tumango ako.

Iniangat ko ulit iyong kamay ko, akala ko hahampasin niya ulit pero hindi, naguguluhang sinundan niya lang ng tingin iyon hanggang sa dahang-dahang dumampi sa mukha niya.

"Ang lamig ng pisngi mo."

"Malamig lang talaga 'yung kamay mo." Kumunot 'yung noo niya. " 'Yon na sasabihin mo?"

Natawa ako. May iba ba siyang inaasahang sabihin ko?

Sumeryoso ako at direkta siyang tinignan sa mga mata. "Alta, gusto kong maging masaya ka. Wish ko sa birthday mo na maging genuinely happy ka." Huminga ako nang malalim.

Biglang nagbago iyong expression niya. Lumamlam iyong mga mata niya. Tila ba nang sabihin ko iyon, tinanggal niya na iyong maskara na matagal nang nakakabit sa mukha niya.

Bridge to Euphoria [Medrano Series #1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon