35.
Sandali pa naming napagmasdan ang masayang ngitian ng mag-anak. Tuwang-tuwang ipinapasa ni Gio ang kanyang bola sa Papa niya na inihahagis naman nito pabalik.
"Masaya naman pala sila habang wala ako." matabang na sabi ni Jordan habang titig na titig pa rin sa kanyang pamilya.
Napisil ko ang kamay niya na hawak ko.
"Huwag kang magsalita ng ganyan. Alam ko kung gaano ka nila kagustong bumalik. Kung paano'ng nakiusap ang Papa mo para mabuo ulit ang pamilya niyo. Kaya kung ano man ang gusto mong gawin ngayon, gawin mo na. At nandito ako para suportahan ka, Jordan. Huwag kang matakot, tanggalin mo na ang alinlangan mo sa sarili mo. Dahil bahagi na ng pamumuhay natin ang masaktan. Hindi natin maiiwasan iyon. At sa tuwing nasasaktan ka, ibig sabihin nun ay nagmamahal ka ng totoo." tugon ko.
Humugot siya ng malalim na hininga saka ako nilingon. Nakikita ko sa mga mata niya ang alangan sa kabila ng mga sinabi ko. Naiintindihan ko naman si Jordan. Masakit para sa kanya ang nangyari at kung hindi niya pa kayang magpatawad, maiintindihan ko. Ang pagpapatawad ay hindi minamadali. Kailangan nito ng mahabang panahon lalo na kung nasaktan ka ng sobra. Pero kung mahal mo ang taong patatawarin mo, hindi ka mahihirapang gawin iyon.
Hinigpitan ko ang kapit sa kanyang kamay at napangiti ng tuluyan na niyang itulak ang gate para makapasok kami. Nakita ko ang pagtigil ng tatlo sa pag-uusap at paglalaro at ngayon ay nakatuon na sa amin ang kanilang atensyon.
"K-Kuya?... Kuya Jordan! Bumalik ka na!" at agad na tumakbo si Gio palapit sa kuya niya at niyakap ang isang hita niya.
Humikbi na rin ang bata kung kaya't agad siyang kinarga ni Jordan at inalo. Mahigpit itong yumakap sa leeg ng kuya niya.
Halatang nangulila ng husto si Gio sa kanya. Alam kong nag-alala rin ng husto ang kapatid niya sa kanya.
"Shhhh... Tahan na, ano ka ba. Hindi mo naman kailangang umiyak, eh. Nandito na ako, o!" sabay hagod sa likod nito.
"Kuya!... Huwag ka n-ng umalis! Huwag mo na a-akong... I-Iiwan." sabi pa nito.
"Oo na, hindi na aalis si Kuya. Pangako." tugon niya.
"A-Anak... Mabuti naman at nagbalik ka na." pigil rin ang luha ni Tita Lorie ng lingunin ko siya. Bakas sa ngiti nito kung gaano niya namiss ang panganay. Samantalang ang kanyang Papa, napatayo lang at napagmasdan ang dalawang anak na hindi rin nagkita ng isang linggo. Alam kong marami rin siyang gustong sabihin kay Jordan pero, hindi niya siguro alam ang uunahin.
"Gio, tahan na. Nandito na si Kuya at hindi na siya aalis ulit." pag-alo ko kay Gio. Nalingon niya ako at kinuha ko siya kay Jordan para ako na lang ang magkarga.
"Ate Shin..." na agad namang yumakap sa likod ko.
"Jordan..." sambit ng kanyang ama.
Natitigan ni Jordan ang Papa niya. Matagal rin bago siya nagsalita.
BINABASA MO ANG
THE ONE That I Wanted (BOOK 1)
RomanceAno'ng gagawin mo kung magiging mapanganib ang pag-ibig na itinakda para sa iyo? Kakapit ka pa ba at ipaglalaban ito kahit na ang kapalit ay kamatayan? O bibitiw na lang at magpaparaya kapalit ng katahimikan at kaligtasan ng taong iyong minamahal? ©...