Chapter 10

48K 2K 592
                                    

NANG MAGISING ang diwa ni Zafrina ay unti-unti niyang iminulat ang mga mata. Napapikit lang siyang muli nang masilaw siya sa liwanag na nagmumula sa chandelier. Ikinundisyon muna niya ang sarili bago muling nagmulat ng mga mata.

Nang ma-realize kung nasaan siya nang mga sandaling iyon ay sinikap niyang bumangon. Napatingin siya sa kumot na nalaglag sa may hita niya. Kinumutan ba siya ni Sovereign? Inilibot niya ang tingin sa paligid. Tahimik ang buong paligid.

Napahaba pala ang tulog niya dahil madilim na sa labas. Bukas na rin ang mga ilaw sa loob ng mansiyon.

Hindi niya mapigilan ang humanga sa buong paligid. Napakaganda ng bahay na iyon. May touch of gold na lalong nagpaparangya sa mansiyon. May grand staircase na may nakalatag pang red carpet.

Huminga muna siya nang malalim bago ipinasyang tumayo.

Bakit imbis na makaramdam siya ng saya sa kanyang puso dahil naroon siya sa bahay ni Sovereign ay nalulungkot pa siya na makita iyon?

Pumunta siya sa kusina para hanapin si Sovereign pero wala ito roon. Bumalik siya sa may malawak na salas. Pagkuwan ay napatingin sa may hagdan. Aakyat ba siya para tingnan kung naroon ang lalaking hinahanap niya? Unti-unti siyang nagbawi ng tingin. Pinili na lang niyang hayunin ang natanawang sliding door na ang labas ay ang lanai.

Napahinto pa siya nang mapagtanto na automatic ang sliding door. May sensor iyon na agad bumukas. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Nang nasa lanai na siya ay inilibot niya ang tingin sa labas. Nakita niya ang pakay na nasa may gilid ng pool. Nakaupo roon habang nakalubog sa tubig ang binti nito, nakalilis ang suot nitong pantalon.

May suot na rin itong damit. Ang huling kita niya rito ay nakahubad ito dahil ibinigay nito sa kanya ang damit nito para pampahid niya sa kanyang luha kanina.

Naglakad siya palapit dito. Napabuntong-hininga pa siya nang makita na may bote ng alak sa tabi nito at baso.

Ano kaya ang iniisip ngayon ni Sovereign? Wala na siyang tago pa dahil alam na nito na may anak sila. Hindi niya lubos maisip na sa ganoong paraan malalaman ni Sovereign na mayroon silang anak. Pasalamat talaga si Liam na wala ito sa tabi niya dahil tiyak na masasakal niya ito. Ni hindi man lang siya nakabuwelo o kahit ang itanggi ang sinabi nito dahil sa sobrang pagkagulat din. Nawalan siya ng lusot.

Nayapos niya ang sarili nang umihip ang malamig na hangin. Marami ring solar lights na nagkalat sa paligid na nagbibigay lalo ng ganda sa gabing iyon sa paligid ng bahay ni Sovereign. Nakabukas din ang ilaw sa swimming pool.

Bahagya niyang inililis ang laylayan ng suot niyang dress at naupo isang dipa ang layo sa kinauupuan ni Sovereign. Napakislot pa ito nang bigla siyang sumulpot.

"G-gising," tumikhim ito. Clearing his throat. "Gising ka na pala."

Wala na talaga ang bakas ng kahit na anong pagkasuklam o galit sa boses nito. Dahil ba sa kaalaman na may anak sila? Natutuwa kaya ito? Pero paano kung hindi ito matuwa sa ideya na iyon? Paano kung may iba na ito ngayon?

Pero ipipilit ba ni Liam na ayusin nila ang issue sa past nila kung may iba na ito ngayon? Bigla ay naguluhan siya sa nais mangyari ni Liam. Gusto lang ba nito na magkaroon sila ng closure ni Sovereign para maging maayos ang samahan ni Sovereign at ng anak nilang si Rain?

"Nagugutom ka na ba? Iinitin ko 'yong pagkain mo."

"Hindi pa ako gutom," aniya nang akmang tatayo ito. Napasulyap siya sa alak na hindi pa naman nangangalahati ang laman. Hindi naman mukhang lasing si Sovereign. "Kumain ka na ba at nag-iinom ka na?" hindi niya mapigilang itanong. Nagbawi lang siya ng tingin nang pagmasdan siya ni Sovereign. Bigla siyang nakaramdam ng pagkailang. Sino ba siya para pakialaman ito sa buhay nito?

The Billionaire's Secret | Book 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon