Chapter 09

45.6K 2.2K 656
                                    

HINDI magawang tapunan ng tingin ni Zafrina si Sovereign. Mabilis niyang pinahid ang luhang namalisbis sa pisngi niya. Na-gets kaya nito ang mga pinagsasabi ni Liam? Nahawakan niya ang sentido at bahagyang hinilot. Hanggat maaari ay sinikap niyang iwasan ang makaramdam ng hilo. Baka kung saaan na naman siya humantong.

"Pasensiya sa abala," halos anas na lang niyang sabi na sapat lang upang marinig ni Sovereign. Tinalikuran na niya ito at hinayon ang palabas sa CCTV Room.

Bumalik siya sa suite na ukupado niya at ipinaglalagay sa kanyang maleta ang mga gamit niyang naroon. Napatigil lang siya sa ginagawa nang ma-realize ang sinabi kanina ni Liam. Nadala ni Zabrielle ang wallet niya. Hindi niya alam kung nadala nga lang ba talaga o sinadya ni Liam na ipadala kay Zabrielle ang wallet niya.

Last day dapat nila kinabukasan sa Alager, kailangan na niyang mag-check out bukas. Pero paano siya ngayon? Paano siya kakain kung wala naman siyang hawak ni sinkong duling?

Nanlabo na naman ang mga mata niya nang maalala ang anak na si Rain. Nasa loob ito ngayon ng UHB Leisure Club. Paano niya ito makukuha roon? Nainis siya kay Liam. Kung bakit naisip nitong gawin iyon sa kanya. Pinahihirapan siya nito masyado.

Kahit mamatay siya sa gutom, hindi niya kayang lumapit kay Sovereign. O kahit ang dagdagan pa niya ang utang niya rito.

Kung makikitawag naman siya sa pamilya niya sa Sagada, hindi naman niya alam kung ano ang contact number ng mga tao roon. Pati cellphone nga niya ay dala rin ni Zabrielle.

Ipinagpatuloy na niya ang ginagawa. Nang maisara ang zipper ng kanyang maleta ay hinila na niya iyon palabas sa silid na gamit. Natigilan pa siya nang makita si Sovereign na prenteng nakaupo sa may salas.

Hindi niya namalayan na sumunod pa pala ito sa kanya. Dagli siyang nagbawi ng tingin nang mapatingin ito sa kanya.

"Ano pa'ng ginagawa mo rito?" aniya na hindi ito magawang tapunan ng tingin.

"Maniningil ng utang mo sa akin. Remember 'yong hospital bill mo?" anito na tumayo at naglakad palapit kay Zafrina.

Saka lang ito nagawang tingnan ni Zafrina. Nanghihina 'yong pakiramdam niya tapos dadagdagan pa nito.

"Narinig mo ba 'yong sinabi ng kaibigan mo kanina? Wala akong pera, kaya wala pa akong ibabayad sa iyo. Mananatiling utang pa rin 'yon."

"Kung wala kang pera, saan ka pupunta?" anito na tinapunan pa ng tingin ang hawak niyang maleta.

Unti-unting nagbaba ang tingin ni Zafrina. Saan nga ba siya pupunta? Kumibot ang labi niya.

Napakislot siya nang kunin sa kanya ni Sovereign ang hawak niyang maleta. Sunod niyon ay hawakan naman siya nito sa pulsuhan niya at hilina palabas sa suite na iyon.

"S-sandali," pigil niya kay Sovereign pero hindi naman ito nagpatinag at ni hindi siya binitiwan kahit ano'ng bawi niya sa kamay niya na hawak nito. "Sovereign," reklamo na niya.

Pero wala siyang nakuhang salita mula rito. Hanggang sa sumakay sila sa elevator pababa ng hotel at hayunin sa labas ng Alager ang kotse nito. Saan ba siya nito dadalhin?

Pinigilan niya ang kamay nito nang akmang bubuksan nito ang pinto sa may passenger side. "Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo?"

Nang balingan siya ni Sovereign ay mataman siya nitong pinagmasdan na halos hindi matagalan ni Zafrina. Tila nang-aarok iyon. "Pupuntahan si Rain. Sa tingin mo, paano ka makakapunta sa Leisure Club? Lilipad?"

Napipilan siya sa sinabi nito. At sa isang iglap, daig pa niya ang papel na tinangay ng hangin nang alalayan siya nito sa pagsakay sa loob ng kotse nito. Sasamahan siya nitong puntahan si Rain?

The Billionaire's Secret | Book 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon